KINABUKASAN ay
tinanghali ng gising si Nica.
Bumaba siya ng kama at dumeretso sa banyo
para maghilamos at magmumog. Pinusod niya ang kanyang buhok at pumasok na sa
banyo. Pagkatapos niyang mag-ayos ay lumabas na siya ng kanyang silid at
bumaba. Naabutan niya si Tito Manny na nag-aayos ng mga papeles sa attaché case
nito. “Good Morning Tito.” bati niya dito.
Lumingon ito sa kanya. “Good
morning,hija.” nakangiting ganting bati nito.
Lumapit siya dito. “Alam mo Tito, dapat
palagi kang nakangiti. Nagmumukha ka po kasing matanda kapag nakasimangot ka
eh.” nakangiting sabi niya dito.
Tumuwid ito ng tayo at natatawang ginulo
ang kanyang buhok. “Alam mo hija parang sinabi mo na din na matanda na nga
ako.”
“Hindi naman po. Ang sa’kin lang po dapat
lagi kayong nakasmile katulad ni Tita Rachel.”
“Sige na. Sige na. Ngingiti na po ako
palagi munting prinsesa.” sumusukong sabi nito.
“’Ayan ganyan nga Tito. O sige po
mag-aalmusal po muna ako.” paalam niya. “Mag-iingat po kayo.” kinawayan pa niya
ito.
Natutuwa siya na kahit wala ang kanyang
ama sa kanyang tabi ay hindi naman siya gaanong nalulungkot. Hindi kasi iba ang
tingin sa kanya ng mag-asawang Jimenez. Ang sabi pa nga sa kanya ni Tita Rachel
ay parang nagkaroon daw ito ng anak na babae na hindi naipagkaloob dito.
Natutuwa raw ito at magaan ang loob nito sa kanya. Gano’n din naman si Tito
Manny sa kanya. Naisip niyang masuwerte ang mga anak ng mga ito dahil nagkaroon
ng mga magulang na katulad ng mga magulang nito.
Bigla niyang naalala na hindi in good
terms si Simon at si Tito Manny. Bigla siyang napaisip kung bakit hindi maganda
ang pakikitungo ng mga ito sa isa’t-isa. Bigla ay gusto niyang alamin ang nasa
likod ng pagiging malayo ang loob ng mga ito. Alam niyang hindi siya dapat
nakikielam sa bagay na ‘yon pero hindi niya mapigilan ang sariling mag-isip ng
paraan kung paano niya mapag-aayos ang mag-ama.
“A penny for your thoughts?” anang isang
boses mula sa kanyang likuran.
“Ay kabayo.” napatalon siya dahil sa gulat
sa biglang pagsulpot ng kung sino sa likod niya. Pero ang lalong ikinagulat
niya ay ang biglang pagbilis ng tibok ng kanyang puso. Nasapo niya ‘yon at
binalingan ang lalaking nanggulat sa kanya.
“Masyado ka naman yatang magugulatin.”
anang nakangising mukha ni Simon. Nilampasan siya nito at dumeretso sa
refrigerator. Kumuha ito ng isang bottled water at tinungga iyon.
“Bigla ka na lang kasing sumusulpot eh.
Nanggugulat ka pa.” sita niya dito habang pilit pinapakalma ang kanyang sarili.
Hindi puwedeng sa tuwing makikita na lang niya ito ay ganoon ang mararamdaman
niya.
“Sorry na po. Hindi na po kita gugulatin
sa susunod. Kung saan-saan kasi lumilipad ang utak mo eh.” natatawang anito
habang umuupo sa stool sa kitchen counter.
Inirapan niya ito. Naghanda na siya ng
almusal niya at umupo sa dining table. Mag-uumpisa pa lang siyang kumain ng
maramdaman niyang tumabi ito sa kanya. Nilingon niya ito. “Ano na naman?”
nakataas ang isang kilay na tanong niya.
Nakangiti ito ng malapad habang nakatingin
sa kanya. “Pahingi naman niyang kinakain mo.” ungot nito.
Sumimangot siya. “Bakit hindi ikaw ang
gumawa ng sarili mong almusal? Hindi ako katulong mo no.” mataray na sagot niya
dito.
Bahagyang hinila nito ang manggas ng
T-shirt na suot niya. “Sige na. Pahingi na ‘ko.” pamimilit nito.
Bumuntong hininga siya bago padabog na
tinulak palapit dito ang tinapay at palaman. “Oh ayan siguro naman kaya mo na.”
“Parang hindi naman tayo friends niyan.”
nakalabing reklamo nito. Animo ito isang batang hindi napagbigyan ang gusto.
Nagpigil siya. Gusto na niyang sabunutan
ito sa ginagawa nito sa kanya. Hindi ba nito napapansin na naiirita na siya.
Hindi pa nga niya alam kung paano pababagalin ang mabilis na tibok ng kanyang
puso heto naman ito at mukhang nag-eenjoy sa pagkaasar na nakikita nito sa
kanyang mukha.
Muling hinila nito ang manggas ng T-shirt
niya. Naaasar na humarap siya rito at sinabunutan ito. “May mga kamay ka.
Gumawa ka ng sarili mong sandwich. Pabayaan mo akong kumain mag-isa.” aniya
habang hindi pa rin binibitawan ang buhok nito.
“Aw.
Aw. Aw. Tama na Nica. Masakit.” daing nito.
“Ano? Aw. Aw. Aw? Ano ka aso?” pang-aasar
niya rito.
Pilit na tinanggal nito ang mga kamay niya
sa buhok nito. Pinakawalan naman niya ito. Inayos nito ang nagulong buhok bago
siya muling hinarap. “Grabe ka naman. Matatanggal yata pati anit ko sa higpit
ng pagkakasabunot mo eh. Ang bayolente mo.” nakasimangot na reklamo nito sa
kanya.
Umismid siya. “Kasalanan mo ‘yan.
Pang-asar ka eh.” itinirik pa niya ang kanyang mga mata.
“Ang cute n’yo namang tingnan.”
Sabay silang napatingin ni Simon sa
pinanggalingan ng boses. Nakita nila si Tita Rachel na nakatayo sa bungad ng
kusina kasama sina Chris at Philip. Napakamot lang ng ulo si Simon nang
tumingin sa kanya pero binelatan lang niya ito.
Nagkanya-kanyang upo na ang mga ito sa mga bakanteng upuan at sinimulan
ng gumawa ng sariling pagkain. “So, Nica kumusta ka naman?” tanong ni Philip.
Nagkibit balikat lang siya. “Okay naman.
Nag-eenjoy naman ako dito sa Pilipinas. Hindi din ako naiinip.” kaswal na sagot
niya.
“I can perfectly see that.” makahulugang
singit ni Chris. Nang tingnan niya ito ay ngumiti lang ito sa kanya.
Bumaling siya kay Tita Rachel nang marinig
niyang tumawa ito. “Nakakatuwa kayong tingnan. Hindi man lang kayo
nagkakailangan.” sabi nito.
Magsasalita pa sana siya nang pumasok ang
isang maid at sinabing may bisita raw siya. Napakunot-noo siya. Wala naman
siyang inaasahang bisita sa araw na ‘yon. Nasagot ang tanong niya nang sumulpot
si Renzo sa dining room. Nagulat siya. Hindi naman ito nagsabing pupunta ito
doon.
“Good morning po.” magalang na bati nito
kay Tita Rachel.
“Good morning din, hijo.” ganting bati ng
ginang dito.
Tumayo siya at nilapitan ito pagkatapos
niyang magpasintabi sa mga kasalo niya sa mesa. “Anong ginagawa mo dito?”
nagtatakang tanong niya.
“Pinapasundo ka ni Mama. Hindi ka pa daw
dumadalaw sa bahay simula no’ng dumating ka dito.” anito.
Napangiwi siya. Tama ito. Hindi pa nga
pala siya nakakadalaw sa bahay ng mga ito. “Sige pupunta ako doon. Wala naman
akong gagawin ngayon eh.” aniya. “Kumain ka na ba?” tanong niya.
Ngumiti ito. “Tapos na.” sagot nito.
Bumalik siya sa dining table at
inisang-subo ang natitirang tinapay na nakalagay sa kanyang plato. Binalingan
niya ang mga kasalo sa mesa. “Aalis muna ako ha.” paalam niya.
Tumango lang sina Chris at Philip habang
si Tita Rachel ay nakangiti. Nang balingan niya si Simon ay magkasalubong ang
mga kilay nito. “Problema mo?” tanong niya.
Sandali pa siyang tinitigan nito bago
umiling. Inalis nito ang tingin sa kanya at nagsimula na itong kumain. Nagtaka
naman siya. Kanina lang ay maganda pa ang mood nito ngunit bakit ngayon ay
parang sumama ang timpla nito? Ipinagkibit-balikat na lang niya iyon at nagpaalam
muna kay Renzo na maliligo lang siya. Iniwan niya ito sa sala at nagmamadaling
naligo at nagbihis.
Hindi naman niya ito pinaghintay ng
matagal dahil alam niya na ayaw na ayaw nito ng pinaghihintay. Nagpaalam muli
siya kina Tita Rachel bago sila umalis ni Renzo papunta sa bahay ng mga ito.
“MAY GUSTO ba sayo si
Simon?”
Gulat na nilingon ni Nica si Kuya Choi.
Pagdating nila ni Renzo sa bahay ng mga ito ay nadatnan na niya doon sina
Terrence at Kuya Choi. Ang sabi ng mga ito ay wala lang daw magawa ang mga ito
kaya naisipang pumunta doon.
Inakbayan siya ni Renzo na naka-upo sa
kanyang tabi. “Oo nga. May gusto ba sa’yo ‘yon?” tanong na din nito.
“Wala. Pa’no n’yo naman nasabi na may
gusto sa’kin ang isang iyon?” dinaan na lang niya sa tawa ang kabang bigla na
lang niyang naramdaman nang marinig niya ang pangalan ng binata.
Nagkibit-balikat lang si Kuya Choi kaya si
Renzo ang binalingan niya. “Mukhang nagseselos sa’kin eh. Parang gusto akong
suntukin kanina. Ang sama kung makatingin.” kaswal na sagot nito.
Naalala niya ang hitsura ni Simon nang
magpaalam siya sa mga ito. Ipinilig niya ang kanyang ulo. Hindi naman siguro.
Baka nagkakamali lang ang mga ito. “Akala n’yo lang iyon. Walang gusto sa’kin
si Simon.” bakit parang habang sinasabi niya ang mga salitang ‘yon ay bumibigat
ang pakiramdam niya?
Nagkibit balikat na lang ang mga ito at
hindi na nagsalita pa. Wala naman silang ibang ginawa sa bahay nina Renzo kundi
tumambay lang. Nakipag-kuwentuhan lang ang ina ni Renzo na si Tita Baby sa
kanya pagkatapos ay iniwan na siya nito sa tatlong lalaki.
“Renz, matutulog muna ako ha.” aniya
pagpasok niya sa silid nito. Doon nila napagpasyahang palipasin ang oras.
Tumango lang ito at hindi man lang siya
tiningnan. Kasalukuyang naglalaro ito at si Terrence ng Playstation habang si
Kuya Choi ay abala sa pagbabasa ng libro habang nakaupo sa malaking kama ni
Renzo. Binigyan naman siya nito ng space para makahiga siya. Ipipikit pa lang
niya ang kanyang mga mata nang tumunog ang kanyang cellphone. Sinagot niya
iyon.
“Hello.”
“May ginagawa pa ba kayo diyan?” bungad sa
kanya ng isang pamilyar na boses.
“Sino ‘to?”
“Simon. Ano, may ginagawa pa ba kayo?”
ulit nito sa tanong nito.
Napakunot-noo siya. Kahit na gusto pa
niyang itanong dito kung kanino nito nakuha ang numero niya ay hindi na niya
nagawa at sinagot na lang niya ang tanong nito. “Wala na. Bakit?” mukhang hindi
pa rin maganda ang mood nito base sa nahihimigan niya sa boses nito.
“Gusto mong sumama sa training namin?”
“Training saan?”
“Training sa football. Gusto mo bang
sumama?”
“Bakit parang galit ka?”
Narinig niya ang pagbuntong hininga nito
sa kabilang linya. “Hindi ako galit. Masakit lang ang ulo ko, pasensya na.”
Tumango-tango siya. “Saan ba ang training
n’yo?”
“Sa University of Makati.”
Tiningnan niya si Choi sa kanyang tabi.
“Alam mo ba iyong University of Makati, Kuya Choi?” tanong niya dito.
Tango lang ang isinagot nito nang hindi
inaalis ang tingin sa binabasang libro. “Puwede mo ba akong ihatid doon?”
“I’ll pick you up na lang. Saan ba ‘yang
bahay nina Renzo?” tanong ni Simon sa kabilang linya.
“Sa Quezon City.” tinuruan niya ito kung
paano pumunta doon. Pagkatapos ay nagpaalam na ito sa kanya at sinabing
hintayin raw siya nito.
Bumaba siya ng kama at kinuha ang dala
niyang bagpack. Nagsimula siyang mag-ayos ng sarili nang biglang magsalita si
Renzo. “Anong gagawin mo sa Umak?”
“Manonood sa training ng team nina Simon.”
simpleng sagot niya.
Hindi naman nagsalita pang muli ito. Nang
matapos siyang mag-ayos ay nagpaalam na siya sa mga ito. Sa sala na lang niya
hihintayin si Simon.
Halos tatlumpung minuto rin ang
pinaghintay niya bago niya narinig ang paghimpil ng isang sasakyan sa tapat ng
bahay. Agad na siyang nagpaalam kay Tita Baby bago patakbong lumabas ng bahay.
NANGALUMBABA si Nica
habang pinanonood ang mga naglalaro sa field. Kasalukuyang nagwawarm-up ang mga
lalaking nandoon.
Pagdating nila si Simon kanina ay inulan
ito ng tukso ng mga kasama nito. Ayon sa mga ito ay iyon ang unang beses na
nagsama ang binata ng babae sa kahit na anong practice game at training ng mga
ito bagaman maraming pumupunta doon na mga babaeng dating nakarelasyon nito.
Hindi niya alam kung bakit pero natuwa naman siya sa kaalamang siya ang unang
babaeng isinama nito doon.
“Hi there.”
“Ay kabayo.” napatayo siya sa kanyang
kinauupuan nang marinig ang tinig na ‘yon sa kanyang tabi. Nang tingan niya
kung sino ang nagsalita ay bahagya siyang nagulat. Si James. Hindi niya inaasahan
ang paglapit nito dahil sa una pa lang nilang pagkikita noong ipakilala ni
Simon ang mga kaibigan nito sa kanya sa bar na pag-aari ni Choi ay tahimik na
ito. Hindi ito palakibo at tipid kung ngumiti.
“I’m sorry, naistorbo yata kita.” anitong
nakangiwi.
Huminga muna siya ng malalim bago umupo sa
tabi nito. Nginitian niya ito. “Hindi naman. Nagulat lang ako.” Katwiran niya.
Napakamot ito sa ulo. “Sorry kung nagulat
kita.”
“Okay lang ‘yon. ‘Wag mo na lang uulitin
ha baka atakihin ako sa puso sa susunod eh.” pagbibiro niya.
Pagkarinig sa sinabi niya ay ngumiti na
ito. Napanganga siya. Shit! Ang gwapo
naman niyang ngumiti! Tili ng isang bahagi ng utak niya. Lalong lumalabas
ang kagwapuhan nito kapag ngumingiti ito.
Tumikhim siya bago muling nagsalita.
“Bakit hindi ka nagwa-warm up?” tanong niya dito.
“Tapos na ‘ko. Kanina pa kami dito, kasama
sina Aly.” sagot naman nito.
Tumango-tango siya. Wala bang pangit sa
grupong ‘yon? Lahat ng miyembro ng Red Pheonix ay mga gwapo. Walang itatapon
isa man sa mga ito. “Anong oras ba kayo usually natatapos kapag may training
kayo?”
“Eight in the evening. Pero minsan umaabot
kami ng ten.”
“Ah.” tanging nasagot niya. Dumaan ang
mahabang katahimikan sa pagitan nilang dalawa ni James. Wala na siyang maisip
na pwedeng sabihin dito o topic na pwedeng buksan para may mapag-usapan sila.
“So...” basag nito sa katahimikan na
nakapagpalingon sa kanya dito. “Are you... and Simon dating?” tila nag-aatubili
pa itong itanong ‘yon sa kanya.
Bagaman nagulat siya sa tanong nito ay
hindi niya iyon pinahalata. Nag-iba na naman ang ritmo ng kanyang dibdib ngunit
hindi na niya pinansin iyon. Sinasanay na niya ang kanyang sarili na maramdaman
‘yon kapag si Simon ang pinag-uusapan.
“Hindi.” kaswal na sagot niya. “Showbiz
man at alam kong laos na, eh friends lang kami. Good friend lang talaga ‘yang
si Simon.” sinabayan pa niya ng tawa ang kanyang sinabi.
Sinabayan naman nito ang pagtawa niya.
Maging ang tawa nito ay masarap pakinggan. Parang si Simon.
Parang
si Simon?
Parang gustong mapakunot ng noo niya. Bakit kinokompara niya it okay Simon?
Kasi
crush mo si Simon.
Sabi ng mahaderang bahagi ng utak niya.
Hindi
kaya. Ako may crush kay Simon? Kontra naman ng kabilang bahagi.
“Hey.” pukaw ni James sa lumilipad niyang
isip. Tiningnan niya ito. “Can we be friends?” nakangiting tanong nito.
Ginantihan naman niya ng matamis na ngiti
ang pag-ngiti nito sa kanya. “Oo naman.” Inilahad niya ang kamay niya.
“Friends?”
“Friends.” sagot nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento