HABANG nasa daan ay
hindi mapigilan ni Nicko ang mainis sa sarili sa kinalabasan ng pag-uusap nila
ni Nickie.
Nagulat talaga siya nang makita niya itong
papasok sa bookstore na kinaroroonan niya na may kasamang matangkad na lalaki.
Matagal na niyang inasahan na anumang oras o saan mang lugar ay maaari niya
itong makita ngunit nagulat pa rin siya nang makita niya itong nakatayo sa
harap niya.
Hindi niya alam kung ano ang unang gagawin
at sasabihin nang makalapit siya dito. Kung hindi pa siya hinarangan ng kasama
nito ay hindi pa niya maaalala ang presensiya ng lalaki sa tabi ni Nickie.
Tiningnan niya ‘yon ng masama. Kung hindi pa ito in-assure ng dalaga na kilala
siya nito ay hindi pa titinag ang lalaki sa pagharang nito kay Nickie.
Kung sino man ang lalaking kasama nito,
bilang na araw nito sa piling ng dalaga. Dahil ngayong nakita na niya si
Nickie, hindi na siya papayag na muli na naman itong mawala sa kanya.
Nabalik siya sa kasalukuyan nang marinig
ang pagkatok na ‘yon sa bintana ng kanyang sasakyan. Nilingon niya ang
kumakatok. Si Miguel. Noon lang niya napagtanto na nando’n na pala siya sa
parking lot ng opisina nila. Masyado siyang nalunod sa pag-iisip kaya hindi na
niya namalayang nakarating na pala siya sa patutunguhang lugar.
Bumaba siya ng sasakyan at hinarap ang
kaibigan. Nakakunot ang noo nito habang nakatingin sa kanya.
“Okay ka lang, Nicko?” tanong nito.
“Nakita ko na siya.” malamig na sabi niya.
“Sino?” nagtatakang tanong nito.
“Si Dominique.” deretsong sabi niya habang
titig na titig sa mukha nito.
Agad namutla ang buong mukha nito.
Nagtagis ang bagang niya at bago pa niya mapigilan ang sarili ay umigkas na ang
kamao niya at binigyan ito ng malakas na suntok.
“GAGO KA Nicko! Ang sakit ng panga ko.”
reklamo ni Miguel habang nakatapal sa panga nito ang isang cold compress.
Tiningnan lang niya ito ng matalim bago
tinungga ang laman ng baso niya. Kasalukuyan silang nasa pad niya at
nag-iinuman. Pagkatapos niya itong suntukin ay nagpasya silang ‘wag nang
bumalik sa opisina at tumuloy na lamang sa unit niya.
“You deserved it. Gago ka rin kasi.”
bulyaw niya dito.
“Ako na nga ang tumulong, ako pa ang
masama.” parang batang paghihimutok nito. Inisang-lagok nito ang laman ng baso
nito.
“Alam mong matagal na naming hinahanap si
Nickie. Kahit man lang sa’kin hindi mo sinabi na alam mo kung nasa’n siya.”
sumbat niya dito. Ipinagtapat na nito kanina na isang buwan pagkatapos umalis
ni Nickie sa bahay ng mga ito ay aksidenteng nakita ito ni Miguel sa mall
habang namimili ng mga appliances para sa apartment nito.
“Sinabi ko na nga sa’yo di ba? Nangako ako
sa kanya na hindi ko ipagsasabi kung nasa’n siya. Alam mong hindi ako marunong
sumira sa pangako ko. At alam mo kung gaano siya kakulit kapag may hinihingi
siyang pabor.”
“Pero naglihim ka pa rin sa’kin. I’m your
best friend.”
“Iyon ang bilin niya eh. ‘Wag kong
ipagsasabi kung nasa’n siya lalo na sa’yo. Anong magagawa ko kundi sumunod?”
tumayo ito at naglakad papunta sa kusina niya. Malamang ay papalitan nito ang
cold compress nito.
Bakit ba siya nagagalit? Kung tutuusin ay
wala siyang karapatang magalit dahil isa naman siya sa mga dahilan kung bakit
ito umalis. Ang totoo ay hindi siya galit kay Miguel. Naiinis lang siya. Dahil
sa halip na siya ang tumutulong sa dalaga sa panahon na kailangan nito ng
tulong, ibang tao pa ang gumagawa niyon.
Miguel is your best friend. Don’t tell me you’re
jealous of him?
I’m not jealous. Ano naman ang dapat kong ipagselos?
I’m not jealous. Ano naman ang dapat kong ipagselos?
Para siyang tanga dahil kinakausap niya
ang sarili niya. Matagal na niyang alam na nakababatang-kapatid lang ang tingin
ni Miguel para kay Dominique, kaya ano ang ipinagpuputok ng butse niya? Siya
ang fiancé ng dalaga at hindi siya papayag na may ibang makaagaw dito.
Dominique is his. What’s his is his, alone.
“Hindi ko alam kung ipapaalam ko ba ‘to
kina Tito Dennis o hihintayin ko na lang na maging handa si Nickie na harapin
uli ang mga magulang niya.” Napahawak siya sa kanyang sentido at hinilot ‘yon.
Biglang sumakit ang ulo niya.
“Desisyon mo na ‘yan. Tutal naman nakita
mo na uli si Nickie, responsibilidad mo na uli siya. Hindi naman na siguro
magagalit sa’kin dahil hindi naman ako ang may kasalanan kung bakit nakita mo
siya.” nakataas ang isang kilay na anito sa kanya.
“Bukas na bukas din, magpapaalam tayo kay
Tito Vincent at dadalhin mo ko sa kung saan man nakatira si Nickie, kuha mo?”
mariing utos niya.
Nalukot ang mukha nito. “Oo na.” naiinis
na sagot nito. Mayamaya ay tumayo na ito. “Sasaktan-saktan mo siya tapos ngayon
naghahabol ka sa kanya.” bubulong-bulong na sabi nito habanag naglalakad
patungo sa pinto ngunit naririnig naman niya ng malinaw ang mga ‘yon.
“May sinasabi ka, Miguel?” sigaw niya.
“Wala. Sabi ko guwapo ka, bingi ka lang.”
ganting-sigaw nito. Narinig na lang niya ang pagbukas at muling pagsara ng
pintuan indikasyon na umalis na ito.
Iiling-iling na sinalinan niyang muli ang
kanyang baso ng alak at inisang-lagok ‘yon. Ngayong nakita na niya si Nickie,
sisiguruhin niyang hindi na ito mawawala sa paningin niya. Determinado siyang
suyuin ang tanging babaeng nagparamdam sa kanya kung gaano siya ka-espesyal.
Ang babaeng nakapasok na pala sa puso niya nang hindi man lang niya namamalayan.
Hindi naman agad-agad nawawala ang
nararamdaman ng isang tao kapag may gusto ito. Siguro naman ay espesyal pa rin
siya para dito. Kung kinakailangan niyang gamitin ang kung ano man ang
napagkasunduan ng mga magulang nila bago nito malaman ang tungkol sa tunay na
pagkatao nito ay gagawin niya masiguro lang niyang mananatili ito sa tabi niya
habang-buhay.
MAAGANG nagising si
Nickie kinabukasan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya makalimutan ang naging
pagkikita nila ni Nicko nang nakaraang araw. At naiinis siya sa kanyang sarili
dahil hanggang sa panaginip ay sinundan siya nito kaya hindi siya masyadong
nakatulog nang nagdaang gabi.
Napilitan pa siyang magkuwento kay Xander
tungkol sa kung sino si Nicko sa buhay niya at kung ano ang mga pinagdaanan
niya. Nagkuwento rin naman ito ng ilang bagay tungkol sa buhay nito. Kung pa’no
ito napunta sa compound na tinitirhan nila.
With Xander, parang bigla siyang nakahanap
ng isa pang nakatatandang kapatid. Parang mas napalapit sila sa isa’t-isa
simula nang makakuwentuhan niya ito. Bukod kasi kay Miguel ay wala na siyang
pinayagang lalaki na makalapit pa sa kanya pagkatapos niyang umalis sa poder ng
kinilala niyang mga magulang. Siguro, sa kaibuturan ng kanyang puso ay
nahihirapan na siyang magtiwala pa sa mga ito dahil gusto niyang protektahan
ang sarili niya mula sa mga ito.
Kasalukuyan siyang nagluluto ng agahan
niya nang marinig niya ang pagkatok na ‘yon sa pintuan. Kumunot ang noo niya.
Sino naman kaya ang bibisita sa kanya ng gano’n kaaga? Naisip niyang baka isa
‘yon sa mga kaibigan niya kaya nagkibit-balikat na lamang siya. Pinatay muna
niya ang kalan at naglakad palapit sa front door.
Nakahanda na siyang tarayan ang kanyang
mga bisita ngunit nang buksan niya ang pinto ay natigilan siya. Biglang naumid
ang dila niya nang sa halip na ang mga kaibigan niya ang mabungaran niya ay
dalawang pamilyar na lalaki ang kasalukuyang nakatayo sa labas ng bahay niya.
Tiningnan niya si Miguel na halatang hindi
alam kung ano ang gagawin dahil hindi ito makatingin ng deretso sa kanya.
“Anong ginagawa n’yo dito?” tanong niyang kay Miguel nakaharap. Hindi siya
nag-abalang tingnan man lang si Nicko dahil bumilis na naman ang tibok ng puso
niya.
“Dinadalaw ka.” nakangiting sagot ni
Nicko. “Hindi mo man lang ba kami papapasukin?”
Tinatagan niya ang kanyang loob at pilit
pinakakalma ang sarili bago siya tumingin kay Nicko. “Bakit ang aga-aga naman
niyong pumunta? ‘Tsaka bakit nandito ka din?” hindi niya alam kung nahimigan
nito sa tinig niya ang pagkataranta ngunit wala na siyang pakialam do’n.
Tagilid ang ngiti ni Miguel nang sumagot
ito. “Kasi nasabi niya sa’kin na nagkita na raw kayo kahapon at nagkausap. So,
ang akala ko ay puwede ko na siyang dalhin dito.”
“Di ba sabi mo sabihin ko lang kay Miguel
kung may kailangan ako sayo? Dahil alam niya kung saan ka matatagpuan?” singit
naman ni Nicko habang nakakunot noo. Naguguluhan marahil ito sa pinag-uusapan
nila ni Miguel.
Oo nga pala. Sinabi nga pala niya ‘yon
dito nang nagdaang araw. Ang tanga-tanga talaga niya. Pagdating kay Nicko ay
hindi na umayos ang takbo ng utak niya. Kung bakit naman kasi imbes na mawala
ang pagmamahal niya dito ay lalo pa ‘yong lumalim. Nang nagdaang gabi lang niya
‘yon napagtanto nang muli silang magkita pagkatapos ng dalawang buwan.
“So, hindi mo ba kami papapasukin?” tanong
uli nito. Sa pagkakataong ‘yon ay bumalik na ang ngiti nito. At parang
nag-somersault ang puso niya dahil sa pamatay na ngiti nito.
Bumuntong hininga siya pagkatapos ay
niluwagan ang bukas ng pinto para makapasok ang mga ito. Nang dumaan si Nicko
sa tapat niya ay nasamyo niya ang mabangong amoy nito.
Parang gusto niya itong lundagin at
panggigilan dahil na-miss niya ang amoy nitong ‘yon. Hindi pa rin pala ito
nagpapalit ng pabango.
Ipinilig niya ang kanyang ulo para alisin
ang agiw doon. Isinara na niya ang pinto at sumunod sa mga ito sa sala. Maliit
lang naman ang bahay niya at walang masyadong gamit doon ngunit dahil sa
presensiya nito ay parang lalong lumiit ‘yon sa paningin niya.
Nakita niyang iniikot ni Nicko ang mata
nito sa paligid pagkatapos ay tumingin sa kanya. “Ikaw lang mag-isa dito?”
Tango lang ang isinagot niya dito.
Tumango-tango ito. “Kumusta ka naman
dito?” kaswal na tanong nito.
Nagkibit-balikat lang siya. “Okay naman.”
matipid na sagot niya.
“Anong pinagkakakitaan mo?”
“Freelance Illustrator ako.” tiningnan
niya si Miguel na tahimik lang na nakatayo sa tabi ni Nicko. “Wala ba kayong
pasok sa opisina?” tanong niya dito.
“Nagpaalam kami kay daddy na a-absent
ngayong araw.” sagot nito.
Kumunot ang noo niya. “Bakit naman?”
“Dahil nagpasama ako sa kanya para
mapuntahan ka dito.” sagot ni Nicko.
Pinagtaasan niya ito ng isang kilay.
“Um-absent kayo dahil lang pupunta kayo dito? Anong kalokohan ‘yan, Nicko
Hendrick? Kailan ka pa natutong maging ganyan? At idinamay mo pa si Miguel
Antonio.” Hindi na niya napigilang magtaray.
Hindi kasi praktikal na lumiban sa trabaho
ang mga ito dahil lang sa kapritso ni Nicko. Maaari namang pagkatapos na lang
ng trabaho siya puntahan ng mga ito.
Kitang-kita niya ang
pagngiwi ni Miguel dahil sa pagbanggit niya sa buong pangalan nito. Ayaw na
ayaw kasi nitong may tumatawag dito niyon. Masagwa raw sa pandinig nito. “Wala
lang. Nagpasama lang ako papunta dito dahil ---“
Natigil ang pagsasalita nito dahil narinig
nilang may kumatok sa pinto. Lumapit siya doon at pinagbuksan ang kung sinumang
kumakatok na ‘yon.
“Good morning, Nickie. Dinalhan kita ng
almusal.” malawak ang ngiting salubong sa kanya ni Elle. Nasa likod nito si
Gale na nakangiti rin. Kumaway pa ito sa kanya.
Hindi pa man siya nakakasagot ay
nagtuloy-tuloy na itong pumasok sa loob ngunit nakakailang-hakbang pa lang ito
ng huminto ito. “Anong ginagawa mo rito?” narinig niyang tili nito.
Nang humarap siya sa mga ito ay nakita
niyang salubong ang mga kilay ni Elle habang nakatingin kay Miguel. Nang
tingnan naman niya ang kaibigan ay nanlalaki ang mga mata nito habang
nakatingin rin kay Elle.
“Magkakilala kayo?” tanong niya.
Sa halip na sumagot ay humarap si Elle sa
kanya at iniabot ang dala nitong mangkok pagkatapos ay tuloy-tuloy itong
naglakad palabas ng bahay niya.
“Hoy, Elle anong nangyayari sa’yo?” sigaw
niya ngunit hindi man lang ito lumingon. Hinila nito si Gale palayo sa bahay
niya.
Nilingon niya ang mga bisita niya ngunit
nakatayo na si Miguel at naglakad palapit sa kanya. “I’ll tell you everything
later.” sabi nito sa kanya at lakad-takbong sinundan si Elle.
Iiling-iling na muli niyang isinara ang
pinto at hinarap ang kanyang bisita. “Ano
pang kailangan mo bukod sa pagdalaw na sinasabi mo?” nayayamot na tanong niya
habang naglalakad papunta sa kusina.
“I want to talk to you.” narinig niyang
sagot nito.
“Talk about what?”
“About many things. We have all day to
talk.”
“Busy ako. Next time ka na lang bumalik.”
aniya habang abala sa paghahanda ng kanyang almusal. Bahala itong umupo mag-isa
doon basta kakain siya.
Nang makapag-hain siya ay umupo na siya at
sinimulan ang pagkain. Hindi na rin naman niya narinig na nagsalita ito kaya
itinuon na lang niya ang kanyang buong atensyon sa pagkain niya.
“Mag-uusap tayo ngayon, Dominique and
that’s final.” narinig niyang mariing sabi nito.
Bigla siyang naubo dahil sa biglaang
pagsasalita nito. Tatayo na sana siya para kumuha ng tubig ngunit inunahan siya
nito. Hinimas-himas pa nito ang likod niya habang iniinom niya ang tubig na
kinuha nito para sa kanya.
Pakiramdam niya ay may kuryenteng nanulay
mula sa kamay nito patawid sa kanya. “Subo kasi ng subo. Ayan tuloy
nabibilaukan.” anito habang patuloy sa paghimas sa likod niya.
Hinamig muna niya ang sarili bago ito
nilingon at binigyan ng nakamamatay na tingin. “Sino kaya ang bigla na lang
sumusulpot diyan at nagsasalita?” pumiksi siya upang palisin ang kamay nitong
nakalapat sa likod niya.
“If you don’t want to talk to me, fine.
Pero hindi kita titigilan, Nickie. Hindi ako titigil hangga’t hindi ka
bumabalik sa inyo. Sa akin.” matatag na pahayag nito.
“A-anong s-sinabi mo?” nauutal na tanong
niya. Tama ba siya ng dinig na sinabi nito?
“Hindi ko na inuulit ang nasabi ko na.”
anito habang dumudukot sa hotdog na nasa plato niya.
Tinapik niya ang kamay nito ngunit huli na
dahil nakuha na nito ang isang pirasong hotdog at kinagatan iyon. “Bakit ka ba
basta na lang nangunguha ng pagkain? Ang yaman-yaman mo nakikikain ka pa sa
commoner na tulad ko.” nakaismid na pahaging niya.
“Sinong commoner?” painosenteng tanong
nito ngunit alam niyang alam nito kung ano ang tinutukoy niya.
“Tigilan mo na nga ako sa mga kalokohan mo
ha? Puwede? Kung wala ka namang matinong sasabihin sa’kin, umalis ka na.”
pagtataboy niya dito.
Pero sa halip na sundin siya ay
nangalumbaba ito at hayagan siyang tiningnan. Hindi man ito nakangiti pero ang
cute nitong tingnan sa hitsura nitong iyon. “Dito lang ako.” parang batang sabi
nito.
“Eh di diyan ka lang. Manigas ka diyan.”
ibinalik na niya ang atensyon sa pagkain ngunit hindi na siya
makapag-concentrate dahil ramdam niyang sinusundan nito ng tingin ang bawat
galaw niya.
Naiinis na ibinaba niya ang mga kubyertos
at tumingin dito. “Quit staring at me. Hindi ako natutunawan eh.” saway niya
dito.
Ngumisi ito. “Why? Naiilang ka ba?”
“Hindi. Hindi lang ako makakain ng maayos
dahil pakiramdam ko ay may yaya akong nagbabantay sa’kin habang kumakain ako.”
nakataas ang kilay na sagot niya.
Tinaasan din siya nito ng isang kilay.
“Ako? Yaya?” itinuro pa nito ang sarili. “Ang guwapo ko naman masyado para
maging yaya mo.”
“Conceited.” bulong niya kahit sa loob-loob
niya ay sumasang-ayon siya sa sinabi nito.
Huminga muna siya ng malalim bago muling
nagsalita. “Ano ba ang gusto mong pag-usapan? Sabihin mo na para matapos na ‘to
at umalis ka na rin.”
Sumeryoso naman ito at umupo ng maayos. “I
want to talk about us.” deretsang wika nito.
“Us? Is there an ‘us’?”
“You know what I mean, Dominique.”
makahulugang sabi nito.
“Walang tayo, Nicko. Kung anuman ang
napagkasunduan nina Daddy, tapos na ‘yon. Hindi mo na sila kailangang sundin
dahil ako na mismo ang tumanggi.” nafufrustrate na sabi niya dito.
“Pero pumayag ba ko nang sabihin mong
hindi na matutuloy ang kasal na ‘yon?”
“W-what do you mean?” kinakabahang tanong
niya.
“As far as I can remember, hindi naman ako
pumayag sa sinabi mong uurong ka na sa kasal. So, maliwanag pa sa sikat ng araw
na hindi pa tapos ang lahat sa’ting dalawa.” pormal na sabi nito ngunit ang mga
mata nito ay nagsasayaw sa kaaliwan. Halatang nasisiyahan ito sa itinatakbo ng
usapan nila.
“And as far as I can remember, maliwanag
na sinabi mo sa daddy mo na hindi mo naman talaga gustong magpakasal sa’kin at
napilitan ka lang dahil iyon ang gusto ng daddy mo at ni daddy. At pakitang-tao
lang ang pakikipaglapit mo sa’kin.” Hindi napigilang akusa niya. Hindi man niya
sinasadyang lumabas ‘yon sa bibig niya ay hindi na niya iyon mababawi.
Biglang lumambot ang ekspresyon ng mukha
nito. “Hindi totoo ang mga sinabi ko kay daddy.” masuyong wika nito.
“Anong hindi totoo do’n?”
“Na hindi totoo ang pakikipaglapit ko
sa’yo. Dahil alam ko sa sarili ko na totoo lahat ng pinakita ko sa’yo. Walang
pagkukunwari sa mga ‘yon.”
Napailing-iling siya. “Okay lang, Nicko.
Sinabi ko naman sa’yo na hindi ako galit sa’yo di ba? And you don’t have to
feel guilty.”
“But I’m telling the truth. At handa akong
gawin ang lahat para patunayang totoo ang sinasabi ko.”
Tinitigan niya ito. Nababasa niya ang
kaseryosohan sa mukha maging sa mga mata nito. Biglang may ideyang pumasok sa
isip niya.
“Gagawin mo ang lahat?” paniniguro niya.
Determinadong tumango ito.
“Okay. Be my slave from now on.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento