MABILIS na nagdaan ang
mga araw. Isang linggo na rin ang nakararaan nang muli silang magkita ni Nicko
sa mall. Malaki nga ang pinagbago ng ugali nito na hindi niya alam kung pa’no
nangyari. Dati ay ilag na ilag ito sa kanya at kailangan pa niya itong kulitin
para lang pansinin siya nito ngunit ngayon ay ito na ang nangungulit sa kanya.
Ang totoong dahilan niya kaya niya naisip
na gawin itong slave ay dahil plano niyang paibigin ito. Tutal naman ay sinabi
nito sa kanya na gagawin nito ang lahat para mapatunayan sa kanya na sinsero
ito sa pakikipaglapit nito sa kanya. Sumagi na rin naman sa isip niya na
masyadong risky ang ginagawa niya dahil wala namang kasiguruhan kung mamahalin
nga siya nito bilang siya at hindi lang bilang isang kaibigan o nakababatang
kapatid lang. Sana lang ay mapagtagumpayan niya ‘yon sa pagkakataong ‘yon.
Sa nagdaang isang linggo ay napansin
niyang masyado nitong dinidibdib ang ginagawa nito bilang slave niya. Maaga pa
lang ay nagpupunta na ito sa apartment niya upang dalhan siya ng agahan. Kung
tutuusin nga ay hindi na niya ito kailangan pang utusan dahil alam na nito kung
ano ang mga dapat gawin. Pagkatapos nitong hugasan ang mga pinagkainan nila ay
magpapaalam na ito sa kanya para pumasok sa opisina. Kapag tanghali naman ay
magugulat na lang siya dahil dadating ito na may bitbit na tanghalian para sa
kanila. Maging sa hapon ay gano’n din.
Sa tingin nga niya ay nagiging OA na ito
sa mga ginagawa nito. Hindi nga lang niya ito magawang sitahin dahil mukhang
masaya naman ito sa ginagawa nito at aaminin niyang kinikilig siya. Masarap
pala sa pakiramdam ang maalagaan ng isang Nicko Alvarez.
Pagkatapos isara ang laptop niya ay
lumabas na siya ng kuwarto. Agad na nanuot sa ilong niya ang mabangong amoy ng
kaldereta. Napailing-iling siya ‘tsaka tumuloy na sa pagbaba. May ideya na siya
kung sino ang nagluluto at kung pa’no ito nakapasok sa apartment niya.
“Pa’no ka na naman nakapasok dito?” bungad
na tanong niya dito. Tinaasan pa niya ito ng isang kilay para hindi halatang
kinikilig na naman siya. Hindi niya maintindihan kung bakit magaan ang loob
dito ng landlady nilang si Mama Iveca gayong ang pagkakakilala nila rito ay
istrikto ito pagdating sa mga boarders nito.
Ngunit si Nicko ay agad na nginitian nito
nang una niyang ipakilala ang binata dito. Mabait si Mama Iveca at pangalawang
ina na ang turing nila dito. Wala itong sariling pamilya kaya kung ituring sila
nito ay parang mga tunay na anak na rin.
“Hiniram ko kay Mama Iveca ‘yong spare key
dito sa bahay mo.” nakangiting sagot nito nang humarap ito sa kanya. Nag-iwas
siya ng tingin dahil biglang nagrigodon ang puso niya nang masilayan niya ang
nakangiting mukha nito. Sanay na siya sa mga kakaibang tinging ibinibigay nito
sa kanya pero iba pa rin ang epekto no’n sa pobreng puso niya.
“Dapat hindi basta-basta nagtitiwala si
Mama Iveca sa kung sino-sino. Pa’no kung mamamatay tao ka pala? Eh di namatay
na ko ng wala sa oras.” patuloy pa rin siya sa pagtataray kahit na sa loob-loob
niya ay gusto na niyang isuhestiyon dito na sa bahay na lang niya ito tumira
para hindi na ito nahihirapan sa pagbiyahe araw-araw.
Napakunot-noo siya. Doon ito titira?
Talaga bang naisip niyang isuhestiyon dito ‘yon? That simple thought somehow
excites her. Para na silang mag-asawa kung magsasama sila sa iisang bubong.
Ipinilig niya ang kanyang ulo. Kung
ano-ano na naman ang pumapasok na kalokohan sa isip niya. Malala na nga talaga
siya at wala nang lunas pa ang kung ano man ang dumapong sakit sa kanya.
Pinamaywangan siya nito. “Ibang tao ba ang
tingin mo sa’kin?” nakataas ang isang kilay na tanong nito habang ang isang
kamay nito ay may hawak pang sandok.
He looked so adorable wearing her blue
apron. Hindi nakabawas sa angking kaguwapuhan nito ang kasalukuyang hitsura
nito ngayon. Sa palagay nga niya ay bagay pa ‘yon dito.
Husband
material. kinikilig na komento ng malanding bahagi ng isip
niya.
Pinagtaasan rin niya ito ng isang kilay
para pagtakpan ang totoong nadarama. “Bakit? Ano ba kita? Slave lang naman kita
ah?”
Itinaas nito ang kamay na may hawak na
sandok at itinutok iyon sa kanya. “For your information, Miss Del Rosario,
you’re my fiancé. Pumayag lang akong maging slave mo dahil gusto mo at may
gusto akong patunayan sa’yo. Naiintindihan mo?” pagtataray na rin nito.
Lihim siyang natigilan. Iyon ang unang
beses na sinabi nito sa kanya na fiancé siya nito. Kahit minsan ay hindi nila
napag-usapan ang mga nangyari sa nakaraan dahil nararamdaman pa rin niya ang
pamilyar na lungkot kapag naaalala niya ang kinahinatnan nilang dalawa.
“Fiancé? Hindi ba tapos na ‘yon? If I’m
not mistaken, we’ve already talked about it two months ago.” naniningkit ang
mga matang aniya.
Hindi niya alam kung saan niya nakukuha
ang lakas ng loob na sabihin pa ‘yon dito. Di ba dapat ay natutuwa siya dahil
sa wakas ay kinokonsidera na nito ang lugar niya sa buhay nito noon? Dapat ay
masaya siya dahil iniisip nito na fiancé pa rin siya nito kahit na dalawang
buwan na niyang inalis ang titulong ‘yon sa kanya nang sabihin niya ritong ‘wag
nang ituloy ang kanilang kasal?
Pero ano ang nangyayari sa kanya at ang
dami pa niyang tanong? Na kung ano-ano pa ang sinasabi niya dito? Ayaw na ba
niyang maging asawa nito balang-araw? Hindi ba at ‘yon naman ang gusto niya?
I
want him to fall in love with me. Hindi lang ‘yong ico-consider niya na fiancé
niya ko. Magkaiba ‘yon!
Makontento ka na. Choosy ka pa eh.
“And if I remember it correctly, ikaw lang
ang tumapos sa kasunduang ‘yon. Pumayag ba ko?” hindi patatalong tanong nito.
Hindi siya nakasagot doon. Wala nga naman
itong sinabi na tapusin na nila ang kung anumang kasunduan ang napasukan nila
noon ngunit hindi ba’t napilitan lang itong tanggapin ‘yon?
Nagkibit-balikat siya. Hindi na lang siya
magtatanong ng kung ano-ano pa dito. Makokontento na lang muna siya sa kung ano
man ang ginagawa nito. Who knows? Maybe in the end, he will realize that he
loves her more than anything else. “Eh di fiancé kung fiancé. ‘Di na nga aangal
eh.” wika niya kapagkuwan ay naglakad na palapit sa pandalawahang mesa at umupo
do’n.
Nang mapansin niyang natahimik ay nilingon
niya ito. Nakatingin ito sa kanya habang may nababasa siyang kung anong emosyon
sa mga mata nito na hindi niya mapangalanan. “Hoy, kakain ba tayo o hindi?”
nakataas ang isang kilay na tanong niya.
Ipinilig nito ang ulo at nakangiting
naglakad palapit sa kanya. “Kakain na po, mahal na prinsesa.” masiglang sagot
nito. Nagulat siya nang bigla na lang siyang halikan nito sa tuktok ng ulo. At
bago pa siya makahuma ay nakatalikod na ito at masayang naghahanda ng mga
pagkain sa mesa.
Nang makaupo ito sa bakanteng silya ay ito
na rin ang naglagay ng mga pagkain sa plato niya katulad ng palagi nitong
ginagawa. Sabay pa silang napalingon sa gawi ng front door nang marinig nila
ang sunod-sunod na pagkatok.
“Ako na.” aniya at tinungo ang pinto.
Pagbukas niya ng pinto ay ang problemadong
mukha ni Xander ang nabungaran niya. Natural lang na magulat siya dahil kung
ano man ang kailangan nito sa kanya, ngayon pa lang ang pangalawang beses na
magkakausap sila ng gano’n.
“Puwedeng makaistorbo?” tanong nito sa
alanganing tono.
Saglit siyang nag-alinlangan dahil baka
hinihintay siya ni Nicko ngunit nanaig ang pagiging mabuting kaibigan niya kaya
pumayag na rin siya. Tumingin siya sa gawi ng kusina pagkatapos ay muli niyang
ibinalik ang tingin dito at tumango.
Lumabas siya ng bahay at tahimik na
isinara ang pinto.
KUMUNOT ang noo ni
Nicko nang ilang minute na ang nakararaan ay hindi pa rin bumabalik si Nickie.
Sino kaya ang kumatok sa pinto at ang tagal nitong bumalik?
Tumayo siya at sumilip sa sala ngunit wala
namang tao doon. Lalo siyang nagtaka. Baka naman lumabas lang ito sandali.
Ngunit hindi rin naman siya nakatiis at nagpasya siyang silipin na ito sa
labas.
Agad naman niya itong nakita sa labas.
Hindi ito nag-iisa. Kasama nito ang lalaking nakita niyang kasama rin nito
noong nakaraang linggo sa mall. Ngayon lang uli niya nakita ang lalaki at hindi
niya inasahan ‘yon. Agad nag-init ang ulo niya lalo na nang ngumiti ang lalaki
at yakapin si Nickie. Ginulo pa nito ang buhok ng dalaga pagkatapos.
Pinigilan niya ang sariling sugurin ito at
hamunin ng suntukan. Hindi siya gano’n. Huminga siya ng malalim bago humakbang
palapit sa mga ito. “Dominique.” tawag niya dito sa kaswal na tinig.
Sabay na lumingon ang mga ito sa kanya.
Kitang-kita niya nang hawakan ni Nickie ang kamay ng lalaki at hilahin ito
palapit sa kinatatayuan niya.
Ano kaya ang ginagawa nito doon?
“Nicko, this is Xander, kaibigan ko.”
pakilala ni Nickie sa lalaking hawak pa rin nito ang kamay nang makalapit ang
mga ito sa kanya. Tumingin ito sa lalaking tinawag nitong Xander. “Ran, si
Nicko.”
Inilahad ng lalaki ang kamay sa kanya.
“Nice meeting you, pare.”
Atas ng kagandahang-asal ay tinaggap niya
ang pakikipag-kamay nito ngunit saglit lang ‘yon. Hinarap niya si Nickie.
“Lalamig ang pagkain. Dalian mo.” aniya. Nagpaalam na siya sa mga ito at
bumalik na sa loob.
Nakahinga siya ng maayos ngayong alam na
niyang kaibigan lang pala ito ng dalaga. Siguro ay may problema lang ito kaya
kinailangan nito ng kausap.
Selos
ka na naman?
Hindi no!
Hmp! Denial king!
Hindi naman nagtagal ay narinig din niya
ang pagsara ng pinto at ang mga yabag patungo sa kusina. “Pasensiya ka na
Nicko, kinailangan lang kasi ni Ran ng kausap eh.”
Tumango siya at nag-umpisa nang kumain.
“Kumain ka na diyan. Maaga akong uuwi ngayon para makapagpahinga ka.”
Nag-angat ito ng tingin at ngumiti.
“Okay.” sagot nito ‘tsaka ipinagpatuloy ang pagkain.
KINABUKASAN ay hindi
mapakali si Nickie. Kanina pa niya hawak ang cellphone niya at
nagdadalawang-isip kung tatawagan si Nicko o hindi.
Umupo siya sa sofa at sumandal sa sandalan
kapagkuwan ay pumikit siya. Ilang sandali rin siyang nag-internalize bago siya
nakabuo ng desisyon. Huminga siya ng malalim bago hinanap ang numero ni Nicko
sa phonebook niya. Hindi rin naman nagtagal at sinagot na nito ang tawag niya.
“What’s up, honey?” tanong nito.
“Nicko…” anas niya. Kinakabahan siya.
Hindi niya alam kung pa’no sasabihin dito ang gusto niyang sabihin.
“Nickie? May problema ba?” nahimigan niya
ang pag-aalala sa tinig nito.
“Puwede ka bang pumunta dito?” alanganing
tanong niya. Ito ang gusto niyang makasama sa mga oras na ‘yon at wala nang
iba.
“May nangyari ba, Nickie? Sige. Hintayin
mo ko. Papunta na ko diyan.” Iyon lang at nawala na ito sa kabilang linya.
Muli siyang huminga ng malalim bago
umakyat sa kanyang silid. Humiga muna siya sa
kanyang kama habang hinihintay na dumating si Nicko. Wala namang pinagkaiba
kung sa ibang araw pa siya pupunta sa bahay nila. Sooner or later, kailangan na
rin niyang bumalik sa mga magulang niya. Mas mapapadali nga lang ngayon dahil
sa pesteng panaginip na ‘yon.
Masama ang naging panaginip niya nang
nagdaang gabi tungkol sa mga magulang niya. Nasangkot ang mga ito sa isang
vehicular accident at hindi na nakaligtas pa. Hindi niya makakalimutan ang
takot na naramdaman niya nang magising siya. Wala siyang ginawa magdamag kundi
mag-iiyak.
Kaya naman hindi na siya masyadong
nakatulog dahil todo ang ginawa niyang pag-iisip kung pupuntahan na ba niya ang
mga magulang niya.
Magiging
maayos din ang lahat. Naging mabuti silang mga magulang sa’yo. Alam mo sa
sarili mo na mahal ka nila kahit na umalis ka sa poder nila. At siguradong
matutuwa sila oras na bumalik ka sa piling nila. Gano’n ka nila kamahal.
Napabangon siya nang
makarinig ng sunod-sunod na katok sa pinto ng kanyang silid. Agad niyang
binuksan ‘yon. Habol pa ni Nicko ang hininga nito habang nakalapat ang isang
kamay sa pader sa tabi ng pinto.
“Nicko…” tawag niya dito. Naawa naman siya
dito at bahagyang na-guilty dahil alam niyang naabala niya ito sa oras ng
trabaho nito.
Itinaas nito ang isang kamay at ipinatong
sa balikat niya. Nang makabawi ito ay nag-angat ito ng mukha at tiningnan siya.
“Anong problema?” tanong nito. Mababakas pa rin sa guwapong mukha nito ang
pag-aalala.
Napangiwi siya. “Sorry kung naistorbo kita
sa oras ng trabaho mo.” hingi niya ng paumanhin dito.
“Wala ‘yon. Ano nangyari?” ulit nito sa
tanong nito.
Ilang saglit din siyang nag-alinlangan
bago sinabi dito ang kailangan niya. “Ready na kong puntahan sina Mommy.”
Saglit na tila naguluhan ito bago nag-sink
in sa isip nito ang sinabi niya. Nagliwanag ang mukha nito. “Talaga? You mean
ready ka nang umuwi sa inyo? Kahit ngayon na?” excited na tanong nito.
Tumango siya. “Puwede mo ba kong samahan?”
“Oo naman.” pumalatak ito. “Kinabahan
naman ako sa’yo. Akala ko kung ano na ang nangyari sa’yo nang tumawag ka eh.”
Pinisil nito ang ilong niya. “Sige na magbihis ka na. Hihintayin kita sa baba.”
Nakakaramdam pa rin siya ng kaba sa
nalalapit na pagkikita nilang muli ng mga magulang niya pero hindi na
kasing-tindi ng kanina. Sana ay maayos na ang problema niya para bumalik na sa
dati ang takbo ng lahat.
Inumpisahan na niyang mag-ayos ng sarili
para hindi masyadong maghintay ng matagal sa kanya si Nicko.
ANG KABANG naramdaman
ni Nickie habang nasa biyahe sila ni Nicko ay lalong tumindi nang sa wakas ay
marating nila ang pupuntahan.
Nanatili siyang nakatayo sa tabi ng
sasakyan habang nakatingin sa malaking bahay na tinirhan niya sa loob ng
dalawampu’t-isang taon. Surely, she missed their house. And their parents, of
course.
Naramdaman niya ang pagtabi ni Nicko sa
kanya. “Ready?” tanong nito.
Tumango siya. It’s now or never. Hindi
siya dapat kabahan dahil mga magulang naman niya ang kakaharapin niya. Alam
niyang hindi siya sasaktan ng mga ito. Pinairal lang talaga niya ang katigasan
lang talaga ang ulo niya.
Ginagap nito ang kamay niya kaya
napabaling siya dito. Sinalubong siya ng masuyong ngiti nito. “’Wag ka nang
kabahan. Nandito lang ako sa tabi mo, okay?” paga-assure nito sa kanya.
Dahil sa sinabi nito at sa ngiti nito ay
nawala ang anumang kabang nararamdaman niya. Nakangiting tumango siya at
nagpagiya dito papasok sa loob.
Si Miel, isa sa mga kawaksi nila ang
nagbukas sa kanila. Anak ito ng yaya niyang si Yaya Mela. Mas matanda lang ito
sa kanya ng dalawang taon at kasundo niya ito.
Nanlaki ang mga mata nito nang makita
siya nito. “Ma’am Dominique!” masayang bati nito sa kanya. “Welcome home.”
Ngiti lang ang naging sagot niya dito. Si
Nicko na ang nagtanong dito kung nasaan ang mga magulang niya. Iginiya naman
sila nito sa pool area kung saan nakatambay ang Mommy at Daddy niya.
Agad lumingon ang mga ito nang tawagin ni
Nicko ang pansin ng mga ito. Gulat na gulat ang ekspresiyon ng mga ito nang
makita siya.
“Dominique, anak.” anang Mommy niya at
tumakbo palapit sa kanya. Agad siyang niyakap nito ng mahigpit.
Hindi niya napigilan ang mga luha niya sa
pagbalong nang maramdaman ang pamilyar na init na hatid ng yakap ng kanyang
ina. Gumanti siya ng mahigpit ding yakap dito. “I missed you, Mommy.” garalgal
ang tinig na sabi niya.
“Oh god, I miss you more, baby.” umiiyak
ring sagot nito.
Nang ilayo siya nito sa katawan nito ay
sunod niyang sinunggaban ng yakap ang daddy niyang hindi nila namalayang
nakalapit na sa kanila. “I missed you, daddy. I’m sorry kung umalis ako at
iniwan ko kayo. Sorry kung naging matigas ang ulo ko. Hindi ko po sinasadyang
saktan kayo ni mommy sa pag-alis ko.”
Hinagod nito ang buhok at likod niya.
“It’s okay, sweetie. Ang importante ay bumalik ka na. ‘Yon lang ang mahalaga
sa’min ng mommy mo.” halata sa boses nito ang pinipigilang emosyon.
Nang makabawi at mahamig nila ang mga
sarili nila ay hinawakan ng mga magulang niya ang magkabilang kamay niya.
“Hindi ka na uli aalis, hija. Di ba? Hindi mo na uli kami iiwan ng daddy mo?”
tanong ng mommy niya.
Sunod-sunod ang ginawa niyang pag-iling.
“Hindi na po. Hindi na po ako aalis. Hindi ko na po kayo iiwan.” paniniguro
niya sa mga ito.
Halatang Nakahinga na ng maluwang ang mga
ito. “Walang nagbago, okay? Hindi ka man namin kadugo ng mommy mo, anak ka pa
rin namin. At ‘yon ang tatandaan mo. Maliwanag?” anang daddy niya.
Nakangiting tumango siya. Muli ay nagyakap
silang tatlo. “I love you, mommy. I love you, daddy.” madamdaming sabi niya sa
mga ito.
“I love you too, baby.” magkapanabay na
sabi ng mga ito.
Hanggang sa makapasok sila sa loob ng
bahay ay hindi na binitiwan ng mga ito ang kamay niya. Bigla niyang naalala si Nicko.
Nakalimutan na niya ito dahil natuon na ang buong atensiyon niya sa mga
magulang niya. “Sandali lang po. Hahanapin ko lang po si Nicko.” pasintabi niya
sa mga ito.
Naabutan niya itong nakasandal sa kotse
nito paharap sa front door. Tinakbo niya ito at dinaluhong ng yakap. “I did it,
Nicko. I did it. Naharap ko sila ng maayos.” masayang pagbabalita niya dito.
Gumanti ito ng yakap. “And I’m proud for
you, honey. Very proud.” bulong nito sa tapat ng tainga niya pagkatapos ay
isinubsob nito ang mukha sa leeg niya.
Bahagya siyang lumayo rito ngunit
nananatiling nakapulupot ang mga braso niya sa leeg nito. “Thank you, Nicko.
Thank you so much.”
Ngumiti ito at hinapit siya sa baywang
palapit ito. “Anything to make you happy, honey. Palagi lang akong nandito sa
tabi mo, okay?”
Masayang tumango siya. Inilapit niya ang
kanyang mukha rito para bigyan ito ng halik sa pisngi ngunit imbes na sa pisngi
nito maglanding ang labi niya ay lumapat ‘yon sa mga labi nito na labis na
ikinagulat niya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento