Biyernes, Abril 6, 2012

CHAPTER FIVE


KANINA pa gustong ibato ni Simon ang bola ng football sa puwesto ni Nica habang tinitingnan niya itong kausap si James.
     Hindi siya ang tipo ng taong madaling mainis o magalit pero pagdating kay Nica ay nag-iiba siya. Para siyang isang aso na handang manlapa ng kahit sino nang mga oras na ‘yon. Mukhang nag-eenjoy ang mga itong kausap ang isa’t-isa dahil ngumingiti at nagtatawanan pa ang mga ito.
     Napalingon siya sa kanyang likuran nang maramdaman niyang may tumapik sa balikat niya. Ang nakangising mukha ni Neil ang nabungaran niya. Sa lapad ng pagkakangisi nito ay parang alam na niya kung ano ang sasabihin nito at hindi nga siya nagkamali. “Hindi masamang magselos.”
     Tiningnan niya ito ng matalim. Siya nagseselos? Kanino? Kay James? Bakit naman siya magseselos? Hindi pa niya nararanasan ang magselos kahit sa ibang mga naging karelasyon niya kaya bakit siya magseselos sa nakikita niyang pag-uusap ng dalawa?
     Tulad ng inaasahan niya, hindi man lang naapektuhan si Neil ng tingin niya bagkus ay tinawanan pa siya nito bago lumakad palayo sa kanya. Muli niyang sinulyapan ang mga nag-uusap at muntik na siyang tumakbo papunta sa mga ito nang hawakan ni James ang kamay ng dalaga.
     Huminga siya ng malalim bago ibinalik ang kanyang pansin sa pagwa-warm up. Pilit niyang inalis sa kanyang isip ang presensya ng mga nagpapainit ng kanyang ulo. Binuhos niya ang kanyang buong atensiyon sa kanyang ginagawa. Hindi siya nagseselos at hindi siya magseselos dahil lang sa pakikipag-usap ni Nica sa ibang lalaki.
     Pagkatapos ng training ay muli siyang tumingin sa kinaroroonan ng dalaga ngunit wala na ito doon. Luminga-linga siya sa paligid pero hindi niya ito nakita. Kumunot ang kanyang noo. Saan naman kaya ito sumuot at bigla na lang nawala?
     Kasabay ang kanyang mga kaibigan ay naglakad na sila papunta sa locker room para mag-shower at magpalit ng damit. Kinuha niya sa kanyang bag ang cellphone niya at agad na tinawagan niya ang dalaga.
     “Nasa’n ka?” bungad niya nang sagutin nito ang tawag niya.
     “Nasa labas lang kumakain ng turo-turo.”
     Kumunot ang noo niya. “Turo-turo? Sinong kasama mo? Kailan ka pa natutong kumain niyan?”
     “Kasama ko si James at si Kero. Naiinip na kasi ako diyan kaya sumama ako sa kanila. Tinuruan nila akong kumain ng mga isaw at kung ano-ano pa.” halata sa boses nito ang katuwaan sa bagong experience na naranasan nito kasama si James at ang bunsong kapatid nito.
     Lalo siyang nainis. Hindi na din niya alam kung kanino siya mas naiinis. Kay Nica ba na sumama sa ibang lalaki kahit na siya ang dapat na kasama nito o sa sarili niya dahil hindi man lang niya napansin na wala na ang babae sa paligid?
     “Bumalik ka na dito.” malamig ang tinig na sabi niya pagkatapos ay pinindot na niya ang End Call button. Basta na lang niya nilapag ang kanyang cellphone sa ibabaw ng kanyang bag at dumeretso na sa shower room. Hindi na niya pinansin ang kakaibang tingin sa kanya ng mga teammates niya.
     Paglabas niya ng shower room ay naabutan niya si Nica na may kausap sa cellphone nito. Nilapitan niya ito at tinapik sa balikat para ipaalam ang kanyang presensya. Lumingon naman agad ito sa kanya at sumenyas na tatapusin lang nito ang pakikipag-usap. Pagkatapos nitong makipag-usap ay nilingon na siya nito. “Tapos ka na?” nakangiting tanong nito.
     Tango lang ang isinagot niya dito pagkatapos ay naglakad na siya papunta sa kinapaparadahan ng kanyang sasakyan. Nararamdaman niya na nakasunod ito sa kanya ngunit hindi niya ito nilingon man lang. Bago sila makasakay sa kotse ay may tumawag sa pangalan ng dalaga. Nang lingunin nila kung sino ‘yon ay nakita nila si Kero na tumatakbo palapit sa kanila.
     “Ate Nica uuwi ka na po?” tanong nito na habol pa ang hininga.
     Tumalungko si Nica para magkapantay ang mga ito at kinurot sa pisngi ang batang lalaki. “Siguro. Mukhang pagod si Kuya Simon kasi masungit.” halos pabulong lang ang pagkakasabi nito niyon pero umabot naman sa pandinig niya.
     Bumungisngis ang bata bago siya sinulyapan. Nang makita nito na nakatingin siya sa mga ito ay may kung anong ibinulong ito sa dalaga. Binalingan siya ng dalaga ‘tsaka siya nginitian. Saglit niyang nahigit ang kanyang hininga. Ayun na naman ang napakagandang ngiti nito. Parang bulang naglaho ang lahat ng sama ng loob at inis na nararamdaman niya dahil lang sa nasilayan niyang ngiti nito sa kanya. Pakiramdam niya nang mga sandaling iyon ay ekslusibo ang ngiting iginawad nito para lang sa kanya.
     Ginulo nito ang buhok ni Kero kapagkuwan ay tumayo na. “Aalis na kami ha. Kita ulit tayo next time. Binigay ko naman sa’yo ang number ko kaya text mo lang ako, okay?” bilin nito.
     Tumango ang bata ‘tsaka sinenyasan ang dalaga na yumuko. Mukhang alam na ng dalaga kung ano ang gusto ng bata kaya ito na ang nag-angat ng mukha ni Kero ‘tsaka ito hinalikan ni Nica sa pisngi.
     Nakangiting tumakbo palayo sa kanila si Kero habang kumakaway pa. Ginantihan naman ni Nica ng kaway ang bata. Nauna na siyang sumakay sa kotse at binuhay ang makina. Nang makapasok ito ay nilingon niya ito. “Nagugtom ka?” tanong niya dito.
     “Medyo pa.” nakangiti namang sagot nito.
     “Saan mo gustong kumain?”
     Hindi ito sumagot kaya nilingon niya ito. Tila nag-aatubili itong magsalita. Kumunot ang noo niya. “May problema ba?”
     Umiling ito. “Pwedeng magrequest?” pabulong na tanong nito.
     Hindi siya sumagot bagkus ay tiningnan niya ito para iparating dito na ituloy lang nito ang gusto nitong sabihin.
     Tagilid ang naging ngiti nito bago nagkamot ng ulo. “Bili tayo ng madami pang isaw.” halatang nahihiyang sagot nito.
     Ilang sandali din niyang tinitigan ito bago siya natawa ng malakas. Halata kasing hindi nito alam kung paano sasabihin sa kanya ang gusto nitong gawin. Inabot niya ang kamay nito at pinisil iyon. “Okay lang. ‘Yon lang ba ang gusto mong kainin?” natatawa pa ring tanong niya. Naa-amuse siya dito. Sa lahat ng mga babaeng nakasama na niya ay ito pa lang ang umungot sa kanya ng isaw. Imbes na sa mga mamahaling restaurant ito magyaya ay sa mga turo-turo pa ito nagyaya of all places.
     Lumabi ito bago tumango.
     “Bakit nanghahaba ang nguso mo?”
     “Pinagtatawanan mo kasi ako eh.”
     “Hindi kaya.” tumikhim siya bago inayos ang sarili.
     Nilingon siya nito. Nananatiling nakasimangot ito. “Natatawa ka eh.”
     Umiling siya pagkatapos ay pinisil niya ang pisngi nito. “Ang cute mo talaga. Smile ka na, kakain na nga tayo ng isaw eh. Adik.” pang-aasar niya dito.
     Hinampas siya nito sa braso. Mukhang hindi pa ito nakuntento dahil mayamaya ay kinukurot-kurot na nito iyon. “Wow, muscles.” biglang sabi nitong patuloy sa pagkurot sa kanyang braso.
     Tinawanan lang niya ito. Hindi na bago sa kanya ang gano’ng reaksiyon. Madami ang namamangha sa ganda ng katawan niya. Ayon sa mga ito ay hindi halata na may itinatago pala siyang mga bato sa katawan.
     Hinayaan lang niyang panggigilan ni Nica ang kanyang braso habang papunta sila sa lugar kung saan alam niyang magsasawa ito sa mga street foods.

“DAHAN-DAHAN naman at baka mabulunan ka.”
     Hindi pinansin ni Nica ang pang-aasar sa kanya ni Simon at ipinagpatuloy ang pagsubo ng calamares. Dinala siya nito sa Hepa street sa tapat ng FEU-Morayta. Ang sabi nito ay maraming masasarap na street foods sa lugar na ‘yon. Sumang-ayon naman siya agad.
     Sa Korea, hindi siya pinapayagang kumain ng mga magulang niya ng mga street foods dahil ayon sa mga ito ay marumi raw iyon. Maging ang mga kaibigan niya ay mahigpit sa kanya pagdating sa pagkain ng mga ganoong klase ng pagkain kaya nang yayain siya ni James na kumain ng isaw habang hinihintay niya si Simon ay hindi na siya nagdalawang isip na sumama.
     Hindi nga lang niya puwedeng sabihin kina Renzo ang napakasayang karanasan niyang iyon dahil tiyak na uulanin siya ng mga ito ng sermon at sigurado siyang isusumbong siya ng mga ito sa Daddy niya.
     Nilingon niya si Simon nang kalabitin siya nito. Nakabuka ang bibig nito. Kumunot ang noo niya. Itinuro nito ang kinakain niya. Pinaningkitan niya ito ng mga mata. “Tusukin kita gusto mo?” kunwari ay pagtataray niya dito.
     Pumalatak ito pagkatapos ay muling ibinuka ang bibig. Minsan talaga ay hindi niya maintindihan ang topak ng lalaking ito. Para itong bata na kulang sa atensyon kung maglambing sa kanya. Bigla siyang napaisip. Gano’n din kaya ito kung umakto sa ibang babaeng nakarelasyon nito. Sa naisip ay parang may tumusok na matalim na bagay sa kanyang puso.
     “Hoy!” boses ni Simon ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. “Subuan mo na ‘ko.” ungot nito.
     Huminga siya ng malalim. Hindi siya dapat nag-iisip ng ibang bagay. Siya ang kasama nito ngayon at iyon lang ang mahalaga. Isinubo niya sa bibig nito ang isang buong calamares. Mukhang sarap na sarap naman ito. Napangiti siya. Hindi talaga mapagkakaila na guwapo ito. Ito na yata ang pinakagwapong lalaking nakilala niya bukod sa kanyang ama at mga kaibigang lalaki.
     “Bakit ganyan ka makatingin sa’kin? Don’t tell me in love ka na sa’kin?” tanong nito sa nanunudyong tinig.
     Hindi siya nakasagot sa huling sinabi nito. In love? Siya? Posible nga kayang in love na siya kay Simon? Kung pagbabasehan ang mga kakaibang nararamdaman niya tuwing nasa paligid ito o kahit mabanggit lang ang pangalan nito, siguro nga ay in love na siya dito. Sa naisip niya ay bigla siyang nakaramdam ng kaba. Ngayon lang siya nakaramdam ng gano’n para sa isang lalaki. Tiningnan niya ito. Inaamin niya na crush niya ito. Sinong hindi magkakagusto dito? Gwapo, mabait, talented, masarap kausap at masarap kasama ito.
     Bumuntong hininga siya. Naguguluhan na siya sa nararamdaman niya. Paano kung umiibig na nga siya dito? I’m doomed!
     “Eh pa’no nga kung in love na ‘ko sa’yo?” pagsakay niya sa panunudyo nito para pagtakpan ang kasalukuyang nararamdaman niya. Hindi na muna niya iisipin ‘yon. I-eenjoy na muna niya ang mga oras na kasama niya ito.
     Halatang nagulat ito sa naging sagot niya dahil sandaling natigilan ito. Mayamaya ay kumislap ang mga mata nito. May nabasa siyang damdamin sa mga iyon na hindi niya mapangalanan. “Eh di maganda. Kung in love ka na sa’kin, hindi na ‘ko mahihirapang ligawan ka.”
     “What?” bulalas niya. Hindi niya inaasahan iyon. Seryoso ba ito sa sinasabi nito. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin niya kung sakaling hindi nga ito nagbibiro sa sinasabi nitong panliligaw.
     “Siguro naman ay walang magagalit kung ligawan man kita di ba?” nakangiting tanong nito. May pag-asam siyang nababasa sa mukha nito.
     “Wala. Sino naman ang magagalit?” wala sa sariling sagot niya. Kumakabog pa rin ang dibdib niya at natatakot siyang baka mamaya ay lumabas iyon sa rib cage niyon dahil sa lakas ng tibok niyon.
     “Yes.” Sumuntok pa ito sa hangin na bahagyang ikinagulat niya.
     Tiningnan niya ito. Hindi na naalis ang ngiti sa mga labi nito. Mukhang masayang-masaya ito sa naging takbo ng kanilang usapan. Huminga siya ng malalim at ibinalik na ang kanyang atensiyon sa kanyang kinakain. Siguro ay nagbibiro lang ito sa mga sinabi nito sa kanya. Hindi naman siguro ito seryoso sa sinasabi nitong panliligaw sa kanya. Sigurado siyang bukas ay makakalimutan na nito ang mga sinabi nito sa kanya at magpapatuloy lang ang kanilang mga buhay.
     Biglang nanikip ang kanyang dibdib sa isiping biro lang para dito ang sinabi nito sa kanya. Kahit itanggi niya sa kanyang sarili ay alam niyang umaasam siyang sana ay totoo ang sinabi nito at tutuparin nito iyon.
Sana nga.

MABILIS na lumipas ang mga araw. Hindi napapansin ni Nica ang pagdaan ng mga araw na inilalagi niya sa Pilipinas dahil hindi siya nawawalan ng gagawin.
     Kapag walang band practice at gigs ang Domino ay isinasama siya ni Simon sa practice game at training ng mga ito. Kung minsan naman ay nasa bahay lang siya at nakikipagkulitan kina Tita Rachel at Tito Manny kapag walang ginagawa ang mga ito. Naging malapit na rin siya kina Kuya Chris at Kuya Philip na kung ituring siya ay nakababatang kapatid na babae ng mga ito.
     Ang hindi na lang niya maiwasang isipin ay ang patuloy na pagi-isnaban nina Simon at ng ama nito. Gusto na niyang tanungin ang binata kung bakit gano’n ito pakitunguhan at gano’n ito makitungo sa sarili nitong ama. Malamig. Kaswal.
    Maaga siyang nagising ng araw na ‘yon kaya napagpasyahan niyang tumambay sa garden ni Tita Rachel. Dala ang kanyang Ipod at isang pocketbook ay nagtungo siya doon. Umupo siya sa nag-iisang bench na nandoon at tahimik na nagbasa habang nakikinig ng music. Nasa kalagitnaan siya ng pagbabasa at engrossed na siya sa binabasa niya ng maramdaman niyang parang may nakatingin sa kanya.
     Nang lumingon siya sa paligid ay nakita niya si Simon na nakatayo at nakasandal sa gilid ng sliding door. Nakahalukipkip ito habang nakatingin sa kanya. Hindi niya mabasa ang ekspresyon ng mukha nito. Parang kay lalim ng iniisip nito.
     Sinenyasan niya itong lumapit sa kanya. Tinanggal niya ang earphone sa kanyang tainga at isinara ang kanyang binabasa. Hinintay niya itong makaupo sa kanyang tabi.
     Bigla niyang naalala ang araw na sinabi nito sa kanya na liligawan siya nito. Hindi naman siya nag-expect ng kahit na ano rito. Hindi rin niya inasahan na tototohanin nito ang sinabi dahil alam niyang biro lang ‘yon para dito pero kinabukasan pagkatapos ng gabing iyon ay naging extra sweet na ito sa kanya. Palagi siya nitong binibigyan ng kung ano-anong uri ng bulaklak at regalo gaya ng native bracelet na ipinabili raw nito kay Yannick nang pumunta ang binata sa Baguio.
     Nabigyan na rin siya nito ng iba’t-ibang mamahaling chocolates at dalawang malalaking teddy bears. Hindi siya komportableng binibigyan siya nito ng kung ano-ano pero hindi naman niya iyon matanggihan dahil sinabi nitong magtatampo ito kapag hindi niya tinanggap ang mga ibinibigay nito.
     Umupo ito sa tabi niya at inakbayan siya. “Good morning, my lady.” nakangiting bati nito sa kanya.
     “Good morning.” ganting bati niya. “Mukhang malalim ang iniisip mo kanina ha.” puna niya.
     Nag-iwas ito ng tingin at bumuntong hininga. Nagtaka naman siya sa ikinilos nito. Ngayon lang niya ito nakitang umakto ng ganoon sa harap niya.
     Sinundot niya ito sa tagiliran. Hindi man lang ito kumislot sa ginawa niyang pangingiliti rito. Hindi pa rin ito tumitingin sa kanya at hindi pa rin nito inaalis ang kamay nitong nakaakabay sa kanya.
     Tinapik niya ito sa balikat. “Ano bang problema mo? Ang aga-aga nakabusangot ‘yang mukha mo.”
     Nang bumaling ito sa kanya ay seryoso ang mukha nito. Mukhang hindi maganda ang mood nito. Nginitian niya ito pero hindi man lang nabanat ang mga labi nito. “Ano ba talagang problema mo Simon?” naiinis na tanong niya. Kinakabahan siya sa klase ng tinging ibinibigay nito sa kanya. Na para bang may gusto itong sabihin na hindi nito alam kung paano ‘yon sasabihin sa kanya.
     Hinawakan niya ang kamay nito at pinisil iyon. “Kung ano man iyang bumabagabag sa’yo o kung may gusto kang sabihin, sabihin mo na. Makikinig ako.” kalmado ang boses niya nang sabihin niya iyon dito.
     Tinitigan siya nito sa mga mata. “Kailangan ko lang kasi ng makakausap tungkol sa problema ko kay daddy. Alam ko na hindi na bago sa’yo ang kakaibang pakikitungo namin sa isa’t-isa. Hindi ko na kasi alam ang gagawin ko para magustuhan naman niya ang mga ginagawa ko. Hindi ko na kasi kaya na parang hindi niya ako anak kung ituring niya.” malungkot na pagsasalaysay nito sa kanya.
     Tiningnan lang niya ito. Iyon na ang hinihintay niya. Nagbukas na ito sa kanya ng tungkol sa problema sa pagitan nito at ng ama nito kaya’t hindi na niya palalampasin iyon. At sana lang, sa pagkakataong iyon ay maayos na ang gusot sa pagitan ng mga ito.
     “Sinubukan mo na bang itanong sa kanya kung bakit gano’n siya sa’yo?” mahinahon ang tinig na tanong niya dito.
     Nagtaas ito ng tingin at tumingin sa malayo. “Hindi ako nagkaro’n ng lakas ng loob na tanungin siya eh. Natatakot kasi ako. Hindi ako kasing tapang ni Kuya Chris na kayang sumagot-sagot kay daddy. Kahit naman kasi sabihing may problema sa pagitan namin, hindi ko pa rin magawa na sagutin siya na parang isang walang pinag-aralang anak.
     “I tried my best to make him be proud of something that I did, but I never succeeded. Hanggang sa nagsawa na ko. Naging manhid na ko sa pinakikita at pakikitungo niya sa’kin. Wala rin namang magawa sina mommy at ang mga kuya ko para maayos ang problemang hindi ko rin alam kung saan nagmula.
     “Ang sabi nina Kuya Chris at Kuya Philip, gano’n din naman daw si daddy sa kanila noon pero bakit parang hindi ko naman naramdaman iyon? Iyong tipong kung ituring sila ni daddy ay parang hindi anak. Feeling ko ako lang ang pinakikitaan ng gano’n ni daddy eh.
     “Naiinggit nga ako sa ibang mga may tatay diyan. Kahit kina Kuya, naiinggit din ako sa kanila. Kasi nararamdaman nila iyong mahalin sila ng isang ama at proud si daddy sa kanila. Pero parang kapag ako na, palaging hindi sapat ang ginagawa ko para maging proud siya sa’kin.” pagkukuwento nito sa kanya.
     Nakaramdam siya ng awa rito. Hindi niya akalain na ang isang Simon Jimenez ay may itinatagong gano’ng ugali. Sa kabila ng pagiging masayahin nito ay nagtatago ang isang anak na nangungulila, naiinggit at nangangailangan ng isang ama na pupuri at magiging proud sa mga ginagawa nito.
     Hinawakan niya ang dalawang kamay nito dahilan para bumaling ito sa kanya. Nginitian niya ito at pinisil ang mga kamay nito. “Huwag ka nang malungkot. Malay mo hinihintay lang pala ng daddy mo na ikaw ang unang mag-approach sa kanya para makapag-usap kayo. Dapat ikaw ang magbaba ng pride mo Simon kasi ikaw ang anak eh. Kahit na ano ang gawin mo, anak ka lang at hindi ka dapat nagmamalaki sa daddy mo.
     “Gano’n naman ang papel nating mga anak. Ang palaging magpakumbaba sa mga magulang natin at huwag makipagtikisan sa kanila. Ayon nga sa kasabihan, walang magulang ang nakakatiis sa mga anak nila. Kaya kung ako sa’yo, kausapin mo na si Tito Manny para magka-ayos na kayo.”
     “Sa tingin mo, kakausapin niya ako?” naga-atubiling tanong nito.
     Nakangiting tumango siya. “Oo naman. Hindi ka matitiis ng daddy mo. Mabait naman si Tito Manny eh. Tumatanda lang kasi kaya nagiging gano’n ang ugali.” pagbibiro niya.
     Sa wakas ay may sumilay na rin na ngiti sa labi nito. At sa isang iglap ay ang mga kamay na nito ang humahaplos sa mga kamay niya. “Thank you, Nica. Thank you for listening to my sentiment. Thank you for giving some advice. Medyo lumuwang na ang dibdib ko although kinakabahan pa rin ako sa pagkausap kay daddy, but I think I can do it na.”
      “I know you can do it. Matapang ka, Simon. ‘Wag ka kailanman panghihinaan ng loob. Kung sakaling kabahan ka pa rin, tawagin mo lang ako at palalakasin ko ang loob mo.”
     Naging relaxed na ang itsura nito at lumambot ang ekspresyon ng mukha habang nakatingin sa kanya. Mayamaya ay dahan-dahan siyang hinila nito palapit dito at ikinulong siya sa matitipunong bisig nito. Ibinaon nito ang mukha sa leeg niya. “Thank you talaga, Nica. I really appreciate what you’ve done to me right at this moment. Hindi nga ako nagkamali nang mapagpasyahan kong sa’yo maglabas ng saloobin ko. I know deep inside me that I can trust you. That I can count on you.
     “Thank you for believing in me. Thank you for giving me courage and thank you for being there for me when I need someone to talk to. You are my strength. Sa’yo ako ngayon kumukuha ng lakas ng loob para gawin ‘to.” halos garalgal na ang tinig na litanya nito habang hinahagod ng kamay nito ang kanyang likod at lalo pang humihigpit ang yakap nito sa kanya.
     “You can always count on me, Simon. I won’t leave you. I promise.” pangako niya.
     Nag-angat ito ng tingin sa kanya ngunit nananatiling nakapulupot ang mga braso nito sa katawan niya. Tinitigan siya nito ng deretso sa mga mata at binigkas ang mga salitang ni sa hinagap ay hindi niya akalaing maririnig niya sa buong buhay niya. “I love you, Monica.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento