MAAGANG nagising
kinabukasan si Nickie para makausap ang mga magulang niya. Excited siyang
ibahagi sa mga ito ang napagdesisyunan niya. Alam naman niyang hindi tututulan
ng mga ito ang mapipili niyang gawin sa buhay dahil kung saan siya masaya ay
sinusuportahan siya ng mga ito.
Naabutan niyang nagliligpit ng
hapag-kainan si Miel kaya nasiguro niyang dumating na nga ang mga magulang
niya. “Sila Mommy?” tanong niya dito.
“Nasa pool area.” sagot nito. Halatang
uneasy ito habang hindi makatingin ng deretso sa kanya.
Kumunot ang noo niya. “Anong nangyari?
Okay ka lang?” masayahin naman si Miel kaya nakapagtataka kung bakit gano’n ito
ngayon. Pinagalitan kaya ito kaya gano’n ang hitsura nito?
Kiming tumango ito ngunit hindi pa rin
tumitingin sa kanya. Bumuntong-hininga siya. “Pupuntahan ko na lang muna sila
sa pool area. Pakihandaan na lang ako ng almusal.” bilin niya dito bago siya
tumalikod at nagtungo sa kinaroroonan ng mga magulang niya.
Palapit pa lang siya sa kinaroroonan ng
mga ito ay naririnig na niya ang may kalakasang boses ng mga ito. Nagtatalo ang
mga ito base sa tono ng boses ng mga ito. Napakunot-noo siya nang marinig
niyang binanggit ng daddy niya ang pangalan niya. Naantig niyon ang kyuryosidad
niya kaya hindi muna siya nagpakita sa mga ito. Nagtago siya sa gilid ng
sliding door.
“You can’t hide the truth from her all her
life, Dennis. May karapatan si Nickie na malaman ang katotohanan.” anang Mommy
niya.
“Kailangan pa ba niyang malaman ‘yon?
Hindi naman mahalaga ‘yon kaya bakit pa ba natin pinagtatalunan ‘yan?”
nafufrustrate na tanong ng kanyang ama sa mommy niya.
“Para kahit papa’no ay madalaw man lang
niya ang tunay niyang mga magulang sa sementeryo. Malaman man lang niya kung
anong klaseng tao ang mga ‘yon. Karapatan niya ‘yon.” giit ng kanyang ina.
Nanlamig ang buong katawan niya dahil sa
sinabi ng mommy niya. Totoong magulang niya? Sinasabi ng utak niya na lumabas
na siya sa pinagtataguan niya ngunit ayaw gumalaw ng mga paa niya.
“Pa’no kung magalit sa’tin ang anak natin
sa pagtatago natin sa kanya na ampon lang siya? Alam kong masasaktan ka kapag
nangyari ‘yon at isa ‘yon sa mga iniiwasan kong mangyari. Ayokong isa man
sa’ting tatlo ay masaktan.”
Ampon? Siya? Parang biglang namanhid ang
buong katawan niya at may bumara sa lalamunan niya. Nanikip rin ang kanyang
dibdib.
“May karapatan siyang magalit dahil sa
pagtatago natin ng katotohanan and we deserved it. At kung talagang kilala mo
ang anak mo, hindi magtatagal at maiintindihan din niya kung bakit natin nagawa
ang bagay na ‘yon.” mahinahong paliwanag ng kanyang ina.
Nang kahit papa’no ay makaramdam siya ng
kaunting lakas ay nagsimula siyang lumabas mula sa pinagtataguan niya. Basa na
ng luha ang mga mata niya. Halatang nagulat ang dalawang matanda nang makita
siya.
“Dominique…” tawag sa kanya ng daddy niya.
“Is it true?” malungkot na tanong niya sa
mga ito.
“Nickie, let me explain, okay?” mahinahong
sabi ng kanyang ina at tinangka siyang hawakan ngunit sa huli ay hindi na nito
itinuloy.
“Is it true?” ulit niya sa tanong niya. Sa
pagkakataong ‘yon ay may diin na ang boses niya.
Nakayukong tumango ang kanyang ina.
Nag-iwas naman ng tingin ang daddy niya. Tuluyan nang naglandas ang mga luha sa
pisngi niya. “Bakit hindi n’yo sinabi sa’kin?” humahagulgol na tanong niya sa
mga ito.
Ngunit nanatiling tahimik ang mga ito.
Umiiyak na rin ang mommy niya.
Dahil sa paninikip ng dibdib niya at hindi
na mapigilang emosyon ay hindi na siya nakapag-isip ng matino. Tumakbo siya
palayo sa mga ito hanggang sa makalabas siya ng bahay. Naririnig niya ang mga
tinig na tumatawag sa pangalan niya ngunit hindi siya nag-abalang tumigil at
lingunin ang mga ‘yon.
Kailangan muna niyang kalmahin ang sarili
niya. Ayaw niyang makasagutan niya ang sinuman sa mga magulang niya kaya
kailangan niyang lumayo pansamantala. Hindi niya puwedeng pagkatiwalaan ang
kasalukuyang estado ng damdamin niya.
Sumakay siya sa kotse niya at mabilis na
pinaharurot ‘yon. Agad namang may nagbukas sa gate kaya mabilis din siyang
nakalabas. Isa lang ang taong naiisip niyang puntahan nang mga oras na ‘yon at
sana lang ay matulungan siya nito sa problema niya.
MAAGANG nagising si
Nicko dahil gusto niyang puntahan si Nickie sa bahay ng mga ito.
Hindi niya alam kung bakit pero nitong mga
nakaraang araw ay gusto niyang palaging nakikita ang dalaga. Gumagaan ang
pakiramdam niya kapag nakikita niya ang magandang mukha at magandang ngiti
nito.
Puwede rin niya itong yayain na lumabas
pagkatapos ng office hours. Isang linggo na rin naman ang nakararaan nang
lumabas sila nang silang dalawa lang.
Sisipol-sipol pa siya nang bumaba siya sa
hagdan ngunit pagdating niya sa kusina ay wala pang nakahandang agahan doon. Kumunot
ang noo niya. “Bakit walang breakfast na Nakahanda dito?” tanong niya sa
kawaksi.
“Nasa garden po, Sir Nicko. Doon po
pinahanda ni Sir Spencer ang agahan n’yo.” magalang na sagot nito.
Lalong nagsalubong ang mga kilay niya.
Ano naman kaya ang nakain ng daddy niya at doon pa nito gustong mag-agahan sa
garden? Madalas itong tumambay doon dahil iyon lang daw ang lugar kung saan ito
nakakaramdam ng kapayapaan ng loob. Ang namayapang ina kasi niya ang nag-alaga
ng hardin na ‘yon.
“Pinapasabi rin po pala ng daddy n’yo na
gusto raw po niya kayong makausap.”
Tumaas ang isang kilay niya pero hindi na
siya nagsalita bagkus ay tumalikod na siya at tinungo ang kinaroroonan ng
kanyang ama. Mukhang masisira pa ang magandang araw na naghihintay sa kanya.
“Gusto mo daw akong makausap, dad?” bungad
niya nang makalabas. Tumayo lang siya sa likod nito.
Ibinaba nito ang diyaryong binabasa nito
at nilingon siya. “Yeah. Halika dito, hijo at saluhan mo ko sa agahan.” yaya nito
sa kanya.
Tahimik na sinunod lang niya ang utos nito
ngunit hindi siya nagsalita. Ano na naman kaya ang kailangan nito sa kanya at
gano’n kaganda ang mood nito? Hindi siya sanay na gano’n siya pakitunguhan ng
kanyang ama. Kapag kasi nagiging gano’n ito, ang ibig sabihin niyon ay may
kailangan ito sa kanya.
“Kumusta naman kayo ni Nickie?” tanong
nito mayamaya.
Nagkibit-balikat siya. “We’re fine.”
maiksing sagot niya.
“Sinusunod mo ba ang bilin ko sa’yo? Are
you treating her well?”
“Of
course. Kailangan kong gawin ‘yon di ba? At dahil utos mo ‘yon ay hindi ko
puwedeng bale-walain ‘yon.” sarkastikong sagot niya.
Nakangiting tumango-tango ito at hindi
inalintana ang sarkasmo sa tinig niya. “Well, that’s good. Continue what you’re
doing. Mabait naman si Nickie kaya hindi ko alam sa’yo kung ano ang problema mo
sa batang ‘yon.”
Nagtagis ang bagang niya. He really hated
it whenever his father is lecturing him of the things he needs to do. Naisip
niyang asarin ito. “I simply don’t like her. Period. Pero dahil gusto n’yo siya
at dahil sa walang kuwentang kasunduan n’yo ni Tito Dennis ay kailangan ko
siyang pakisamahan ng mabuti.”
Of course he doesn’t mean what he just
said. Masaya siyang kasama si Nickie. At tanggap na niya nang maluwag sa dibdib
ang nakatakdang kasal nilang dalawa. Handa na nga siyang tulungan ito sa lahat
ng preparasyon na kailangan para sa kasal nila.
Magsasalita pa sana ang kanyang ama nang
may marinig silang ingay mula sa loob ng bahay. Sabay silang mapatingin sa
pinto palabas ng garden. Natigilan siya nang makitang nakatayo doon si Nickie.
Basang-basa ng luha ang mga mata nito habang nakatingin ng tuwid sa kanya.
Narinig kaya nito ang mga sinabi niya? Matagal
na kaya itong nakatayo doon? Bakit wala man lang nakapansin ni isa sa kanilang
mag-ama sa pagdating nito? Shit! Agad
siyang tumayo para sana lapitan ito ngunit bigla na lang itong tumalikod at
tumakbo palayo sa kanila. Hindi na siya nag-isip pa. Mabilis na sinundan niya
ito.
Naabutan niya itong binubuksan ang pinto
ng sasakyan nito ngunit hindi nito mabuksan ‘yon. Nanggigigil na sinipa nito
ang pinto at paupong sumandal do’n. Patakbong lumapit siya dito pagkatapos ay
umuklo siya para magpantay ang mga mukha nila.
“Dominique…” tawag niya sa pangalan nito.
“Do you really hate me that much?”
humihikbing tanong nito habang nakayuko ang ulo.
Nagulat man siya sa tanong nito ay agad
naman niyang naunawaan ang ibig nitong sabihin. Narinig nga nito ang usapan
nila ng kanyang ama. Lumunok siya. Bakit ba ang sama ng timing ng pagdating
nito?
“Ang akala ko pa naman ay nagtagumpay na
kong mapalambot ang puso mo kaya mabait ka na sa’kin. Iyon pala, lahat ng
ipinapakita mo ay pakitang-tao lang.” she smirked. “In fairness, magaling kang
artista, Nicko.” mapait na komento nito.
Nag-angat ito ng tingin at tumutok sa
kanya ang luhaang mga mata nito. “Alam mo bang ampon lang ako?”
Doon siya talagang nagulat. Ito? Ampon?
Pa’no nangyari ‘yon?
Tumawa ito ng mapakla. “Nagulat ka no? Ako
din eh. Hindi ko din alam kung pa’no nangyari ‘yon. Kaya nga kita pinuntahan
dito dahil para hingan ng advice pero hindi ko naman inaasahan na ‘yon pa ang
mga maaabutan ko.”
Tuluyan na siyang umupo sa semento. Wala
na siyang pakialam kung madumihan man ang suot niyang slacks. Nanghina siya
bigla hindi lang dahil sa nalaman niyang kasalukuyang problema nito kundi dahil
hindi niya matagalang tingnan ang mga emosyong nakabalatay sa magandang mukha
nito. “I’m sorry, Nickie. That’s not what I mean nang sabihin ko ‘yon kay
daddy.”
“You don’t have to explain, Nicko.
Naiintindihan ko. I’m sorry kung ngayon lang pumasok sa isip ko ang
nararamdaman mo. Hindi ko kasi naisip na pa’no kung hindi mo talaga gustong
magpakasal sa’kin? Pinipilit ko pa ang sarili kong mapansin mo kahit na palagi
mo naman akong sinusungitan. Ang sabi ko sa sarili ko hindi kita susukuan pero
wala eh, kailangan na talaga yata. Ceased fire na.” pumalatak ito. “I’m such a
selfish brat.”
“No, you’re not.” pakli niya.
“Oh yeah? Di ba sabi mo kanina sa daddy mo
ayaw mo naman talaga sa’kin?”
Hindi siya nakapagsalita. Alam niya sa
sarili niya na hindi niya gustong sabihin ‘yon sa daddy niya. Ang intensiyon
lang naman talaga niya ay asarin ang ama.
Ngayon niya napagtanto na hindi niya
gustong makitang nasasaktan si Nickie. Naninikip ang dibdib niya sa nakikitang
hitsura nito ngayon. Nasasaktan siya sa isiping isa na siya sa dahilan kung
bakit ito nasasaktan sa mga oras na ‘yon.
“Let’s call off the wedding.” mayamaya sa
deklara nito.
“What? But, why?”
“Wala nang dahilan para ituloy pa natin
ang kasal. I don’t want to be selfish anymore. Kaya hahayaan na lang kita sa
gusto mong gawin sa buhay.” hinubad nito ang engagement ring na suot nito at
inilipat ‘yon sa kamay niya pagkatapos ay yumuko ito. “I don’t need that.”
“But, Nickie… Wait. Hindi ba puwedeng
pag-usapan muna natin ‘to?” alam niyang panicky na ang boses niya pero wala
siyang pakialam. Hindi puwedeng hindi matuloy ang kasal nila.
Ngunit parang wala itong narinig. Nanatili
itong nakayuko at tahimik na tinutuyo ang mga luha nito. Napatiim bagang siya.
Gusto man niyang magpaliwanag ay mukhang hindi ‘yon uubra kung ang emosyon nito
ngayon ang pagbabasehan niya.
Malaki ang problemang kinakaharap nito
ngayon kaya ayaw na niyang dagdagan pa ‘yon pero hindi naman niya alam kung
pa’no ito aaluin. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya para ipaintindi
dito na hindi na siya napipilitan lang sa pagpapakasal dito.
Bumuntong-hininga siya. There’s no use
defending himself now. Hindi rin makikinig sa kanya si Nickie. Kailangan muna
niyang palipasin ang problema nito bago niya ito kausapin uli.
Akmang magsasalita na siya nang unahan
siya nito. “I’m going home.” anito at tumayo na. Ilang sandali rin itong
nakatayo lang do’n. Mayamaya ay huminga ito ng malalim at binuksan ang pinto ng
kotse nito.
He clenched his fists. Hindi niya
tatantanan si Nickie hangga’t hindi siya nito pinakikinggan. Sisiguruhin niyang
matutuloy ang kasal nila. Gagawin niya ang lahat para pakinggan at paniwalaan
siya nito. Pero sa ngayon ay hahayaan muna niya ito sa gusto nitong gawin.
Hanggang sa makaalis ang sasakyan nito ay
hindi pa rin siya tumitinag sa kinauupuan niya. Nawalan na siya ng ganang
pumasok. Ang gusto na lang niyang gawin ngayon ay lunurin ang sarili niya sa
alak para kahit papa’no ay mabawasan ang sakit na nararamdaman niya nang mga
sandaling ‘yon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento