NAPAGPASYAHAN ni Nickie
na maglinis ng buong bahay nang araw na iyon. Wala pa naman uli siyang trabaho
kaya ayos lang na tumengga muna siya ng kahit na ilang araw lang.
Naalala niya ang sinabi ni Miguel sa kanya
tatlong araw na ang nakararaan. Tuwang-tuwa raw ang mommy niya sa regalong
natanggap nito mula sa kanya. At masaya naman siya na napasaya niya ito sa
espesyal na araw nito kahit hindi sila magkasama. Ang sabi pa sa kanya ng
binata ay wala raw bukambibig ang mga magulang niya kundi siya. Na na-mimiss na
raw siya ng mga ito at hindi na raw makapaghintay ang mga ito na muli siyang
makita.
Kung alam lang ng mga ito na nasa
tabi-tabi lang siya. Sadyang mailap lang talaga siya kaya hindi siya matagpuan
ng mga ito. At isa pa, nagpatulong siya kay Miguel upang hindi siya matuntuon
ng mga ito maging ni Nicko kung sakaling ipahanap siya ng mga ito.
Alam niyang malaki na ang kasalanan niya
kay Miguel dahil kahit hindi naman ito dapat na nadadamay sa gulong iyon ay
tinutulungan pa rin siya nito. Nasanay na siya sa simpleng buhay at masaya siya
sa mga maliliit na bagay na natututunan niya mula nang umalis siya sa kanila.
Natutunan niyang ‘wag umasa sa ibang tao upang mabuhay siya. Kung may gusto
siyang makuha, dapat ay paghirapan at pagsikapan niyang makuha iyon. In short,
nag-mature na siya.
Bakit? Pinaghirapan ko naman ang
pakikipag-lapit kay Nicko noon ha? Hindi kaya madaling lumapit sa lalaking
parang pasan ang mundo. himutok niya sa sarili. Totoo
naman iyon. Palagi na lang itong nakasimangot lalo na kapag alam nitong nasa
paligid lang siya. Kung minsan naman ay walang emosyon ang mukha maging ang mga
mata nito.
Dahil kababata niya ito at sanay na
rin naman siya sa kakaibang ugali nito ay hinahayaan na lang niya ito. Hindi
naman siya nito pinalalayo o pina-iiwas dito kaya patuloy siyang lumalapit dito
at kay Miguel.
Pagkatapos niyang maglinis ay naligo siya
at nagpasyang puntahan ang mga kaibigan upang yayaing lumabas ngunit wala sa
bahay nito si Elle. Sunod naman niyang pinuntahan ang bahay ni Gale--- isa pa
niyang kasama sa compound na yo’n--- ngunit wala ring tao do’n. Napakunot-noo
siya. Saan naman kaya pumunta ang mga ‘yon? Alam niyang off ni Elle nang araw
na ‘yon at hindi rin naman ito lumalabas kapag wala itong pasok. Hindi rin
naman mahilig lumabas-labas si Gale sa lungga nito kaya nakapagtatakang
parehong wala ang mga ito.
Akmang babalik na siya sa bahay niya nang
tawagin siya ng isang pamilyar na tinig. Paglingon niya ay nakita niyang
palapit sa kanya ang isa pa nilang kapitbahay, at nag-iisang lalaki sa compound
nila na si Alexander Ran Crawford.
Nginitian niya ito. “Good afternoon, Ran.”
bati niya dito.
“Good afternoon, Nick.” ganting bati nito.
Nick ang nakasanayan nitong itawag sa kanya na animo malapit sila sa isa’t-isa.
“May kailangan ka kina Gale?” tanong nito.
Alanganin siyang ngumiti. “Yayayain ko
sana silang mamasyal. Wala kasi akong magawa eh, kaso wala naman sila kaya di
bale na lang.”
“Eh ‘yong boyfriend mo, bakit hindi mo
yayain?”
Kumunot ang noo niya. “Boyfriend?” Sinong
boyfriend ang sinasabi nito? Kailan pa siya nagkaro’n ng boyfriend?
“’Yong madalas mong bisita. Di ba
boyfriend mo ‘yon?” nakakunot-noo ring tanong nito.
She chuckled. “Si M? Hindi ko boyfriend
‘yon. Kaibigan ko lang ‘yon no.” sabi niya.
Tumango-tango ito at saglit na tila
nag-isip habang nakatingin sa kanya bago muling nagsalita. “Kung gusto mo ako
na lang ang sasama sa’yo. Wala rin naman akong gagawin eh.” prisinta nito.
“Sigurado ka?” nananantiyang tanong niya.
Hindi naman kasi nito ugali ang makihalubilo sa kanila. Para itong may sariling
mundo dahil tulad nila, palagi rin itong nakakulong sa bahay nito. Kung
tutuusin ay masuwerte pa nga siya dahil sa kanilang tatlong babaeng nakatira sa
loob ng compound na ‘yon ay siya lang ang nginingitian at kinakausap nito ng
maayos. Palagi kasi ay pormal ang pakikitungo nito sa dalawang kaibigan niya.
Tumango ito. “Oo naman. Sandali, hintayin
mo ko at magbibihis lang ako.” hindi na nito hinintay na sumagot siya at
bumalik na ito sa bahay nito.
Nagkibit-balikat na lang siya at bumalik
na sa sarili niyang bahay. Mabuti na lang at nagprisinta si Xander na samahan
siya kundi ay mag-isa siyang pupunta sa mall. Magre-relax lang naman talaga
siya para kapag may dumating uling trabaho sa kanya ay hindi siya
tamad-tamaring magtrabaho.
Hindi naman nagtagal ay lumabas na rin siya. Tamang-tamang nando’n na
rin si Xander sa tapat ng bahay niya. Nilalaro-laro nito sa palad nito ang susi
ng motorsiklo nito. Pasimpleng pinasadahan niya ito ng tingin mula ulo hanggang
paa. Guwapo ito at maputi. Sa tingin niya ay ka-edad lang ito ni Miguel at
kasing-taas din. Mukha nga itong modelo sa hitsura nito kaya hindi niya alam
kung bakit nagkakampo ito sa compound na ‘yon. Mukha rin itong may sinasabi sa
buhay. Wala siyang gaanong alam tungkol dito dahil hindi naman talaga sila
malapit sa isa’t-isa.
No wonder, Gale liked him so much. Mahilig
ang kaibigan niya sa matatangkad at mapuputi pero alam niyang hindi lang ‘yon
ang nagustuhan ni Gale dito. Kahit na lantaran ang ginagawa nitong pagtataboy
sa kaibigan niya, bale-wala lang ‘yon sa dalaga. Lalo pa nga itong nagpupursige
na magpapansin sa binata.
“Let’s go.” yaya nito sa kanya.
Tumango siya at nagpatiuna nang lumabas ng
gate. Nilabas nito ang motorsiklo nito at sinenyasan siyang sumakay sa likod
nito.
Agad naman siyang tumalima. Sinuot muna
niya ang spare helmet nito bago sumampa sa motorsiklo. Kumapit siya sa baywang
nito. Sanay siyang sumakay sa mga motorsiklo dahil madalas siyang iangkas noon
ng pinsan niyang si Mark kapag gusto nitong magpasama sa kanya sa kung
saan-saang lugar.
Hindi nagtagal ay binabaybay na nila ang
daan papunta sa pinaka-malapit na mall sa tinitirhan nila. Ang SM North Edsa.
Doon lang siya pumupunta kapag gusto niyang magpalipas ng oras dahil kampante
siyang walang makakakita sa kanyang kakilala doon. Pero nag-iingat pa rin siya.
Mahirap na at baka ang hindi niya alam ay nasa paligid lang pala ang kung
sino-sinong kakilala niya. Not that she care if someone sees her, ayaw lang
niya munang makisalamuha sa mga taong may kinalaman sa dating buhay niya.
Pagka-park nila ng motorsiklo ni Xander ay
dumeretso sila sa sinehan. Nakahinga naman siya ng maluwag dahil hindi ito
umaangal kahit na saan man sila magpuntang dalawa. Basta nakasunod lang ito sa
kanya kahit saan siya pumunta. Napapansin niya ang ilang mga babaeng teenagers
na napapasulyap dito ngunit parang bale-wala lang ‘yon dito.
Napailing-iling siya. Ngayon lang niya
napagtantong pareho ang ugali nito at ni Nicko. Agad na iwinaksi niya sa isip
ang binata bago pa kung ano-ano na naman ang pumasok sa kukote niya.
Akmang magbabayad na siya para sa ticket
nilang dalawa nang pigilan siya nito. Nakakunot-noong tiningnan niya ito.
“Bakit?”
“Ako na.” inilabas nito ang wallet nito at
binayaran ang ticket nila. Inabot nito sa kanya ang mga iyon.
“Nakakahiya naman sa’yo. Ikaw na nga ang
sumama sa’kin tapos ikaw pa ang nagbayad nitong movie tickets natin.”
“Wala ‘yon. Katulad nga ng sinabi mo, ako
ang sumama sa’yo. Nagprisinta ako eh. Kaya okay lang na ako ang magbayad.”
katwiran naman nito.
Huminga siya ng malalim at
nagkibit-balikat na lang. Tahimik silang pumasok sa loob ng sinehan. Hanggang
sa matapos ang pinanood nila ay hindi sila nag-usap. Pareho silang nakatuon ang
pansin sa pinapanood nila. Maganda naman kasi ang pelikula at wala siyang
maipipintas doon.
“Saan na tayo pupunta?” tanong nito sa
kanya nang naglalakad-lakad na sila.
Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko din alam
eh. Usually kasi, kapag tinotopak akong pumunta dito, nakatambay lang ako sa
Starbucks o sa food court. O kaya naman, naglalakad-lakad lang hanggang sa
malibot ko ang buong mall.” humarap siya rito. “Saan mo ba gustong pumunta?
Nagugutom ka na ba?”
“Hindi pa naman. Pero puwede mo ba kong
samahan na lang muna sa bookstore? May titingnan lang ako.”
Tumango siya. “Sure.”
Tahimik na silang pumunta sa bookstore.
Ngunit bago sila makapasok sa loob ay bigla siyang nanigas sa kanyang
kinatatayuan nang makita ang kasalukuyang palabas sa bookstore na ‘yon.
“Nicko.” mahinang usal niya.
Noon naman dumako ang tingin nito sa kanya
at halatang nagulat din ito. Natigilan pa ito nang makita siya. “Dominique.”
“KUMUSTA KA NA?”
Nagkibit-balikat lang si Nickie sa tanong
na ‘yon ni Nicko. Hindi pa rin niya ito tinitingnan kahit na magkatapat lang
ang inuupuan nila. Kasalukuyan silang nasa Red Ribbon dahil doon siya nito
dinala nang makabawi ito sa pagkabigla nang makita siya.
Hindi niya alam kung anong pumasok sa
kukote niya at sumama siya rito. Nang tangkain itong pigilan ni Xander ay
pinigilan niya ito at sinabing kilala niya si Nicko. Napansin kasi niyang
sumama ang tingin ni Nicko sa binata kaya para maka-iwas sila sa gulo ay siya
na ang gumawa ng paraan para lumayo muna si Xander. Mahirap na at baka doon pa
mag-away ang mga ito. Sinabi na lang niya dito na puntahan siya nito sa Red
Ribbon pagkatapos ng isang oras.
Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni
Nicko ngunit hindi pa rin niya ito tiningnan. “Galit ka pa rin ba sa’kin
hanggang ngayon?” malumanay na tanong nito.
Napaisip siya. Nagalit nga ba siya dito?
Oo nga at sumama ang loob niya dito nang malaman niyang nagpanggap lang ito na
maging mabait sa kanya ngunit hindi siya kailanman nagalit dito. Kahit yata
gumawa pa ito ng pinakamalaking kasalanan sa mundo ay hindi pa rin niya
magagawang magalit dito. Kakatwang wala na rin ang sama ng loob na naramdaman
niya para dito noon.
At nagulat siya sa naramdaman niyang
pananabik dahil nakita na niya itong muli. Lihim siyang bumuntong-hininga.
Mukhang hanggang ngayon ay hawak pa rin nito ang puso niya nang hindi nito
nalalaman. At mukhang mahihirapan na siyang makawala pa dito lalo na at nagkita
na silang muli.
Napapiksi siya nang hawakan nito ang kamay
niyang nakapatong sa ibabaw ng mesa. “Hindi mo ba talaga ako mapapatawad,
Nickie?” nasa tono nito na nahihirapan ito.
Nag-angat siya ng tingin at matamang
tiningnan ito. Wala namang nagbago dito sa loob ng dalawang buwan. Sa tingin
niya ay lalo pa nga itong naging guwapo. Mas pumayat nga lang ito ngayon kaysa
noon.
“Hindi naman ako galit sa’yo, Nicko.” sa
wakas ay pag-amin niya. Wala namang dahilan para magsinungaling siya dito.
“Hindi ko lang talaga alam kung anong dapat kong sabihin pagkatapos ng mga
nangyari sa’tin.”
Kitang-kita niya ang lungkot na nakapaskil
sa guwapong mukha nito. Nagulat siya ngunit hindi niya ipinahalata iyon. Hindi
siya sanay na nakikitaan ito ng mga gano’ng klaseng emosyon. Kung hindi pilit
na ngiti ang ibinibigay nito noon sa kanya ay pormal na pormal naman ang mukha
nito. Ngunit madalas ay sinusungitan siya nito kahit na wala naman siyang
ginagawa. Mas gusto na niya ang gano’n kaysa makitang nalulungkot ito. Hindi
niya kayang pakitunguhan ang gano’ng ugali ni Nicko.
“Gusto ko lang malaman mo na natutuwa ako
na nakita na uli kita. Matagal ka na naming hinahanap. Even your parents were
really worried about you.” madamdaming sabi nito.
Lalong sumidhi ang nararamdaman niyang
pagkasabik dahil sa pagbanggit nito sa mga magulang niya. Ang totoo, miss na
miss na rin niya ang mga ito. At gustong-gusto na niyang makita ang mga ito
ngunit kailangan pa niyang ihanda ang sarili para doon. Kahit na sinasabi
niyang matapang siya, alam naman niya sa sarili niyang mahina siya pagdating sa
mga mahal niya sa buhay. Kapag nakipag-kita siya sa mga ito nang hindi pa niya
nasisiguro sa sariling nag-mature na nga siya, mababale-wala ang mga paghihirap
niyang baguhin ang sarili niya.
“How are they?” wala sa loob na tanong
niya.
“They’re doing fine. Nag-retire na ang
daddy mo two weeks pagkatapos mong umalis. Si Mark na ngayon ang nagpapatakbo
ng business n’yo although from time to time ay binabalitaan pa rin niya si Tito
Dennis.” pagbabalita nito sa kanya.
Tumango-tango siya. Noong umalis siya sa
kanila ay plano na talaga ng daddy niya na magretiro sa trabaho nito at ibigay
ang posisyon kay Mark. At wala naman siyang tutol doon dahil alam niyang
maaalagaan ng mabuti ni Mark ang kompanya nila. Isa pa ay nag-iisa siyang anak
at ayaw niyang napipirmi sa loob ng opisina kaya naman sa pinsan niya na nito
binigay ang posisyon nito.
“Kumusta naman si Papa? Hindi naman ba
siya nagkakasakit?” nag-aalalang tanong niya dito.
Ngumiti ito. “Hindi naman. Malakas na
malakas naman sila kaya wala kang dapat na ipag-alala sa kalusugan nila.”
paniniguro nito.
Nakahinga siya ng maluwag. “Mabuti naman.
At least maayos naman sila kahit wala ako.”
“Eh ako, hindi mo man lang ba itatanong kung
kumusta na ko?”
Dagling bumalik ang tingin niya dito dahil
sa tanong nito. Parang may milyon-milyong kabayong naghahabulan sa dibdib niya.
“M-mukha namang okay ka eh.” God! Bakit
ka nauutal?
“Not as good as when we’re still
together.” malungkot na sagot nito.
“W-what do you mean?” naguguluhang tanong
niya.
“Simula nang umalis ka, marami nang
nagbago, Nickie.”
“Hindi kita maintindihan, Nicko.”
“Mahirap ipaliwanag eh. Maybe I can tell
you some other time but not now.” muli nitong ginagap ang kamay niya at
deretsong tiningnan siya sa mga mata. “May isa lang akong pakiusap sa’yo?”
“A-ano ‘yon?” kinakabahang tanong niya.
“Puwede bang bumalik ka na sa inyo?”
nakikiusap ang tonong tanong nito.
Hindi niya ito sinagot. Ayaw niyang
mangako rito ng kahit na ano. Babalik naman talaga siya sa kanila. Hindi niya
kayang malayo ng matagal sa mga magulang niya. Isa pa, naging napakabuti ng mga
ito sa kanya at pinalaki siya ng maayos kaya wala siyang karapatang magalit o
magtanim ng sama ng loob sa mga ito. Naghahanap pa lang talaga siya ng tiyempo
at pinalalakas pa niya ang loob niya bago siya bumalik sa kanila.
Marahan niyang hinila ang kanyang kamay
mula sa magkakahawak nito. “Pag-iisipan ko, Nicko. Kailangan ko munang tatagan
ang loob ko bago ako umuwi sa’min.” mahinang sagot niya.
“Iyon lang ba ang kailangan mo? Tutulungan
kita, Dominique. Basta ipangako mo lang sa’kin na babalik ka na sa inyo. Mas
mapapanatag ako kung alam kong nasa piling ka ng mga magulang mo at maayos ang
kalagayan mo.” pamimilit pa nito.
“Kaya ko nang alagaan ang sarili ko ngayon
kahit na walang tulong ng kahit sino. Malakas na ko at hindi na ko ang dating
Dominique na parang laging kailangan ng tulong o kailangang alalayan n’yo.”
matatag na sabi niya.
Ngumiti ito ngunit sa pagkakataong iyon ay
may pait na siyang nababasa doon. “Nagbago ka na, Dominique. Hindi na ikaw ang
dating Nickie na masunurin pero makulit at spoiled brat na kilala ko.”
“Marami akong natutunan nang umalis ako.
At ipinagpapasalamat ko ‘yon dahil alam ko sa sarili ko na nag-mature na ko.”
Hindi na ito sumagot ngunit nananatiling
nakatingin sa kanya ang kulay tsokolate nitong mga mata. Nag-iwas siya ng
tingin nang hindi na niya matagalan ang tingin dito. Hindi pa rin nagbabago ang
epekto nito sa kanya. Matindi pa rin iyon. At duda siya kung magbabago pa ‘yon.
Bumuntong-hininga siya. Mukhang talo
talaga siya sa laban kapag puso na ang pinairal niya. “Promise, uuwi ako
sa’min. Maybe one of this days maiipon na ang lakas ng loob na mayroon ako.
Hindi naman madali ang pinagdaanan ko, Nicko kaya sana ay intindihin mo ko.”
masuyong sabi niya dito.
Lumambot ang ekspresyon ng mukha nito
dahil sa sinabi niya. Ilang sandali ring hindi ito nagsalita. Bumuntong-hininga
muna ito bago nagpatuloy. “I’m sorry for what I’ve done, Nickie. Sorry din
dahil hindi man lang ako nakapagpaliwanag sa’yo kung bakit ko nasabi ‘yon kay
Daddy.”
“It’s okay, Nicko. Wala kang kasalanan.
Naiintindihan ko na. You don’t have to feel guilty.” paniniguro niya rito.
“Gusto ko sanang pag-usapan natin ‘to
ngayon pero alam kong hindi ito ang tamang oras para do’n.” huminga ito ng
malalim bago nagpatuloy. “Ngayong nakita na uli kita, expect to see more of me,
Dominique.”
Hindi na siya umimik. Alam niyang
nagi-guilty pa rin ito kahit na in-assure na niya rito na hindi siya galit
dito. Siguro ay gusto lang nitong bumawi sa nangyari noon.
Mayamaya ay tumayo na siya. “Aalis na ko.
Hahanapin ko pa si Ran. Kung may gusto kang sabihin sa’kin puwede mong ipadaan
kay M. He knows where to find me.” Hindi na niya hinintay ang sagot nito.
Tuloy-tuloy siyang naglakad palabas ng lugar na ’yon. Matindi ang pagpipigil
niyang lingunin ito dahil baka bumalik pa siya doon at pawiin ang lungkot na
alam niyang nararamdaman nito.
Huminga siya ng malalim. Mukhang kailangan
na niyang magpatingin sa albularyo dahil malala na tama ng utak maging ng puso
niya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento