Biyernes, Abril 6, 2012

CHAPTER NINE


NAGING masaya ang mga sumunod na araw sa buhay ni Nica.
     Walang araw na hindi ipinaramdam ni Simon sa kanya kung gaano siya kamahal nito. Kahit na abala ito sa pag-eensayo para sa laban ng koponan nito ay naglalaan pa rin ito ng oras para sa kanya.
     Kapag wala siyang band rehersal ay sumasama siya dito sa training nito at tuwing inaasikaso niya ito ay palagi silang inuulan ng pang-aasar ng mga kaibigan nito. Walang araw na nakaramdam siya ng kalungkutan ngunit hindi niya naiwasan ang makaramdam ng kaba sa hindi pagpaparamdam ng kanyang ama.
     Dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo ito kung tumawag sa kanya ngunit tatlong linggo na ang nakalilipas ay hindi pa rin ito tumatawag uli sa kanya.
     Alam na nito ang tungkol sa kanila ni Simon at hindi naman ito nagalit sa kanya. Pinaalalahanan lang siya nito ng mga dapat at hindi niya dapat gawin. Masaya raw ito para sa kanya at hindi na ito makapaghintay na ipakilala niya si Simon dito bilang nobyo niya.
     Kasalukuyan silang nasa Starbucks kasama ang mga kaibigan niya nang tumunog ang kanyang cellphone. Unregistered number ang nakalitaw sa screen. Sino kaya ang tatawag sa kanya? Sinagot na niya iyon. “Hello?”
     “Hello Ms. Monica.” anang tinig ng isang babae. Kilala niya ang boses nito. Si Aika ito, ang sekretarya ng kanyang ama. Bakit naman ito tatawag sa kanya?
     “Yes Aika?” biglang binundol ng kaba ang dibdib niya. Bakit hindi ang Daddy niya ang tumawag sa kanya? Hindi kaya may nangyaring masama dito kaya hindi ito tumatawag sa kanya nitong mga nakaraang linggo?
     “Ms. Monica nasa hospital po ang daddy ‘nyo. Bigla na lang po siyang nagcollapse---“ hindi na niya narinig ang mga sumunod na sinasabi ni Aika sa kabilang linya dahil nabitiwan niya ang kanyang cellphone.
     Agad naman iyong kinuha ni Renzo nang makita nitong namumutla siya. Ito na ang kumausap sa sekretarya habang ang tatlong kaibigan pa niya ay dinaluhan siya. “Anong nangyari Nica?” nag-aalalang tanong ni Cola na hinimas-himas ang likod niya. Umungklo naman si Choi sa harap niya at hinawakan ang kamay niya. Habang si Terrence ay umupo sa kabilang bahagi ng armrest at hinimas-himas ang braso niya.
     “Si Daddy...” tanging nasabi niya. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Parang tumigil sa pag-function ang utak niya dahil sa balitang natanggap. Ano ang nangyari sa Daddy niya? Bakit ito nasa hospital?
     Nang matapos sa pakikipag-usap si Renzo ay ibinalik nito sa kanya ang kanyang cellphone. “We need to go to Korea, Nica.” sabi nito.
     “Bakit?” nagtatakang tanong ni Choi.
     “Nica’s dad is in the hospital. Bigla na lang daw tumumba si Tito Erick habang nasa meeting noong isang araw. Aika said maybe because of stress or over fatigue. Pansamantala, kailangan nila si Nica para pamahalaan ang kompanya nila.” paliwanag nito sa mga nagtatakang kaibigan nila.
     “I’m coming with you.” ani Cola.
     Tango lang ang naisagot niya. Parang bigla siyang nanghina. Ano ang alam niya sa pagpapatakbo ng isang kompanya? Kakayanin kaya niya?

MASAYANG pumasok si Simon sa loob ng kanilang bahay. May bitbit siyang isang bungkos ng bulaklak para kay Nica. Lahat ng kasambahay nila ay binati niya.
     Agad siyang dumeretso sa silid ni Nica. Naabutan niya itong nag-aayos ng mga gamit nito sa maleta. Kumunot ang noo niya. “What are you doing?”
     Hindi siya pinansin nito bagkus ay ipinagpatuloy lang ang ginagawa. Inilapag niya sa paanan ng kama ang mga bulaklak at nilapitan ito. Parang wala ito sa sarili at tila walang naririnig. Nang akmang tatalikod ito ay hinawakan niya ang isang braso nito upang pigilan ito. Noon ito tumingin sa kanya. Wala siyang mabasang emosyon sa mga mata nito. Tila ibang tao ang nasa harap niya.
     Bahagya niyang niyugyog ang magkabilang balikat nito. “Nica.”
     Tila ngayon lang siya nakita nito. Tiningnan siya nito sa mga mata at sa pagkagulat niya ay bigla na lang siya nitong niyakap at nagsimulang humagulgol. Nagpanic siya. Iyon ang unang beses na nakita niya sa ganoong ayos ang nobya niya at hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin.
     Niyakap niya ito ng mahigpit. Baka sakaling makatulong iyon upang mapayapa ang pakiramdam nito. Mahabang sandali ang lumipas bago ito tumigil sa pag-iyak. Inalalayan niya itong maupo sa gilid ng kama bago umungklo sa harap nito. Hinawakan niya ito sa baba at inangat ang mukha para makita niya ang mga mata nito. “What happened?” nag-aalalang tanong niya rito.
     “Si Daddy... Si Daddy... Si Daddy...”
     “Anong nangyari sa Daddy mo?” hinawakan niya ng mahigpit ang dalawang kamay nito. “Huminga ka muna ng malalim Nica. Pagkatapos ay sabihin mo sa’kin kung ano ang nangyayari.”
     Humugot ito ng malalim na hininga bago nag-umpisang magsalita. “Si Daddy nasa hospital. Nag-collapse daw siya sa habang nasa meeting. Gusto ng board na ako ang pansamantalang pumalit sa puwesto ni Daddy bilang presidente ng kompanya.” tinitigan siya nito ng deretso sa mata. “Simon ano ang alam ko sa pagpapatakbo ng kompanya? Hindi naman ako management graduate. Baka nang dahil sa’kin ay bumagsak ang kompanya ni Daddy. Simon hindi ko kaya.” napaiyak uli ito.
     Huminga siya ng malalim. Naiintindihan niya ang nararamdaman nito. Hindi madali ang kasalukuyang pinagdaraanan nito ngayon. Alam niya kung gaano kamahal ni Nica ang ama nito at alam niyang lahat ay gagawin nito para sa ama. Ngunit iba ang sitwasyon ngayon. Hinihiling dito na ito ang tumayong presidente ng kompanya ng ama nito. Nag-iisang anak lang ito kaya wala itong ibang choice kundi ang gawin ang responsibilidad nito.
     “Nica isipin mo na lang ang Daddy mo. Ang sabi mo nga nasa ospital siya ngayon. Kung ikaw ang napili ng board na mamahala pansamantala ng kompanya n’yo, ang ibig sabihin lang niyon ay may tiwala sila sa’yo. Tiwala silang maayos mong magagampanan ang tungkulin mo habang nagpapagaling ang Daddy mo.” pangongonsola niya rito. “Alam kong hindi madali ang gagawin mo pero dapat mo iyong kayanin. I’m sure hindi ka naman pababayaan ng board. Madaming aalalay sa’yo doon.”
     “Hindi ko alam Simon. Basta ang alam ko lang ay gusto kong makita ang Daddy ko. Gusto kong matiyak na maayos siya. Uuwi ako ng Korea ngayon. Nagpabook na ng ticket si Renz at mamaya na ang flight ko.” malungkot na sabi nitong hindi makatingin sa kanya.
     Nakaramdam rin siya ng ibayong kalungkutan nang maisip ang nais nitong iparating. Nagsisimula pa lang sila bilang magnobyo pero may problema na agad na dumating. Ngunit wala siyang magagawa dahil kailangan ito ng ama nito. Ayaw man niyang umalis ito ay kailangan.
     Huminga siya ng malalim. “It’s okay Nica. Everything will be alright. Babalik ka pa naman dito di ba? ‘Tsaka tatawagan kita from time to time kapag nasa Korea ka na.” pangongonsola niya rito.
     Nang muli itong tumingin sa kanya ay may nakita pa rin siyang pag-aalinlangan doon. “Don’t worry, hindi ako titingin sa ibang babae habang wala ka. I’ll remain faithful to you. Takot ko lang sa mga kakampi mo kapag nagloko ako. I promise I will be a good boy.” sinadya niyang magbiro upang pagaanin ang loob nito. At sa tingin niya ay nagtagumapay naman siya nang ngumiti ito.
     “Mag-iingat ka Simon ha? Tatawagan mo ‘ko palagi.” malambing na sabi nito sa kanya. Muling pumatak ang mga luha sa mata nito.
     Tatawa-tawang pinahid niya ang mga iyon. “Ikaw dapat ang mag-iingat kasi wala ako doon para protektahan ka. ‘Wag ko lang malalaman na may mga lalaking umaali-aligid sa’yo do’n kundi ako mismo ang susunod sa’yo at iuuwi kita dito.”
     Sa wakas ay tumawa na rin ito. Niyakap siya nito ng mahigpit.
     He’ll definitely miss her.

HINAWAKAN ni Nica ang kanyang batok at hinilot iyon. Alas-nuwebe na ng gabi pero hindi pa rin siya tapos sa mga ginagawa niya.
     Isang buwan na ang nakalilipas nang bumalik siya ng Korea kasama sina Renzo at Cola. Hindi siya iniwan ng mga ito. Nakaalalay ang mga ito sa kanya. Ang mga ito rin ang tumutulong sa kanyang mag-alaga sa Daddy niya. Nakalabas na ng ospital ang kanyang ama dalawang araw na ang nakalilipas. Ang sabi ng doctor nito ay kailangan nito ng ibayong pahinga para bumalik ang lahat ng lakas nito.
     Tinutulungan siya ng mga kaibigan ng kanyang ama sa board kapag may hindi siya maintindihan at kapag nalilito siya sa mga dapat niyang gawin. Hindi rin siya pinabayaan ni Aika. Ito pa ang nagpapaalala sa kanya kapag nakakalimutan niyang kumain at kapag masyado siyang nakasubsob sa trabaho.
     Ngayon lang niya narealize kung gaano kahirap ang trabaho ng kanyang ama. Siguro ay masyado nitong itinuon ang mga oras nito sa trabaho kaya bumigay ang katawan nito. No wonder maraming nagmamahal sa kanyang ama sa kompanyang iyon. Palaging dumadalaw ang mga ito sa bahay nila at base sa kuwento sa kanya ni Aika ay hindi lang mga empleyado ang turing ng Daddy niya sa mga ito kundi mga kaibigan at mga anak na rin. Kaya naman sinikap niyang mapalapit sa mga taong malapit sa kanyang ama. Sanay naman siyang maging ordinaryong tao kaya hindi siya nahirapan sa pakikisalo sa mga ito.
     Hindi naman pumapalya si Simon sa pagtawag sa kanya. Kinokonsulta rin niya ito tungkol sa mga trabaho niya at nagbibigay ito ng mga opinyon at suggestions sa kanya. Hindi rin ito pumapalya sa panenermon sa kanya kapag nalaman nitong nagpapalipas siya ng gutom at kulang siya sa pahinga.
     Minsan naman ay pinapadalhan siya nito ng teddy bears at mga bulaklak na ipinapadaan diumano nito kay Renzo. Mukhang sa wakas ay tanggap na ni Renzo si Simon bilang nobyo niya at magkasundong-magkasundo na ang mga ito. Naging magkakampi rin ito laban sa kanya. Minsan ay nadudulas si Simon na si Renzo ang nagsasabi rito ng mga ginagawa niya.
     Pasok sa isang tainga at labas sa kabila. Ganoon na lamang ang ginagawa niya dahil hindi rin naman niya mapipigilan ang mga ito sa panenermon sa kanya.
     Nang tumingin siya sa kalendaryo sa gilid ng lamesa niya ay napabuntong hininga siya. Dalawang linggo na lang ay laban na ng Red Phoenix. Nangako siya kay Simon na sisikapin niyang makauwi sa araw ng laban nito upang mapanood niya ito.
     Napatingin siya sa pintuan nang bumukas iyon at sumungaw ang mukha ni Aika. “Are you ready?” nakangiting tanong nito sa kanya.
     Bumuntong hininga muna siya bago siya tumango. May dinner date siya kasama ang mga board members para sa isang meeting nang gabing iyon.
     Nag-ayos na siya ‘tsaka tumayo at lumabas ng opisina.
“Everything will be alright. You can do it.” iyon ang palagi niyang sinasabi sa kanyang sarili bago umpisahan ang mga dapat niyang gawin. At iyon ang paulit-ulit niyang sasabihin sa kanyang sarili sa mga susunod pang araw.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento