Huwebes, Abril 5, 2012

CHAPTER SIX


DUMERETSO ng upo si Nickie at iginalaw-galaw ang kanyang nananakit na batok at mga balikat. Konti na lang at matatapos na siya sa ginagawa niya kaya makakapag-pahinga at makakatulog na rin siya.
     Isa na siyang freelance illustrator ngayon. Karamihan ng mga ginagawa at ine-edit niyang mga litrato ay ginagamit sa mga covers ng mga comics, children’s books at romance pocketbooks. Katulad ng nauna na niyang plano, mas gusto pa rin niyang hawak niya ang sarili niyang oras kaya gano’n ang pinili niya. Hindi naman siya nahihirapan sa deadlines niya dahil hindi niya pinalalagpas ang isang linggo nang hindi natatapos ang isang project niya. Kaya naman bilib rin sa kanya ang mga publications na pinapasahan niya ng mga gawa niya.
     Sinulyapan niya ang maliit na relong nakapatong sa gilid ng study table bago malungkot na bumaling sa kalendaryo na nakasabit sa likod ng pintuan ng kanyang silid. Saglit din niyang tinitigan lang ang petsa nang araw na iyon bago muling ibinalik ang tingin sa monitor ng kanyang laptop.
     Pinilig niya ang kanyang ulo. Hindi na dapat siya naaapektuhan ng mga malulungkot na alaala ng kahapon ngunit hindi niya mapigilang isipin iyon nang mga oras na ‘yon. Bumuntong-hininga siya at pinilit na ibalik ang kanyang atensyon sa ginagawa. Kailangan niyang mag-focus doon.
     Nang sa wakas ay matapos siya ay pinatay na niya ang laptop at tinalon niya ang kama. Single bed lang ‘yon ngunit kaya naman niyang magpagulong-gulong doon kapag inaatake siya ng kabaliwan niya. Kinuha niya ang kanyang Pikachu na throw pillow at niyakap iyon ng mahigpit habang nakatingin sa kisame. Kumusta na kaya ang mga magulang niya?
     Adoptive parents, hija. anang isang bahagi ng isip niya.
     Napangiti siya ng mapait. Oo nga pala at ampon lang siya. Tanggap na niya iyon nang maluwag sa kanyang puso ngunit hindi pa rin niya maiwasang masaktan sa tuwing naaalala niya ang tungkol sa totoong pagkatao niya. It’s already been two months for Pete’s sake! Dalawang buwan na ang nakararaan nang sumabog ang mga bombang dumurog sa puso at pagkatao niya.
     Hindi siya galit sa mga magulang niya. Ang tanging dahilan lang naman kaya siya umalis sa kanila ay para matutong mamuhay mag-isa at mag-mature. Umalis din siya sa poder ng mga magulang niya para makapag-isip siya ng maayos kung ano talaga ang gusto niyang gawin sa buhay pagkatapos ng mga nalaman niya.
     Huminga siya ng malalim. Pumikit na siya at hinayaan ang kanyang sarili na lamunin ng antok. Hindi na niya dapat binabalikan ang mga bagay na alam niyang nagdudulot pa rin ng sakit sa kanyang puso.

KAHIT late na siyang nakatulog nang nagdaang gabi ay maaga pa ring nagising si Nickie kinabukasan.
     Tulad ng araw-araw na niyang ginagawa, nagtimpla siya ng kape at tumambay sa labas ng bahay niya. Agad niyang nakita ang kapapasok lang sa gate na si Elle. Isa itong call center agent at malamang na nahirapan na naman itong mag-abang ng bus kaya ngayon lang ito nakauwi.
     Isa si Elle sa tatlong kasama niyang nakatira sa compound na ‘yon sa Quezon City. Agad niyang nakapalagayan ito ng loob dahil madaldal ito at madaling pakisamahan. Wala naman siyang malapit na kaibigang babae kaya wala siyang ibang malalapitan sa oras na magkaro’n siya ng problema.
    Hindi man alam ni Elle ang totoo tungkol sa kanya, kampante siyang hindi siya iiwan nito kapag nagpasya siyang magkuwento dito. Napatunayan na naman niyang isa itong totoo at mapagkakatiwalaang kaibigan.
    “Good morning, Elle.” nakangiting bati niya dito.
    “Good morning, Nickie.” ganting-bati nito. Umupo ito sa bakanteng monobloc chair na nakalagay sa tapat ng bahay niya. “Anong almusal natin?” nakangising tanong nito.
     Iniikot niya ang kanyang mga mata. “Ang aga-aga pa, bruha. Bawal manira ng araw ng may araw. Gutumin mo na muna ang mga bulate mo sa tiyan at mamaya ka naman kumain. Ang takaw mo.” pang-aasar niya dito.
     Tumawa ito pagkatapos ay pumalatak. “Kasi naman ‘no. Siguro kung nakakapag-salita lang ‘yang mga borders mo, nagwelga na ‘yan. Ang tamad mo naman kasing kumain.”
     “Ano naman ang magagawa ko kung wala talaga akong gana?” depensa niya sa sarili. Totoong hindi siya mahilig kumain. Iyon ang isa sa mga masasabi niyang nagbago sa kanya mula nang umalis siya sa kanila. Ang pagkahilig niya sa kahit na anong pagkain. Kadalasan ay junk foods at softdrinks lang ang kinakain niya. ‘Yon lang din ang kadalasang laman ng maliit na refrigerator niya.
     “Kaya ang healthy mo eh.” sarkastikong sabi nito.
     Nginitian niya ito ng matamis. “Thank you, Elle.”
     Inismiran siya nito pagkatapos ay tumayo na rin. “Diyan ka na nga. Kakain na ako sa bahay. Nagugutom na ko eh.”
     Tango lang ang isinagot niya dito bago humigop ng kape niya. Saglit pa lang siyang napag-iisa nang may kumatok sa gate. At dahil siya lang naman ang nasa labas ay siya na ang nagbukas do’n.
     “Good morning, princess.” nakangiting bati ng kaisa-isang taong kakilala niya na nakakaalam ng kinaroroonan niya.
     “Good morning, M.” ganting bati niya. Niluwagan niya ang pagkakabukas ng gate para makapasok ito. Agad na napansin niya ang plastic bag na dala nito. Malamang na pagkain ang mga ‘yon. Nang makapasok sila sa bahay niya ay dumeretso agad ito sa kusina. “Halika dito at kakain tayo ng breakfast.” tawag nito sa kanya.
     “Anong dala mong pagkain?” tanong niya kahit na may ideya na siya kung ano ang dala nito para sa araw na ‘yon. Isa ‘yon sa mga ugali ni Miguel na gustong-gusto niya. Alam nito kung papa’no siya nito mapapakain.
     Napangiti siya ng maluwag nang makita ang inilalabas nito mula sa plastic bag. Fried tokwa, toyo na may bawang at sibuyas, at fried rice na may halong hotdog at itlog. Agad siyang umupo sa bakanteng silya. “Kumuha ka na ng mga plato, tinidor at kutsara. Dalian mo.” utos niya dito.
     “Ayos. Ako na ang nagdala ng pagkain, ako pa rin ang magsisilbi sa’yo? Ang bait mo talaga, Princess Dominique.” pumapalatak na wika nito ngunit sumunod din naman sa inuutos niya.
     “Magrereklamo pa, susunod din naman.” parinig niya.
     Si Miguel lang ang nag-iisang taong may alam kung saan siya nagtatago. Aksidente kasing nakita siya nito nang pumunta siya sa mall isang buwan na ang nakararaan. Bumibili siya noon ng ilang gamit para sa apartment niya. Mula noon ay hindi na siya nito iniwan at pinabayaan. Palagi itong nakaalalay sa mga gagawin niya. Ito ang tumayong guardian niya habang malayo siya sa mga magulang niya. Kaya naman malaki ang utang na loob niya rito.
     Masaya silang nagsalo sa paga-almusal. Katulad ng nakagawian na nila, puro asaran at kalokohan lang naman ang pinag-uusapan nila. Mga walang katuturang bagay at ang mga adventures nito sa mga babae nito.
     “Anong oras ka pupunta sa publishing house?” mayamaya ay tanong nito sa kanya.
     “Mga…” saglit siyang sumulyap sa wall clock bago sumagot. “Ten o’clock na lang.”
     “Okay. Ihahatid na kita bago ako pumasok sa trabaho. Dalian mo lang ang pag-kilos mo.”
     “Opo, Kuya M.” sagot niya na diniinan pa ang pagkakasabi ng ‘Kuya’. Ayaw na ayaw kasi nitong tinatawag na Kuya kahit na isang taon din ang tanda nito sa kanya. Palibhasa ay nag-iisang anak kaya siguro hindi ito nasanay na tawaging gano’n.
     “Shut up!” asik nito.
     Tinawanan lang niya ito. Nang matapos silang kumain ay ito na rin ang pinag-hugas niya ng pinagkainan nila. Nagmamadaling naligo at nagbihis siya. Bitbit ang kanyang bagpack na naglalaman ng kanyang pinakamamahal na laptop at kung ano-ano pang kailangan niya ay binalikan niya si Miguel.
     Naabutan niya itong nanonood ng T.V. Nakatupi hanggang siko ang long-sleeve na suot nito habang prenteng nakaupo sa sofa.
     “Tara lets.” yaya niya nang makalapit siya dito.
     Agad naman itong tumayo at nag-unat. “Wala ka na bang naiwan?”
     “Waley na po.”
     Nagpatiuna na itong lumabas ng bahay. Nang maikandado niya ang pinto ay sumunod na siya dito. Namangha siya nang paglabas niya ng gate ay isang itim na Camry ang nakita niyang nakaparada sa harap ng compound nila. Hindi niya napansin iyon nang pagbuksan niya ito ng gate.
     “Saan mo na naman naharbat ang bagong kotse mo?” nakangising tanong niya habang pinadadaanan ng kanyang daliri ang ibabaw ng kotse.
     “Sariling sikap ‘yan, neng. Pinag-ipunan ko ‘yan ‘no.”
     “Sabi ko nga. Nagtatanong lang naman eh.” aniya at sumakay na sa passenger’s seat ng sasakyan.
     Tahimik lang sila sa buong durasyon ng kanilang biyahe. Wala kahit isa sa kanila ang nagbukas ng kahit na anong paksa na puwedeng pag-usapan. Weird. Iyon ang unang beses na natahimik silang pareho.
     “Wala ka pa ring balak umuwi sa inyo?” mayamaya ay basag nito sa katahimikan. Seryoso ang boses nito kaya alam niyang hindi siya puwedeng manahimik lang o daanin sa kalokohan ang isasagot niya.
     “Nag-iipon pa uli ako ng lakas ng loob. Kinakabahan pa ko eh.” pag-amin niya.
     Huminga ito ng malalim. “Birthday ni Tita Monick ngayon. Hindi mo man lang ba siya babatiin? Ito ang unang birthday niya na wala ka.” Kahit na alam niyang hindi nito intensiyon ang konsensiyahin siya ay tinamaan pa rin siya.
     “Iniisip ko nga na bigyan na lang siya ng regalo. Idadaan ko na lang mamaya sa village bago ako umuwi.”
     “Hindi puwedeng palaging ganyan, Nickie. Marami nang taong nag-aalala sa’yo. Hindi lang sina Tito Dennis at Tita Monick, si Nicko pa. Simula nang mawala ka, naging mainitin na ang ulo niya at halos hindi makausap ng matino. Minsan nangangati na ang dila ko na magsalita at sabihin sa kanilang alam ko kung nasa’n ka eh. Kung hindi lang ako nangako sa’yo na hahayaan kita sa gusto mo at kung hindi mo lang ako pinagbantaan na lilipat ka sa malayong lugar, baka matagal na kong nagsalita.” mahabang litanya nito.
     Biglang nanikip ang dibdib niya nang marinig ang pangalan ni Nicko. Dalawang buwan na rin ang nakararaan nang huli niya itong makita. At aminin man niya o hindi ay nami-miss niya ito. Nasanay kasi siyang palagi niya itong nakikita at nakakausap noon.
     “May tamang oras din para diyan. One of this days, maybe, I’ll contact my mom and set an appointment with her.” mahinang wika niya.
     “Appointment? Even without an appointment, Nickie, you know you can talk to her anytime you want.” halata na sa boses nito ang pinipigil na inis. Pakiramdam niya ay gusto na nitong pilipitin ang leeg niya.
     “I know. But… I don’t know. Hayaan mo na lang muna ko.”
     Marahas na bumuga ito ng hangin. “Bahala ka na nga sa buhay mo. Sumasakit ang ulo ko sa’yo eh.”
     Hindi na siya sumagot at nanahimik na lang hanggang sa makarating sila sa publishing house na pagpapasahan niya ng mga gawa niya.
     “Don’t forget to eat, okay?” bilin nito sa kanya.
     Nakangiting tumango siya bago bumaba ng sasakyan nito.

“BAKIT ngayon ka lang?” nakakunot-noong tanong ni Nicko kay Miguel. Katulad ng madalas mangyari mula pa nang nakaraang buwan ay late na naman ito.
     “May dinaanan lang ako.” maiksing sagot nito bago nagtungo sa mesang inookupa nito.
     “Ano na naman ang dinaanan mo? Babae mo?” sarkastikong tanong niya.
     Tango lang ang tanging isinagot nito sa kanya at inabala na nito ang sarili sa trabaho. Nanibago siya. Ngayon lang yata niya ito nakitang umakto ng gano’n. Madalas ay marami na itong nasasabi kahit na hindi naman siya nagtatanong. Ngunit ngayon ay kataka-takang tahimik ito.
     “May problema ka ba, Miguel?” tanong niya dito.
     “Stop calling me, Miguel.” saway nito sa kanya na hindi man lang nag-angat ng tingin. “I’m fine. Wala lang ako sa mood.”
     “Okay.” Hindi na niya ito kukulitin kung ayaw nitong magsalita. Baka nga wala lang ito sa mood ‘gaya ng sinabi nito. Inabala na rin niya ang kanyang sarili sa tarabaho niya nang bigla siyang may maalala. “Oo nga pala, may maliit na salo-salo sa bahay nina Tita Monick mamaya. Iniimbita niya tayo.”
     “Okay, I’ll be there.” sagot nitong hindi pa rin tumitingin sa kanya.
     Umiling-iling na lamang siya. Iba talaga ito kapag sinapian ng topak. Parang nawawala sa sarili. Biglang lumitaw sa isip niya ang mukha ni Nickie na nakasimangot habang nanghahaba ang nguso. Hindi niya napigilang mapangiti. Ito lang ang nakakapag-pangiti sa kanya ng gano’n kahit na hindi niya ito nakikita. Ito na yata ang pinakamagandang babaeng nakilala niya sa buong buhay niya. Na kahit malakas rin kung atakihin ng topak ay napapangiti pa rin siya.
     Pakiramdam niya ay sinaksakan siya ng kung ano at lalo siyang ginanahang magtrabaho. Sana ay dumating na ang araw na muling magkrus ang kanilang mga landas.

NAUNANG dumating si Nicko sa bahay ng mga Del Rosario dahil bibili pa raw ng regalo si Miguel sa mall. Ang daddy naman daw nito ay susunod na lang pagkatapos ng mga trabaho nito.
     Pagbaba pa lang niya ng kanyang sasakyan ay sinalubong na siya ng nakangiting si Tita Monick. “Good afternoon, hijo.” bati nito sa kanya.
     Humalik siya sa pisngi nito nang makalapit siya dito. “Good afternoon din po, Tita.” inabot niya dito ang boquet na dala niya pati na rin ang regalo niya para dito. “Happy birthday po.”
     “Thank you.” umabrisite ito sa kanya at masayang hinila siya papasok sa loob ng bahay ng mga ito.
     “Mukhang masaya po kayo ha.” puna niya dito. Ang lapad-lapad kasi ng pagkakangiti nito na bihirang mangyari mula nang umalis si Nickie sa bahay na ‘yon.
     “Masaya talaga ako dahil pinadalhan ako ng regalo ni Nickie.” masayang pagbabalita nito sa kanya.
     Natigil siya sa paglalakad dahil sa ibinalita nito. “S-si N-nickie po?” hindi makapaniwalang tanong niya dito.
     Nilingon siya nito at sunod-sunod na tumango. “Iniwan niya sa guard sa labas ng village ‘yong regalo niya. Nakahinga ako ng maluwag dahil nasa maayos naman ang anak ko. Ang sabi niya sa sulat na kasama no’ng regalo, we need to wait for the right time.”
     “Right time?” nakakunot-noong tanong niya.
     “Ihahanda muna raw niya ang sarili niya.” biglang nabura ang ngiti nito at lumungkot ang mukha. “Naaawa ako sa anak ko. Hindi ko man lang alam kung ano na ang nangyayari sa kanya. Ngayon lang naman kasi siya nagparamdam. Wala rin namang nakalagay doon sa sulat bukod sa pagbati at sa pagsasabi na wala tayong dapat ipag-alala sa kanya.”
     Huminga siya ng malalim upang lumuwag kahit papaano ang dibdib niya. It’s been two months since they last saw Nickie. Sinubukan niya itong hanapin ngunit hindi siya nagtagumpay. Alam naman niyang nasa paligid lang ito at hindi lalayo sa siyudad. Bukod sa hindi ito sanay na mabuhay ng mag-isa, hindi rin ito makakatagal sa buhay sa probinsya.
     Sana lang ay bumalik o magpakita man lang ito sa kanila, sa kanya. Para hindi sila nag-aalala rito. Alam niyang may kasalanan siya dito. Handa siyang suyuin ito kung kinakailangan para lang bumalik ito sa kanya dahil aminin man niya o hindi ay malaking parte niya ang animo namatay magmula ng mawala ito.
     Napatingin siya kay Tita Monick nang kalabitin siya nito. Nakalimutan niyang kasama nga pala niya ito at nakatayo pa sila sa may pintuan ng malaking bahay. Nakangiti na ito nang muling magsalita. “I know she’ll come back soon. Malapit na ‘yon. Konting tiis na lang.” nasa boses nito ang kasiguruhan.
     Tumango na lang siya at nagpagiya na dito papasok sa loob.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento