Sa wakas ay tumigil din ang dalaga sa
mabilis na paglalakad nito at hinintay siyang makalapit dito. Ang hirap dito,
kailangan pa nitong sindakin bago niya ito mapasunod.
“Bakit ba kasi nagmamadali ka? Hindi naman
aalis dito ang Star City.” naiinis na sabi ni Nicko nang makalapit siya dito.
Imbes na sumagot ay hinawakan lang nito
ang kamay niya at hinila siya papasok sa entrance ng naturang amusement park.
Napabuntong-hininga na lang siya. Useless lang na mainis siya dahil hindi rin
naman siya nito pakikinggan. Nickie will always be Nickie.
Pagkatapos bumili ng ride-all-you-can
tickets nila ay pumasok na sila sa loob. Una itong tumigil sa carousel. Hinarap
siya nito at nang tumingin siya sa mga mata nito ay kumikislap ‘yon. Agad naman
niyang naunawaan ang gusto nitong gawin niya.
“No way! Hinding-hindi mo ko mapapasakay
diyan.” agad na sabi niya. Sinubukan pa niyang kumalas mula sa pagkakahawak
nito sa kamay niya.
Lumabi ito. “Sige na. Ngayon lang naman
tayo sasakay diyan eh. ‘Tsaka wala namang nakakakilala sa’tin dito kaya okay
lang.” pamimilit nito.
“Hindi.” matigas na sagot niya.
“Nakakahiya. Hindi na tayo mga bata para sumakay diyan.”
Kusa itong bumitiw sa kamay niya at pairap
na tinalikuran siya. “Bahala ka sa buhay mo. Kung ayaw mong sumakay eh di ‘wag.
Ako na lang ang sasakay mag-isa.” pasya nito at nagsimula nang pumila.
Iiling-iling na lang siya habang
nananatiling nakatayo sa tabi ng mga taong kasama marahil ng mga batang
nakapila rin para sumakay sa de-makinang kabayo. Pinanood na lang niya si
Nickie habang masaya itong nakikipag-usap sa mga kasama nitong bata.
Halatang nag-eenjoy ito sa ginagawa nito.
Sabagay hindi naman kasi sila palaging nakakapunta sa mga gano’ng lugar. Kung
tama nga ang pagkakatanda niya, iyon ang unang beses na nakatungtong siya sa
amusement park. Hindi kasi sila mahilig ni Miguel na pumunta sa mga pambatang
lugar na katulad ng Star City. Hindi nga niya alam kung pa’no siya napapayag ni
Nickie na sumama dito.
Bigla na lang kasi siyang pinuntahan nito
sa bahay nila at sinabing samahan niya ito sa kung saan mang lugar. At dahil
sabado naman nang araw na ‘yon ay naisip na rin niyang mag-relax kahit papa’no.
Nagtataka na rin siya sa sarili niya kung
pa’nong nitong mga nakaraang araw ay hindi na niya magawang sungitan o bale-walain
ang dalaga. Mula nang makita niya itong may kausap na ibang lalaki sa bar nang
gabing ‘yon ay tila may nag-iba na sa kanya.
Selos lang ‘yan.
Asa pa!
Ipinilig niya ang ulo. Normal lang naman
siguro ang gano’ng pakiramdam dahil hindi naman magandang tingnan kung ang
isang babaeng katulad nito na nakatakda ng ikasal ay makikita pang
nakikipag-usap sa ibang lalaki.
Bakit? Nakikipag-usap lang naman. Anong
masama do’n?
Besides, hindi ba
nakikita ng mga lalaking lumalapit dito ang suot nitong singsing? O talagang
lapitin lang ng mga palikero si Nickie? Hindi niya nagustuhan ang ideyang ‘yon.
“Hey! Tara na.” anang boses ng dalaga na
nakapag-pabalik sa kanya sa kasalukuyan. Tapos na pala itong sumakay sa
carousel nang hindi man lang niya namamalayan. Natututo na rin siyang kausapin
ang sarili niya dahil sa kabaliwan ng dalawang taong madalas niyang kasama.
Tumango lang siya at sumunod dito. Halos lahat
ng mga rides ay sinakyan nila. Pinagbigyan na niya ito dahil hindi na naman
gaanong nakakahiyang tingnan kung sasakay siya sa iba pang rides. Besides,
nag-eenjoy naman siya sa mga ginagawa nilang dalawa. Pakiramdam niya ay bumalik
siya sa pagkabata.
Mukhang walang kapaguran ang kasama niya
samantalang siya ay nakakaramdam na ng pagod. Pinigilan niya si Nickie sa braso
nang akmang hihilahin na naman siya nito sa kung saan. “Pahinga muna tayo.
Hindi pa rin tayo kumakain eh.” aniya.
Hindi naman ito nagprotesta. Siguro ay
naramdaman din nito na pagod na talaga siya. Umupo sila sa bakanteng bench sa
tapat ng mga stalls na nagtitinda ng kung ano-anong makakain. “Nagugutom ka
ba?” tanong niya dito.
Nakangiting tumango lang ito.
“Anong gusto mong kainin?”
“Kahit ano na lang. ‘Wag lang kanin ha?
Tinatamad akong kumain ng kanin eh.”
Iniwan na niya ito saglit para bumili ng
pagkain. Hindi rin naman siya gaanong gutom kaya dalawang hotdog on stick na
lang ang binili niya at dalawang iced tea. Nang balikan niya ito ay nakita
niyang nakapalumbaba ito habang nakatingin sa mga tao sa paligid.
Inilapag niya sa tapat nito ang pagkain
nito. “Wala na naman ba sa earth ang utak mo?” tanong niya dito.
Nakangiting humarap ito sa kanya. “Hindi
naman. Pinagmamasdan ko lang sila.” sagot nitong inginuso ang iba’t-ibang
pamilyang sama-samang nakasakay sa mga rides. “Naisip kong yayain sina Mommy
dito one of this days.”
He chuckled. “Sa tingin mo sasama sina
Tito Dennis kapag hinila mo sila papunta dito?”
She glared at him. “At bakit naman sila
hindi sasama?” kunot-noo at inis na tanong nito sa kanya.
Nagkibit-balikat lang siya. “Hindi kasi
ang tipo nila ang pupunta sa ganito. Pero malay mo pumayag nga sila.” Hinawakan
niya ang baba nito at itinaas ang mukha nito pagkatapos ay pinalis niya ang
kunot sa noo nito. “’Wag ka na mainis. Hindi bagay sa’yo eh.”
Inismiran siya nito. “Sino ba ang may
kasalanan kung bakit ako naiinis? Ikaw rin naman eh. Palagi mo na lang akong
sinusungitan. Nakakainis kaya ‘yon. Ilang taon na tayong magkaibigan tapos
hindi ka man lang magbago kahit kaunti.” litanya nito.
“What do you want me to do? You want me to
change myself just to please the people around me?”
“Hindi sa gano’n.” naiinis na humarap ito
sa kanya at tumingin ng deretso sa mga mata niya. Hindi niya alam kung ano ang
nangyari pero biglang kumabog ng malakas ang dibdib niya. “Ang akin lang naman,
ngumiti ka kahit minsan. Hindi naman masama ‘yon. Hindi ‘yong para kang taong
bato na walang emosyon. Kahit minsan hindi man lang kita nakitang ngumiti.”
pumalatak ito pagkasabi niyon.
“Ngumingiti naman ako ha? Hindi mo lang
siguro nakikita.” depensa naman niya sa sarili.
Umirap ito. “Sa ibang tao siguro
ngumingiti ka. Baka nga tumatawa ka pa eh. Pero sa harap ko hindi mo pa ‘yon
ginagawa.”
Bumuntong-hininga siya. “Okay, sige. Sorry
na.” hinging-paumanhin niya dito. Hindi naman niya ito gustong sungitan. Hindi
lang talaga niya alam kung pa’no ito pakikitunguhan dahil sa kakaibang ugali
nito.
Hinarap siya nito at nagdududang tiningnan
siya. “Hindi mo na ko susungitan?”
Tumango siya.
“Ngingitian mo na rin ako?”
Muli ay tumango siya. Bahagya siyang
napangiti nang makita niya ang mukha nito. Ang cute nitong tingnan sa hitsura
ng mukha nito.
Nanlaki ang mga mata nito. “You smiled.”
namamanghang sabi nito. “You really smiled.” parang mas sa sarili nito sinasabi
‘yon.
Umiling-iling na lang siya at inabala na
ang sarili sa pagkain. Ngunit hindi siya makapag-concentrate dahil nararamdaman
niyang tinitingnan pa rin siya nito. Hinarap niya ito. “Kumain ka na.”
seryosong utos niya dito.
Nginitian muna siya nito ng
pagkatamis-tamis bago hinarap ang sarili nitong pagkain. Bumuntong-hininga
siya. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa kanya at bigla na lang siyang
nakaramdam ng gano’n sa simpleng pagtingin lang kay Nickie.
Sanay na naman siyang makita ito dahil
nasa elementarya pa lang sila ay magkakilala na sila at wala naman siyang
kakaibang nararamdaman noon. Ano naman ang maaaring maging dahilan ng kakaibang
nararamdaman niya para dito ngayon?
Pagkatapos nilang kumain ay nagpatuloy
sila sa pagsakay sa kung ano-anong rides. Kahit na nakakatakot ay sinakyan pa
rin nila. Hindi naman ito nagrereklamo kaya hindi na rin siya nag-alalang bigla
na lang itong himatayin pagkatapos nilang sumakay sa roller coaster o sa surf
dance.
Pasado alas-diyes na ng gabi nang
makarating sila sa bahay ng mga ito. “Thank you sa pagsama sa’kin sa Star City
kahit na alam kong hindi ka mahilig pumunta sa mga gano’ng lugar.” nakangiting
pagpapasalamat nito sa kanya.
“It’s nothing. Nag-enjoy naman ako eh.”
nakangiti ring sagot niya.
“Don’t worry, hindi na kita uli yayayain
sa mga amusement parks kaya makakahinga ka na ng maluwag.” biro nito.
Pabirong pinitik niya ang noo nito. “Silly
girl. Sige na pumasok ka na sa loob nang makapagpahinga ka na.”
“Okay.” sagot naman nito at bago pa niya
malaman ang susunod na gagawin nito, dumukwang na ito at binigyan siya ng
magaang na halik sa labi. “Good night, Nicko.”
Hanggang sa makapasok na ito sa gate ay
hindi pa rin siya tumitinag. She did actually kissed him. Wala sa sariling
napangiti siya. Hindi niya alam kung para saan ang tuwang nararamdaman niya
pero nasisiguro niyang marami na ang magbabago sa pakikitungo niya kay Nickie
mula sa araw na ‘yon.
MASAYANG binuksan ni
Nickie ang pinto ng opisina nina Nicko at patalon-talon pang pumasok do’n.
“Good morning, gentlemen.” masiglang bati
niya sa dalawang lalaking biglang napaangat ng tingin dahil sa pang-aabala niya
sa mga ito.
“Good morning, princess.” ganting-bati ni
Miguel. “Pagkain ba namin ‘yang dala mo?” tanong nitong inginuso pa ang tatlong
paper bag na bitbit niya.
Tumango siya. Lumapit siya sa mesa nito at
inilapag ang isang paper bag pagkatapos ay lumapit naman siya sa mesa ni Nicko
at inilapag doon ang dalawa pang paper bag. “Good morning, Nicko.” bati niya
dito bago umupo sa silyang nasa tapat ng mesa nito.
Ngumiti lang ito at dumukwang para silipin
ang mga dala niya. “What’s for lunch this time?” tanong nito sa kanya. Madalas
kasi niyang dalhan ng pagkain ang mga ito kaya sanay na ang mga ito sa gawain
niyang iyon.
“Pritong palaka and sinigang na baboy.”
nakangising sagot niya.
Kumunot ang noo nito. “What?”
“Pritong palaka. Fried Frog.”
Ngumiwi ito. “Kailan ka pa natutong kumain
ng palaka?”
“Kahapon lang. Pinatikim kasi sa’kin ni
Yaya Mela ‘yong luto niya eh. No’ng una hindi ko kinain kasi nakakadiri. I
mean, who would want to eat frogs? Pero nang tikman ko siya? It’s perfect!
Lasang fried chicken lang.” masayang pagkukuwento niya dito.
“You mean, si Yaya Mela ang nagluto nitong
mga pagkain?” singit ni Miguel.
Nakangiting nilingon niya ito at tumango.
“Ang sabi niya ipatikim ko raw ‘yan sa inyo kaya nagdala na ko niyan. Malinis
naman ‘yang mga ‘yan eh kaya tikman n’yo na.” panghihimok niya sa mga ito.
Nagkibit-balikat si Miguel. “Well, wala
naman sigurong masama kung susubukan. Magandang experience ‘to.” excited na
sabi nito.
“Ikaw, saan ka kakain ng lunch?” tanong ni
Nicko.
“Dito din. Sasaluhan ko kayo. It’s a
little celebration na rin kasi I’ve made up my mind na.” pagbabalita niya sa
mga ito.
“Para saan?”
“I’ve decided to be a freelance
illustrator na lang. Para sa bahay na lang ako magtatrabaho. May laptop naman
ako kaya walang magiging problema. Ang next target ko ay ang pagbili ng graphic
tablet.”
Tumango-tango ito. “Well, kung ‘yan ang
gusto mo, then so be it. Pero alam mo namang hindi stable ang trabahong naisip
mo di ba?”
“Oo naman. Alam ko naman ‘yon eh. And I’m
ready. Iisip pa ko ng puwedeng pagkaabalahan bukod sa magiging trabaho ko.”
“Nasabi mo na ba ‘yan sa parents mo?”
Umiling siya. Wala pa sa bahay nila ang
mga magulang niya dahil nag-out of town ang mga ito. Kinabukasan ng umaga pa
ang balik ng mga ito kaya doon pa lang niya masasabi ang napagdesisyunan niya.
“Okay. Hintayin mo na lang na mag-lunch
break. Hindi ka naman siguro mabo-bore dito.” yumuko ito at kinuha ang spare
laptop na palaging dala nito. Iniabot nito ‘yon sa kanya. “Gamitin mo na muna
‘yan.”
Nakangiting tumango siya pagkatapos ay
lumipat siya sa nag-iisang sofa na nando’n. Inabala niya ang kanyang sarili sa
paglalaro ng mga games na naka-install sa laptop ng binata. At dahil may wifi
sa opisina na ‘yon, nakapag-internet pa siya at naghanap ng mga puwede pa
nilang idagdag para sa nalalapit na kasal nila ni Nicko.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento