MAGANDA ang gising ni
Nica nang umagang iyon.
Nagpunta sila ng Tagaytay nang nagdaang
araw at kasama niya ang kanyang mga kaibigan. Ang usapan nila ni Renzo ay tatlo
lang silang aalis pero nagulat na lang sila nang sabihin nina Terrence at Choi
na sasama ang mga ito. Hindi umubra ang pagtutol nila dahil ang katwiran ng mga
ito ay ayaw lang ng mga itong ma-out of place siya. Alam niyang gusto lang
makiusyoso ng mga ito sa namumuong love life ni Renzo kaya hindi na siya
tumutol.
Mahigit isang linggo na nang muli nilang
makita si Cola sa bar ni Choi. Simula nang araw na iyon ay hindi na sila
mapaghiwalay na lima. Araw-araw silang magkakasama sa kung saan-saang lugar.
Pinupunan nila ang mga taon na hindi sila nagkita-kita at nagsasama-sama.
Masaya naman siya na sa wakas ay kompleto
na uli silang lima at sa pagkakataong iyon ay nangako silang hinding-hindi na
sila magkakahiwa-hiwalay pa.
Ayaw pa sana niyang bumangon ngunit
narinig niya ang pagkatok sa pinto ng kanyang silid. Binuksan niya ang pinto at
bumungad sa kanya ang nakangiting mukha ni Simon na may dala-dalang isang tray
ng pagkain. Bukod sa pagkain ay may maliit na vase na may lamang bulaklak ang
nakalagay sa tray.
“Breakfast in bed.” itinaas pa nito ang
tray.
Nakangiting niluwagan niya ang
pagkakabukas ng pinto para makapasok ito. Dalawang linggo na ang nakalilipas
nang sabihin nito sa kanyang mahal siya nito. Hindi sila masyadong nagkakasama
pagkatapos no’n dahil abala ito sa training nito. May laban ang koponan nito sa
susunod na buwan kaya puspusan ang ginagawang page-ensayo ng mga ito.
Ngunit kahit na abala ito ay hindi naman
pumapalya ito sa pagpapadala sa kanya ng mga bulaklak at kung ano-anong regalo.
Kulang na nga lang yata ay bilhin nito ang buong shop na pinagbibilhan nito ng
mga teddy bears. Nalaman lang nito ang pagkakagusto niya sa mga teddy bears
nang minsang magpadala ang kanyang ama ng package sa kanya. Dalawang malalaking
teddy bears iyon at tatlong dosenang kulay asul na mga rosas. Paborito niya ang
kulay asul kaya naman kapag binibigyan siya ng kahit anong bagay ng Daddy niya
ay puro kulay asul iyon.
Nagbalik sa kasalukuyang ang kanyang isip
nang maramdaman niya ang mainit na kamay ni Simon na humawak sa kanyang kamay.
Hinila siya nito at pinaupo sa gilid ng kama. “Saan na naman kayang planeta
lumilipad ang utak mo?” pang-aasar nito sa kanya.
Tiningnan niya ang nakangiting mukha nito.
Napagtanto niyang namiss niya ito ng sobra at parang gusto niya itong yakapin
ng mahigpit ngayon pero pinigilan niya ang kanyang sarili. Baka kung ano pa ang
isipin nito kapag ginawa niya iyon.
“Sa planet Venus.” pagsakay niya sa
pang-aasar nito.
Tumayo ito at lumipat sa tabi niya. Bigla
siyang napatayo. Hindi pa siya naghihilamos at nagmumumog. Alam niyang hindi
kaaya-aya ang hitsura niya kapag bagong gising siya. “’Wag kang lalapit sa’kin.
Hindi pa ko naghihilamos at nagmumumog.”
Natawa ito ng malakas bago siya hinila
pabalik sa tabi nito. “Ano naman ngayon kung hindi ka pa nagmumumog at
naghihilamos? Maganda ka pa rin naman eh.”
“Mabaho pa ang hininga ko. ‘Wag kang
magulo. Sandali lang.” aniya at walang sabi-sabing tumayo at tumakbo papasok sa
banyo. Mabilis ang ginawa niyang pagsisipilyo at paghihilamos. Itinali rin niya
ang kanyang buhok bago siya lumabas at lumapit dito. Sumampa siya sa kama at
inunahan na niya ito sa akma nitong pagsisilbi sa kanya.
“Mas maganda ka kapag bagong gising.” sabi
nito habang nakatingin ng mataman sa kanya.
Nag-init ang kanyang pisngi dahil sa
sinabi nito at sa paraan ng pagkakatingin nito sa kanya. Mayabang siya alam
niya iyon. Palagi niyang sinasabi sa mga kaibigan niya na cute at maganda siya
pero bakit kapag ito na ang nagsasabi ay parang umuurong ang kayabangan niya.
Lumuwang ang pagkakangiti nito. “You’re
blushing.” puna nito sa namamanghang tinig.
Hinawakan niya ang kanyang magkabilang
pisngi. Maputi siya kaya alam niyang madaling mapansin kapag namumula ang
kanyang mga pisngi. Nakakahiya at nakita pa nito iyon.
Natatawang pinisil nito ang pisngi niya.
“Kumain ka na.” utos nito.
Wala sa loob na sumunod siya. Pinapanood
lang siya nito habang kumakain siya. Naiilang man ay hindi na lang niya ito
pinansin. Nang matapos siyang kumain ay tumayo na ito at binitbit ang tray.
“Maligo ka na. Isasama kita sa unit ko.”
“Bakit?” nagtatakang tanong niya.
“Basta.” iyon lang at akmang lalabas na ng
kanyang silid bitbit ang tray na pinaglagyan nga mga pagkain nang pigilan niya
ito sa braso. “Kumusta na ang pakikipag-usap mo sa daddy mo?” naalala niyang
itanong dito.
Nginitian lang siya at kinindatan bago
marahang inalis ang kamay niyang nakahawak sa braso nito. Nagpatuloy ito sa
paglalakad palabas ng kuwarto niya.
Nagtataka man siya ay ipinagkibit-balikat
na lang niya iyon. Iyon ang unang pagkakataon na makakapunta siya sa condo unit
ni Simon at nakaramdam siya ng excitement dahil do’n. Naligo na siya at
nag-ayos. Naglagay siya ng light make-up at itinali niya ng maayos ang kanyang
mahabang buhok. Sa dalawampu’t-limang taon niya sa mundo ay noon lang siya
nagpaganda ng husto para sa isang lalaki. Hindi niya naging ugali ang
magpa-cute sa kahit na kaninong lalaking makakasalamuha niya.
Masuwerte na ang mga ito kapag nakarinig
ang mga ito ng kahit anong papuri galing sa kanya. Ayaw niya kasi sa mga
lalaking masyadong bilib sa sarili at ang akala ay ang mga ito na ang mga
pinaka-gwapong lalaki sa buong mundo.
Bago sumapit ang tanghalian ay narating
nila ang building kung saan naroroon ang unit nito. Nasa ikalabing-limang
palapag ‘yon. Bago sila pumasok sa loob ay tinakpan nito ng panyo ang mga mata
niya. Tinangka niyang pigilan ito ngunit tinampal nito ang kanyang kamay. Hindi
na siya tumutol kahit na hindi siya komportable sa pagkakatakip sa mga mata
niya.
Nang mabuksan nito ang pinto ay hinawakan
siya nito sa magkabilang balikat at inutusang maglakad. Muntik pa siyang
matalisod, mabuti na lang ay naalalayan agad siya ni Simon. Kung kanina ay sa
mga balikat lang nakaalalay ito sa kanya, ngayon ay nasa baywang na ang isang
kamay nito.
Naiilang man ay hindi na lang niya
pinahalata ‘yon. Mas kailangan niya ng mag-aalalay sa kanya upang hindi siya
madisgrasya. Tuloy-tuloy lang siyang naglakad. Huminto siya sa paglalakad ng
dumiin ang kamay ni Simon na nasa balikat niya. Binulungan siya nito na umupo
at nang makaupo na siya ay naramdaman niyang lumayo ito sa kanya.
Naramdaman niyang kinakalas nito ang
pagkakatali ng piring niya. “Open your eyes, baby.” bulong nito nang sa wakas
ay maalis ang panyong nakatakip sa mga mata niya.
“HAPPY BIRTHDAY!”
GULAT na nakamaang
lamang si Nica sa lahat ng taong nasa kanyang harap.
Hindi niya alam kung paano magre-react sa
dami ng taong nakikita niya sa mga oras na ‘yon. Hindi niya inaasahan ang
sorpresang nag-aabang sa kanya. Nang sumapit ang alas-dose ng hatinggabi ay
tinawagan siya ng kanyang ama upang batiin. Halos tatlong oras din niyang
kakuwentuhan ito. Nagsermunan pa silang dalawa na animo magka-edad lamang sila.
Nangako ito sa kanya na kapag hindi na ito
busy ay dadalawin siya nito sa Pilipinas. Binilinan pa siya nito na sumunod sa
lahat ng sinasabi nina Renzo upang hindi siya mapahamak. Tinatawanan lang niya
ang mga sinasabi ng kanyang ama sa kanya.
Isa-isang lumapit sa kanya ang kanyang mga
bisita. Kumpleto ang kanyang mga kaibigan na nandoon. Nagulat pa siya nang
makitang kasama ni Terrence si Jam. Nandoon din ang buong pamilya ni Simon
kabilang ang ama at ina nito. Maging ang mga kaibigan nito na naging mga
kaibigan na rin niya ay present sa selebrasyon. Kanya-kanyang abot ang mga ito
ng regalo sa kanya at hindi na niya malaman kung sino ang una niyang titingnan
dahil sabay-sabay kung magsalita ang mga ito.
Natahimik lang ang mga ito nang sabihin ni
Simon na kumain muna sila ng tanghalian bago ituloy ng mga ito ang pangungulit
sa kanya. Napangiti siya ng maluwang nang lumapit sa kanya si Kero. Hindi siya
nito hiniwalayan kahit na pilit na pinapaalis ito ni Simon sa tabi niya. Parang
biglang nagkaroon ng silent war sa pagitan ng mga ito. Lihim na lang siyang
natatawa dahil pati ang sampung taong gulang na bata ay pinapatulan ni Simon
para hindi maagaw ang kanyang atensyon. Feeling prinsesa na ang drama niya
dahil sa pag-aasikaso ni Simon sa kanya. Kulang na lang ay subuan na rin siya
nito.
Masaya ang kinalabasan ng selebrasyon na
napag-alaman niyang pinlanong lahat ni Simon. Ayon kay Tito Manny ay pasimple
pa raw na tinanong ni Simon dito kung kailan ang kanyang kaarawan at hiningi
ang tulong nito para ihanda ang sorpresang iyon. Hindi niya alam kung paano
nagkaayos sina Simon at Tito Manny. Hindi naman sinabi sa kanya ng binata na
kinausap na nito ang ama nito. Pero kahit na gano’n ang nangyari ay masaya siya
para dito. Sa wakas ay hindi na ito maiinggit at malulungkot kapag naiisip nito
na baka hindi magustuhan ng daddy nito ang mga ginagawa nito. May oras pa naman
para sabihan niya si Simon na ikuwento sa kanya ang pinag-usapan nito at ng
daddy nito.
Her heart melt. She felt so special by
what Simon’s been doing for her this past few weeks. Given that he’s very busy
with his team’s training, he’s exerting so much effort to make her happy every
day.
Right there and then, nasiguro na
niya sa sarili niya na mahal na mahal na nga niya ang binata at handa na niyang
aminin iyon dito. Kapag napag-solo sila at binuksan nito ang paksa ng
panliligaw nito sa kanya ay sasagutin na niya ito. Napangiti siya sa naisip.
“A penny for you thought?” anang isang
tinig na nakapagpabalik sa kanyang naglalakbay na isip. Nalingunan niya si
James na nakatunghay sa kanya. May dala itong dalawang baso ng wine. Umupo ito
sa tabi niya at iniabot sa kanya ang isang baso.
“Thank you James.” nakangiting pasasalamat
niya.
“So, anong iniisip mo at ang lapad ng
pagkakangiti mo?” nasa tinig nito ang panunudyo.
Nagkibit balikat lamang siya. “Wala naman.
Masaya lang ako kasi ito ang unang beses kong nag-celebrate ng birthday dito sa
Pilipinas tapos surprise pa. Hindi ko talaga ‘to inaasahan.”
Ginulo nito ang buhok niya. “You should
thank Simon for this special birthday celebration he prepared for you.”
suhestiyon nito. “You’re lucky dahil kahit minsan hindi pa niya ginawa ‘to sa
kahit na sinong babaeng naugnay sa kanya. You must be very special.”
“Maybe I am.” sagot naman niya at sabay pa
silang natawa.
“Hey you two.” singit ni Simon na umupo sa
tabi niya. Inakbayan siya nito at tiningnan si James. “Anong pinag-uusapan
n’yo?” tanong nito.
“Wala naman pare. I’m just telling her
that she’s very lucky.”
“Lucky because?” may pagtataka sa tono na
tanong ni Simon.
Ngiti lang ang naging sagot ni James dito.
Nagpaalam na ito na iiwan muna sila para kumuha pa ng wine. Hinarap siya ni
Simon. “Bakit ka masuwerte? Ano ba talaga ang pinag-uusapan ninyo?” pangungulit
nito.
Kinurot niya ito sa pisngi. “Wala po. Ikaw
talaga nagiging tsismoso ka.” pagbibiro niya kapagkuwan ay isinandig niya ang
kanyang ulo sa balikat nito. “Thank you Simon.” sinserong paghingi niya ng
pasasalamat.
“Don’t thank me yet. Hindi pa tapos ang
surprise ko sa’yo eh.” malapad ang ngiting sagot nito.
Kumunot ang kanyang noo. “Mayroon pa?”
Makahulugang ngiti lang ang isinagot nito
at hinalikan siya sa sentido bago siya iniwan. Siya namang paglapit nina Renzo
at Cola at pinaggitnaan pa siya.
“What’s that all about?” tanong agad ni
Renzo.
“What?” pagmamaang-maangan niya. Malamang
ay nakita ng mga ito ang ginawang pag-akbay at paghalik sa kanya ni Simon at
uusisain siya ng mga ito.
Hinila siya ng mga ito patayo at dinala sa
verandah ng unit ng binata. “Nakita namin nang halikan ka ni Simon. Anong ibig
sabihin no’n?” tanong ni Cola.
“Nanliligaw ba siya sa’yo? Sinagot mo na
ba siya? Kailan pa naging kayo? May nangyari na ba sa inyo? I swear Monica Lee
pipilipitin ko iyang leeg mo kapag nagkamali ka ng sagot.”
Natawa siya ng malakas sa mga tanong ni
Renzo. Wala siyang naikukuwento rito tungkol sa panliligaw sa kanya ni Simon
dahil humahanap pa siya ng tamang tiyempo. At dahil na-corner na siya ng mga
ito ay wala na siyang magagawa kundi umamin.
“He’s courting me.” simpleng sagot niya.
“And?” tanong ni Cola. Bahagya siyang
niyugyog nito. “’Wag mo kaming bitining babae ka. Itatapon ka namin pabalik ng
Korea.” banta nito.
“He’s courting me. Hindi ko pa naman siya
sinasagot but I’m planning to kapag na-open niya ang tungkol doon.”
Impit na tumili si Cola samantalang si
Renzo ay mukhang hindi alam kung ano ang gagawin sa kanya. Naiintindihan niya
ang nararamdaman nito. Concern lang ito sa kanya at normal lang na maging
protective ito pagdating sa kanya dahil ipinagkatiwala siya ng kanyang ama
dito.
“Sigurado ka na ba diyan sa desisyon mo?”
nanlulumong tanong ni Renzo. Mukhang naisip na nito na wala na itong magagawa
kung buo na ang kanyang desisyon. Gano’n naman ito kahit noon pa. Kung saan
siya masaya ay sinusuportahan siya nito.
Sunod-sunod na tango ang sinagot niya
dito. Yumakap siya sa braso nito. “Don’t worry about me Renz. I’ll assure you
na magiging okay lang ako.” pagbibigay assurance niya.
Mukhang iyon lang naman ang hinihintay nito
dahil sa wakas ay ngumiti na rin ito. “I’m happy that you’ve finally found
someone who would take care of you. Alam mo naman na mahal na mahal kita kaya
normal lang ang naging reaksiyon ko kanina.”
“Kuya na kuya nga ang dating mo eh.”
pang-aasar ni Cola rito.
Hinila nito si Cola gamit ang libreng
kamay nito at niyakap silang dalawa ng mahigpit. “I just want what’s best for
the two of you.” madamdaming pahayag nito. “Hindi n’yo maaalis sa’kin ‘yon.”
“I know.” sabay na sagot nila at gumanti ng
yakap. “We love you too Renz.”
“Oy, anong drama ‘yan?” anang boses nina
Terrence at Choi na nakita niyang palapit sa kanila.
Binitiwan na sila ni Renzo ngunit hindi
ito lumayo. Nakaakbay ang magkabilang braso nito sa kanila ni Cola. “Wala naman.
Bonding moments with my two princesses.” nakangiting tugon nito.
“I didn’t know na madrama ka rin pala
Lawrenzo.” pang-aasar ni Terrence dito.
Tumawa lang sila ng sumimangot si Renzo.
Ayaw nitong may nakakakita sa soft side nito bukod sa kanilang dalawa ni Cola
at sa mga magulang nito. Panira raw iyon ng image ayon na rin dito.
“Happy Birthday Nica.” bati nina Choi at
Terrence sa masuyong tinig.
“Thank you Kuya Choi, Terrence.”
nakangiting sagot niya. Naiiyak na siya. She felt so loved. Ngayon lang uli
niya naramdaman iyon pagkatapos ng ilang taon. Nang mamatay kasi ang lola niya,
pakiramdam niya ay nabawasan ang mga taong nagmamahal sa kanya. Ganoon din ang
naramdaman niya nang mawala ang kanyang ina. Ngunit ngayon, pakiramdam niya ay siya
na ang pinakamasuwerteng tao sa mundo dahil sa dami ng nagmamahal sa kanya.
“Iiyak na iyan. Iiyak na iyan.” tudyo ni
Cola.
Lumabi siya. Hindi na niya mapigilan ang
pag-alpas ng kanyang mga luha sa labis na kaligayahan. “Hindi kaya. Hindi ako
iyakin ‘no.” aniya sa matigas na tinig ngunit pumiyok pa rin siya.
Natatawang niyakap siya ng mga ito. Iyon
na yata ang pinakamasayang birthday niya sa buong buhay niya. Bigla niyang
nahiling niya na sana ay kasama niya ang kanyang ama para mabuo na ang kanyang
kaligayahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento