Biyernes, Abril 6, 2012

CHAPTER EIGHT


NAIWAN sina Nica at Simon sa condo unit ng binata pagkatapos ng selebrasyon.
     Katakot-takot na pagbabanta pa ang natanggap nito kay Renzo bago tuluyang umalis ang mga kaibigan niya. Ang loko namang si Simon ay inasar pa ang kaibigan niya na hindi na siya nito isasauli sa mga ito oras na mapag-solo sila doon.
     Kailangan pa itong hilahin nina Choi para lang umalis na ito. Tinatawanan naman nila ito at hanggang sa makalabas na ng pintuan ay naglilitanya pa rin. Iiling-iling na ibinagsak niya ang kanyang sarili sa sofa at pumikit. Nakakaramdam na siya ng pagod dahil sa walang humpay na pakikipagkuwentuhan at pakikipagsayawan sa mga bisita niya.
     Gusto pa nga ng mga ito na magkantahan sila ngunit pinigilan na ito ng mga magulang ni Simon.
     “Tired?” tanong ni Simon na hindi niya namalayang nakalapit na sa kanya. Hinahaplos nito ang kanyang buhok.
     “A little bit.” nahahapong sagot niya habang nakapikit.
     “Do you want to sleep muna? Maaga pa naman eh.”
     Umiling siya. “May surprise ka pa sa’kin eh. Mamaya na ‘ko matutulog.”
     He chuckled. “You love surprises, eh?” pang-aasar nito.
     “Honestly, ngayon ko lang nagustuhan ang surprises. Thanks to you.”
     Natawa ito. Pagkatapos ay tumayo ito kaya dagli siyang napamulat ng mata. “Where are you going?”
     “May aayusin lang ako. Magpahinga ka muna dito.”
     “Gusto mo tulungan kita?”
     “’Wag na. I can manage. Magpahinga ka muna diyan para may energy ka later for my very special gift for you.”
     Hinayaan na lang niya ito. Pumikit na lang uli siya at nagpahinga. Hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya. Nang magising siya ay madilim at tahimik ang paligid. Bahagya siyang nakaramdam ng kaba. Gaano ba siya katagal natulog? Iniwan ba siyang mag-isa ni Simon doon?
      Tumayo siya at sinubukang maglakad ngunit tumama ang kanyang tuhod sa center table. Napangiwi siya. Huhugutin na sana niya ang kanyang cellphone sa bulsa niya upang gawing ilaw nang biglang bumukas ang ilaw sa kusina. Naglakad siya papunta doon ngunit bago pa siya makapasok doon ay biglang lumitaw si Simon. Nakangiti ito sa kanya.
     Iba na ang suot nitong damit at lalo yatang naging guwapo ito sa paningin niya. Nakasuot ito ng kulay asul na long-sleeved polo na tinernuhan ng itim na slacks at leather shoes. Maayos ang pagkakasuklay sa buhok nito.
     “’Buti at gising ka na.”
     “Akala ko iniwan mo na ‘ko. Bakit mo kasi pinapatay ang ilaw? Ayan tuloy tumama ‘yong tuhod ko sa center table.” nakalabing sumbat niya rito.
     Agad na umungklo ito sa harap niya at ininspeksiyon ang kanyang tuhod. Masuyong hinimas nito ‘yon.
     Nailang naman siya sa ginagawa nito kaya pinilit niya itong tumayo. “I’m okay.” muli niyang pinasadahan ito ng tingin. “Ang guwapo mo naman.” puri niya.
     “Thank you.”
     Tiningnan niya ang sarili. Bigla siyang Napangiwi. Pormal na pormal ang suot nito samantalang siya ay nakashorts at T-shirt lang. Chuck taylor lang ang sapin niya sa paa at ang pinakamasaklap pa ay sigurado siyang hindi maayos ang hitsura niya.
     Bigla siyang napayuko. “Excuse me muna ha. CR lang ako.” aniya at dali-daling lumayo dito. Nang makapasok sa banyo ay naghilamos siya at sinuklay niya ang kanyang mahabang buhok. Itinali niya iyon. Ngayon siya nagsisisi na hindi siya nagdala man lang ng kahit face powder para nakapag retouch man lang siya.
     Huminga siya ng malalim bago lumabas ng banyo. Nagulat siya nang makita si Simon sa labas at nakasandal sa dingding na animo hinihintay talaga siya. “You still look pretty. You don’t have to worry.” anito habang nakatingin sa kanya ng deretso.
     Nag-init ang mga pisngi niya at the same time ay kinilig siya sa papuri nito. Bago pa siya makaisip ng sasabihin ay hinawakan na nito ang isang kamay niya at hinila siya pabalik sa kusina. Tumambad sa kanya ang isang single table na may dalawang silya. Nakaayos iyon at may tatlong asul na rosas na nakalagay sa vase sa gitna ng mesa.
     Tiningnan niya si Simon para sana magtanong pero pinigilan siya nito. Iginiya siya nito palapit sa lamesa at inalalayan siyang umupo. Umupo naman ito sa kaibayong silya at ipinagsalin siya ng wine sa baso. Sinenyasan siya nitong simulan na ang pagkain.
     Naiilang man siya dahil nararamdaman niyang nakatingin ito sa kanya ay hindi na lang niya iyon pinansin. Idinaan niya sa pagkain ang lahat ng tensiyon at kabang nararamdaman niya.
     Nasa kalagitnaan sila ng pagkain nang biglang may pumailanlang na malamyos na musika. Kung saan nanggagaling ‘yon ay hindi niya alam. Tumingin siya kay Simon nang hawakan nito ang kamay niya. “May I have this dance?”
     Ilang sandali siyang hindi nakasagot bago nakangiting tumango. Ngayon lang uli niya mararanasan ang maisayaw ng isang lalaki pagkatapos ng maraming taon.
     Inalalayan siya nitong makatayo bago siya nito hinapit sa baywang. Isinandal naman niya ang kanyang ulo sa dibdib nito. Napangiti siya dahil naririnig na niya ang pintig ng puso nito. Mabilis iyon. Pupusta siya na kasimbilis niyon ang tibok ng puso niya na ito rin ang may gawa.
     Pumikit siya at ninamnam ang sarap ng pakiramdam na makulong sa mga bisig ng lalaking mahal niya. Parang ang sarap makulong doon habang-buhay.
     “I love you Monica Lee.” bulong nito sa tapat ng tainga niya kasabay ng paghigpit ng pagkakayakap nito sa kanya.
     “I love you too.”

DAHIL sa sinabi ni Nica ay dagling bumitiw dito si Simon.
     Nakita niya ang pagkaaliw na nagsasayaw sa mga mata nito. Halatang nagpipigil lang itong tumawa. “Sabihin mo nga uli.”
     “Ang alin?” pagmamaang-maangan nito. Kinagat pa nito ang ibabang labi nito para marahil pigilan ang pagtawa. Namumula na ang mukha nito.
     “’Yong sinabi mo. Ulitin mo.”
     “Ayoko nga. Nasabi ko na eh. Kasalanan ko ba kung hindi mo narinig?”
     Hinapit niya ito sa baywang at inilapit ang kanyang mukha dito. “Ulitin mo na. Please. I want to hear you say it again.” pakiusap niya.
     Sandaling hindi ito nakapagsalita kapagkuwan ay bumuntong hininga. “I love you too Simon.” anito sa malambing na tinig.
     Dahil sa sobrang kasiyahang nararamdaman niya ay binuhat niya ito at iniikot-ikot sa ere. Napasigaw ito at pumulupot ang dalawang braso nito sa kanyang leeg. “Ibaba mo ‘ko Simon. Nahihilo ako.”
     Ibinaba niya ito ngunit hindi niya ito tuluyang binitiwan. “Mahal mo na talaga ako?” paniniguro niya.
     “Oo nga. Ang kulit mo.” nakaingos na sagot nito.
     Niyakap niya ito ng mahigpit. Hindi niya masukat ang kaligayahang nararamdaman niya sa mga oras na iyon. Pakiramdam niya ay daig pa niya ang nanalo sa lotto dahil sa wakas ay sinabi na rin ni Nica ang mga katagang matagal na niyang gustong marinig mula rito.
     “Kailan mo pa narealize na mahal mo na ‘ko?”
     “Importante pa ba iyon?”
     “Syempre naman. Gusto kong malaman kung paano ka nainlove sa’kin.”
     “Nakalimutan ko na eh.”
     Binitiwan niya ito at bumalik sa kinauupuan. Narinig niya ang mahinang pagtawa nito bago lumapit sa kanya at hinila ang manggas ng kanyang long-sleeved polo. “Galit ka?”
     Hindi siya sumagot. Nilaro-laro niya ang mga pagkain na nasa plato niya.
     Umungklo ito sa gilid niya at niyakap ang isang braso niya. “Sorry na. Sige na sasabihin ko na. Ikaw naman masyado kang madaling magtampo.” nakalabing anito.
     Tiningnan niya ito at unti-unti sumilay ang isang matamis na ngiti sa kanyang labi. Ang cute nito sa hitsura nito ngayon. Hindi na yata siya magsasawang pagmasdan ang magandang mukha nito.
     Tumayo siya at inalalayan itong makatayo. “Ang cute mo talaga. Para kang bata.”
     Inirapan siya nito. “Ikaw diyan ang parang bata eh. Patampo-tampo pang nalalaman.”
     Inakbayan niya ito bago iginiya papunta sa sala. Umupo sila sa sofa. “O, sige na kuwento na.” udyok niya.
     Itinaas nito ang mga paa at ipinatong sa center table bago isinandig ang ulo sa kanyang balikat. “Una pa lang kitang nakita, crush na talaga kita. Ang guwapo mo naman kasi kaya sino ang hindi magkakagusto sa’yo.
     “Lalo pa kitang nakilala dahil madalas tayong magkasamang lumalabas tapos ang sweet mo sa’kin. Noong una naisip ko na hindi ako dapat magkagusto sa’yo kasi isip-bata ka. Tapos nainis pa ‘ko sa’yo dahil na-offend ako no’ng ayaw mo pumasok sa shop ng mga pocketbooks. Pero hindi rin naman kita natiis dahil hindi natapos ang araw na hindi tayo nagkakabati.
     “Noong kumain tayo ng isaw sa Hepa street, akala ko biro lang iyong sinabi mo na liligawan mo ako. Parang hindi kapani-paniwala eh. Tapos nagulat na lang ako kasi naging extra sweet ka sa’kin. Palagi mo akong pinadadalhan ng kung ano-anong regalo. May flowers pa ang teddy bears. Hindi mo lang alam sobrang kinikilig na ko no’n. I mean, sino ba namang babae ang nasa tamang pag-iisip na hindi kikiligin kapag binigyan ng mga gano’n.
     “And then you said you love me. Nawindang ang mundo ko. Hindi ko inaasahan na sasabihin mo ‘yon sa’kin at sa gitna pa ng masinsinang pag-uusap natin tungkol sa problema mo sa daddy mo. Malay ko ba naman kasi kung natutuwa ka lang sa’kin talaga. Hindi pa rin naman ako sigurado sa nararamdaman ko. Oo nga crush kita pero hindi ko naman puwedeng sabihin na mahal din kita kung ang alam ko ay crush lang ang nararamdaman ko para sa’yo.”
     Habang nagkukuwento ito ay hinahaplos niya ang buhok nito. Ang sarap pakinggan ng boses nito maging ng mga sinasabi nito. No wonder madali nitong nasungkit ang puso niya. Effortless.
     Nag-angat ito ng tingin at nagsalubong ang kanilang mga mata. Nginitian niya ito. Gumanti naman ito ng ngiti. Bumaba sa labi nito ang kanyang tingin.Mamula-mula iyon at parang kay sarap hagkan.
     Bago pa niya mapigilan ang kanyang sarili ay bumaba na ang mukha niya sa mukha nito at pinaglapat niya ang kanilang mga labi.

PARANG kusang nagshut down ang buong sistema ni Nica nang maglapat ang mga labi nila ni Simon.
     Iyon ang unang beses niyang nahalikan at pakiramdam niya ay daan-daang boltahe ang nabuhay sa buong pagkatao niya. Para siyang isang babasaging kristal kung ituring nito. Napakasuyo ng paraan ng pagkakahalik nito sa kanya.
     Nang matapos ang halik na namagitan sa kanila ay nakatingin lang ito sa kanya. Mayamaya ay naramdaman niya ang kamay nito na hinahaplos ang kanyang pisngi. “Ganyan na ba talaga ang nagiging reaksiyon ng mga babae ngayon kapag hinahalikan? Umiiyak?” pagbibiro nito.
     Agad siyang napahawak sa kanyang pisngi dahil sa sinabi nito. Basa nga iyon. Hindi man lang niya namalayan na umiiyak na pala siya. “Sorry.” inilayo niya ang kanyang mukha at siya na ang kusang nagpunas ng mga luha niya.
     “Why are you crying?” nag-aalalang tanong nito.
     “I’m just happy that’s all.”
     “Kung masaya ka bakit ka umiiyak?”
     “Umiiyak ako kasi nga masaya ako.”
     “’Wag ka na umiyak. Ayokong nakikita kang umiiyak eh.” pang-aalo nito sa kanya. Umupo siya ng tuwid nang bigla niyang naalala ang itatanong niya dapat dito. Hinarap niya ito. “Simon...”
     “Hhmmm...”
     “Pa’no kayo nagkabati ng daddy mo?” nag-aalinlangang tanong niya dito.
     Umupo na rin ito ng maayos at isinandal ang sarili sa sandalan ng sofa. “No’ng araw din na ‘yon na kinausap kita, hinintay ko si daddy para kausapin. Muntik pa nga akong umurong dahil kinabahan ako pero pinilit kong lakasan ang loob ko. Hindi dapat ako matakot, iyon ang sabi mo eh.
     “Nang dumating si daddy at bago pa ko mawalan ng lakas ng loob ay pumasok na ko sa kuwarto nila ni mommy. Akala ko nga no’ng una ay itataboy niya ko. Buti na nga lang hindi niya ginawa eh.” bahagya pang natawa ito bago ipinagpatuloy ang pagku-kuwento.
     “Sinabi ko lahat sa kanya kung ano ang nararamdaman ko. Habang nagsasabi ako sa kanya iyon, ikaw ang iniisip ko. Dahil sabi ko naman sa’yo ikaw ang lakas ko para gawin iyon eh. And then, sa pagkagulat ko ay ngumiti si daddy sa’kin. And take note, a genuine one. Tapos sinabi na niya sa’kin ang mga dahilan niya.
     “Gusto niya akong maging matatag. Ayaw niyang lumaki akong mahina. Katulad ng sinabi nina Kuya sa’kin, ginawa rin ni daddy sa kanila ang mga ginawang paninikis ni daddy sa’kin. Siguro raw ay may kasalanan din siya dahil napasobra yata iyong ginawa niya sa’kin. Tapos nag-sorry siya.
     Sinabi ko na rin sa kanya na freelance photographer ako. And then he told me, he’s proud of me. Grabe, kulang na lang ay magtatalon ako sa tuwa nang sabihin niya sa’kin iyon. At last, narinig ko na rin na sinabihan niya akong proud siya sa kung anuman ang naabot ko.” masayang pagkukuwento nito.
     Ipinaloob siya nito sa mga bisig nito at hinimas-himas ang likod niya.
     Isiniksik niya ang kanyang sarili rito. “Simon...”
     “Hmmm...”
     “Masaya ako para sa’yo dahil maayos na kayo ng daddy mo. Masaya rin ako na ikaw ang piniling mahalin ng puso ko. May isa lang akong hihilingin sa’yo.”
     “Ano iyon?”
     “Huwag mo akong sasaktan ha?”
     He chuckled. “Hindi po. I will never do anything that can hurt you.”
     “Promise?”
     “I promise.”
     Ang pangako nitong iyon ang panghahawakan niya at pagkakatiwalaan niya na may magandang bukas na nag-aabang para sa kanilang dalawa.

NAGISING si Nica kinabukasan dahil sa silaw ng liwanag na nanggagaling sa labas ng bintana. Ilang sandal rin ang nakaraan bago niya naimulat ang kanyang mga mata.
     Akmang babangon siya nang maramdaman niya ang isang bagay na nakapulupot sa kanyang bawyang. Ganoon na lang ang pagpipigil niyang mapasinghap nang mapagtanto kung ano iyon. Braso ng isang lalaki. Sisigaw na sana siya kung hindi lang niya nakita ang mukha ng lalaking nakayakap sa kanya. Si Simon. Bigla niyang naalala ang mga nangyari nang nagdaang araw.
     Iyon na siguro ang maituturing niyang pinaka-masayang kaarawan niya sa buong buhay niya. Ipinaramdam nito sa kanya na kahit hindi niya kasama ang kanyang ama sa kasalukuyan ay hindi siya nag-iisa. Ipinaramdam nito sa kanya na maraming taong nagmamahal sa kanya. Napangiti siya. May nobyo na siya. Hindi na siya makapaghintay na masabi sa kanyang ama ang magandang balita.
     Tiyak na matutuwa ito para sa kanya kapag nalaman nitong isa sa mga anak ng matalik nitong kaibigan ang nobyo niya.
     Umayos siya ng pagkakahiga sa tabi ni Simon ‘tsaka ibinalik ang kanyang tingin dito. Pinagmasdan niya ang guwapong mukha nito. Hindi maipagkakaila ng kahit na sino na guwapo talaga ito. Ngunit hindi lang iyon ang kagusto-gusto sa binata. Maalaga ito, mabait, maaalalahanin at malambing. Kahit na minsan ay isip-bata ito kung umakto ay hindi naging hadlang iyon para mahalin niya ito.
     Bago pa niya mapigilan ang kanyang sarili ay umangat na ang kanyang kamay ay hinaplos ang pisngi nito. Mukha itong anghel na natutulog. Her angel.
     Nagmulat ito ng mga mata at agad na tumutok sa kanya ang mga mata nito.
     “Good morning.” nakangiting pagbati niya rito.
     Saglit na natigilan ito. Mayamaya lang ay nginitian na siya nito ng matamis. “Good morning, my princess.” ganting bati nito at ginawaran siya nito ng isang matamis na halik.
     Bumangon na siya at umupo sa kama. “Pa’no tayo nakarating dito?” nagtatakang tanong niya.
     “Binuhat kita. Nakatulog ka na kasi eh. Hindi naman kita magising kasi alam kong pagod ka kaya hinayaan na lang kita na matulog.” paliwanag nito.
     “Eh bakit katabi kita?” nakataas ang isang kilay na tanong niya.
     “Ayaw mong bitiwan ang braso ko eh. Hindi ko na rin namalayan na nakatulog ako.”
     “Wala kang ginawang masama sa’kin?” nagdududang tanong niya rito. Ang totoo ay inaasar lang niya ito. Ang guwapo-guwapo kasi nito kahit na bagong gising.
     Napakamot ito sa ulo. “Gustuhin ko man hindi puwede. I respect you and I want you to be a virgin bride in the future.”
     “Naks naman. Ang keso ni Simon.” patuloy na pang-aasar niya.
     Umismid lang ito bago bumangon at sumandal sa headboard ng kama. “What do you want to do? Umuwi na o magbreakfast muna?”
     “Breakfast muna tayo. Siguro naman may mga stocks ka diyan di ba?”
     Sukat sa sinabi niya ay ngumiwi ito. “Wala akong stocks dito. Hindi naman kasi ako mahilig kumain dito sa unit. Kapag nagkakampo ako dito ay sa labas ako kumakain.”
     Pumalatak siya. “Masyado kang magastos Simon Jimenez.” bumaba siya ng kama at nagtungo sa banyo ngnit bago pa siya makapasok doon ay bigla siyang natigilan. Bumaling siya rito. “May spare ka bang toothbrush?”
     “Mayroon diyan sa loob.” sagot nito habang inaayos ang kama.
     Tumuloy na siya sa loob ng banyo at sinimulang mag-ayos. Nang matapos siya ay ito naman ang pumasok doon. Habang hinihintay niya ito ay nilibot niya ang buong unit. Malaki iyon. May tatlong kuwarto at isang banyo. Very cozy ang loob ng unit ni Simon ngunit mararamdaman doon ang isang homey feeling. Natutok ang kanyang mga mata sa tatlong picture frame na nakapatong sa isang table na nakalagay sa isang bahagi ng sala. Lumapit siya doon para tingnan iyon.
     Ang isang frame ay ang picture nito kasama ang dalawang kapatid nito. Bata pa ang mga ito sa litrato at sa tantiya niya ay nasa sampu hanaggang labing-isang taong gulang lang ang mga ito. Ang isang frame naman ay family picture ng mga ito. Larawan ang mga ito ng isang masayang pamilya. Hindi mahahalata sa litrato na minsang naging malayo ang loob ni Simon sa Daddy nito. Ang huling litrato ang nakapagpagulat sa kanya. Siya iyon Kuha iyon sa bar kung saan kumakanta siya. Halatang stolen shot iyon dahil hindi siya nakatingin sa camera. Nakilala niya ang damit na suot niya. Iyon ang araw na muli nilang nakita ni Renzo si Cola.
     Naramdaman niya ang pagpulupot ng mga braso ni Simon sa baywang niya. Niyakap siya nito mula sa likuran.
     “Bakit meron ka nito?” tanong niyang hindi inaalis ang mga mata sa litrato. Parang may humaplos sa puso niya. Hindi niya napansin ang mga iyon nang nagdaang gabi dahil abala sila sa selebrasyon ng kanyang kaarawan.
     “Tinawagan ako nina Kuya Chris nang gabing iyan. Ang sabi niya sila raw ang naghatid sa’yo sa bar. Hindi mo alam na pinanonood ka naming habang kumakanta ka. Hindi ko napigilan ang sarili kong kuhanan ka ng litrato dahil ang ganda-ganda mo.” nakapatong ang baba nito sa kanyang balikat nang sabihin iyon.
     Hindi niya napigilan ang pagpatak ng luha sa kanyang mga mata. Na-touch siya sa ginawa nito. Humarap siya rito at ginawaran niya ito ng isang matamis na halik sa mga labi. “Thank you loving me Simon.” aniya pagkatapos ng halik.
     Pumalatak ito. “Umiiyak ka na naman. Sabi ko sa’yo ‘wag kang iiyak eh.” reklamo nito. Naglabas ito ng panyo at pinunasan ang kanyang basang pisngi.
     “I can’t help it. Unti-unti ko kasing nakikita ang mga pruweba na mahal na mahal mo ako eh.” sisinghot-singhot na depensa niya.
     “Hindi naman tayo mauubusan ng oras eh. Araw-araw kong ipaparamdam sa’yo kung gaano kita kamahal at rest assured na hindi ako magsasawa, okay?” hinawakan nito ang magkabilang pisngi niya ng mga palad nito.
     Nakangiting tumango siya. Hinawakan nito ang kanyang kamay at iginiya na siya palabas ng unit.
     Napakasaya niya. Pakiramdam niya ay siya na ang pinakamasuwerteng babae sa buong mundo sa mga oras na iyon.
Sana hindi na matapos ‘to.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento