Huwebes, Abril 5, 2012

CHAPTER FIVE


HUMINGA muna ng malalim si Nickie bago siya tuluyang pumasok sa loob ng bahay nila.
     Pagkagaling niya sa bahay nina Nicko ay tumuloy siya sa mall at gumala ng gumala. Nanood siya ng movie at kumain ng maraming carbonara. Pagkatapos niyon ay dumeretso siya sa condo unit ni Mark at uminom ng tatlong lata ng beer. Mabuti na lang at wala ito nang mga oras na ‘yon sa unit nito kaya nakainom siya.
     Iniwan na rin niya ang duplicate key niya na ibinigay nito sa kanya. Alas-nuwebe na ng gabi. Kung sa normal na pagkakataon ay malamang na tulog na ang mommy niya ngunit duda siya kung tulog na nga ito sa pagkakataong ‘yon. Kilala niya ito. Hindi ito napapakali kapag hindi siya tumatawag kung gagabihin siya ng uwi.
     Napatunayan niya ang hinala niya nang makitang magkatabing nakaupo sa sofa ang mga magulang niya at halatang hinihintay siya. Huminga siya ng malalim. Hindi niya puwedeng pairalin ang katigasan ng ulo niya sa pagkakataong ‘yon. Kailangan niyang kausapin ang mga ito at hingan ng paliwanag. Karapatan rin naman niyang malaman ang lahat para maintindihan niya kung bakit nagawang maglihim ng mga magulang niya sa kanya.
     Agad namang tumayo ang mga ito nang makita siya. Muli siyang humugot ng malalim na hininga bago naglakad palapit sa mga ito.
     “I’m ready to listen to what you’re going to say.” pormal ang tinig na sabi niya sa mga ito.
     Umupo siya sa katapat na sofa na kinauupuan ng mga ito habang bumalik naman ang mga ito sa pagkaka-upo sa sofa.
     Mahabang katahimikan ang namagitan sa kanilang lahat bago tumikhim ang kanyang ama at nagsimulang magkuwento. “Your real father is our family driver. Three years old ka pa lang nang mamatay si Jose at ibinilin ka niya sa amin ng mommy mo. Ang tunay mong ina ay namatay pagkapanganak niya sa’yo. Isang beses ko lang nakilala si Teresa pero masasabi kong mabuti siyang tao.
     “Mahal na mahal ka ng totoong mga magulang mo, Nickie. Iyan ang sinisiguro ko sa’yo. At dahil hindi puwedeng magkaro’n ng anak ang mommy mo, naisip naming ampunin ka na lang nang mamatay ang tatay mo. Itinuring ka naming tunay na anak. Hindi lang dahil sa ipinagkatiwala ka sa’min ng tatay mo kundi dahil napamahal ka na rin sa’min.
     “Kaya hindi ko gustong sabihin sa’yo ang totoo ay dahil para sa’kin, bale-wala na ang bagay na ‘yon. Para sa’kin anak kita at walang kahit sino ang makakapag-pabago niyon. Kadugo man kita o hindi, anak pa rin kita.”
     Hindi niya alam ang sasabihin. Nang tingnan niya ang kanyang ina ay lumuluha ito. Alam niyang nasasaktan ang mommy niya pero wala siyang lakas ng loob para lapitan ito at aluin. Pakiramdam niya ay hindi siya nararapat sa pamilyang ‘yon.
     Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang hiyang nararamdaman niya pero hindi rin niya maiwasang makaramdam na hindi na siya parte pamilya Del Rosario. Siguro, kailangan lang muna niyang lumayo sa mga kakilala niya para makapag-isip-isip siya ng maayos. Hindi niya akalaing sa loob lang ng ilang oras ay malaki na ang magbabago sa buhay niya.
     She felt helpless. Hindi niya alam kung saan siya lulugar sa mga oras na ‘yon.
     Huminga siya ng malalim bago muling nag-angat ng tingin at tumingin sa mga nakagisnang mga magulang.
     “I just want to tell you that I’m not mad at you. Hindi ko yata kayang magalit sa inyo gayong wala naman kayong ginawa kundi protektahan ako at bigyan ako ng magandang buhay. Dapat pa nga akong magpasalamat sa inyo dahil sa pagkupkop n’yo sa’kin. Pero… papayagan n’yo po ba akong umalis muna?”
     Hindi man lang nagulat ang daddy niya sa sinabi niya ngunit ang mommy niya ay agad na umalma. “Saan ka naman pupunta anak? Hindi ka sanay na mamuhay mag-isa. Baka kung mapa’no ka.” nag-aalalang sabi ng kanyang ina.
      Ngumiti siya. “Don’t worry about me. ‘Yon nga ang pag-aaralan kong gawin. Ang mabuhay nang mag-isa. Gusto ko munang makapag-isip at lumayo. Masyadong maraming nangyari sa araw na ‘to ang I don’t think I’ll be able to think peacefully while I’m here.” paliwanag niya.
     “But---“
     Hindi natapos ng mommy niya ang sasabihin nito dahil pinigilan ito ng kanyang ama. “It’s okay, honey. If that’s what you want then we won’t stop you. Alam kong may mali kami at karapatan mong magalit sa’min pero imbes na magalit ay nagpasalamat ka pa. Ngayon ay alam ko nang hindi kami nagkamali ng pagpapalaki sa’yo.”
      Ngumiti ito ng masuyo. “Sana, sa paglayo mo ay makapag-isip ka ng mabuti. Basta if you need us, don’t hesitate to come to us and we’ll help you. That’s how much we love you, sweetheart.” madamdaming wika ng kanyang ama.
     Tango lang ang tanging naging sagot niya sa sinabi ng kanyang ama. Wala na siyang maapuhap na sabihin sa mga ito.
     Nang matapos ang pag-uusap nila ay dumeretso siya sa kanyang silid at nagsimulang mag-empake. Aalis siya sa bahay na ‘yon para hanapin ang sarili niya. At sisiguruhin niyang pagbalik niya ay hindi na siya ang Nickie na isip bata at hindi alam kung ano ang gusto sa buhay.
     She’ll make sure that she’ll be a better person when she came back.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento