Biyernes, Abril 6, 2012

CHAPTER TWO


TULOG lang ang ginawa ni Nica pagkatapos nilang kumain ng agahan.
     Umalis din ang kanyang ama pagkatapos nitong makipag-laro ng chess kay Tito Manny. Ang akala nga niya ay hindi na ito aalis dahil hanggang sa huli ay nag-alinlangan pa rin ito kung iiwan siya nito sa poder ng kaibigan nito o hindi. Kahit ayaw naman niyang mawalay sa kanyang ama ay kailangan nitong maintindihan na hindi sa lahat ng oras ay kailangang magkasama sila. Kailangan din naman niyang matutuong mabuhay na hindi ito kasama kahit pa mahirap din sa kanya na mapalayo dito dahil iyon ang unang beses na magkakalayo sila.
     Alam niyang gusto rin nito na matuto siyang tumayo sa sarili niyang mga paa kaya pinayagan na rin siya nito na manatili doon bagaman hindi siya nito hinayaang umupa ng apartment. Bihira siyang umuwi ng Pilipinas dahil ang sabi ng kanyang ina ay wala naman silang dadalawin doon. Umalis ito ng bansa nang itakwil ito ng mga magulang nito dahil sa pagmamahal nito sa kanyang ama. Hindi matanggap ng mga magulang nito na isang hamak na janitor lamang---ayon sa pakilala ng kanyang ina sa mga ito---ang mapapangasawa ng nag-iisang anak na babae ng mga ito kaya’t ora mismo ay pinalayas at itinakwil ito ng lolo at lola niya.
     Hindi naman nagtanim ng galit ang kanyang ina sa mga ito. Ayon pa sa mommy niya ay naiintindihan daw nito kung bakit gano’n ang ginawa ng mga magulang nito dito. Dahil sa sinabi nitong ‘yon ay nawala ang galit na naramdaman niya noon para sa dalawang matanda. Sinubukan pa niyang makipaglapit sa mga ito sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga sulat at postcards dalawang beses sa isang buwan.
     Unang beses siyang nakatuntong sa bansang kinalakihan ng kanyang ina nang mamatay ang lolo at lola niya may apat na taon na ang nakalilipas. Nasawi ang mga ito sa isang plane crash nang mapagpasyahan ng mga itong puntahan sila sa Korea para pormal na makipag-ayos sa mga magulang niya. Kumpleto na sana ang kaarawan niya kung dumating ang mga ito ngunit sa kasamaang palad ay hindi na nakaabot ang mga ito sa kanyang selebrasyon. Dinamdam niya ang pagkamatay ng mga ito lalo na ng lola niya dahil nakausap pa niya ito bago sumakay ang mga ito sa eroplano na magdadala sana sa mga ito sa Korea.
     Sa pamamagitan ng pagpapadala niya ng sulat sa mga ito ay naging malapit siya sa dalawang matanda. Tuwang-tuwa naman ang kanyang mga magulang dahil sa magandang pakikitungong ipinapakita ng matatanda sa kanya. Siya man ay natutuwa dahil naging daan siya para magkabati ang mga magulang niya at ang lolo at lola niya.
     Two years after her grandparents’ death, her mother died in a car accident. Lasing diumano ito nang magmaneho pauwi sa kanila at di sinasadyang nabangga ito sa isang bus. Dead on arrival ito nang isugod sa ospital. Sa pangalawang pagkakataon ay naramdaman niyang nag-iisa siya dahil hindi rin siya halos naasikaso ng daddy niya dahil nagluluksa rin ito sa pagkamatay ng kanyang ina. Kung hindi pa nga dahil sa board members ng kompanyang pag-aari nila ay baka unti-unting bumagsak ang pinaghirapanng itayo ng kanyang ama. Dudo at pawis ang ipinuhunan nito sa kompanyang iyon at pinagsikapan nito iyon dahil sa kagustuhan nitong paluguran ang mga magulang ng kanyang ina.
     Hindi mayaman ang kanyang ama at pumunta lamang daw ito sa Pilipinas para subukan ang buhay doon. Nagtagumpay naman ito dahil pagkalipas ng tatlong taon ay naipatayo na nito ang unang negosyo nito, ang flower shop kung saan nito nakilala ang kanyang ina. And the rest was history. Bilib na bilib siya sa kanyang mga magulang dahil sa tapang ng mga ito kaya naman ginawa niya ang lahat para maging matapang.
     Tinulungan din siya ng mga kaibigan niyang sina Choi, Terrence at Renzo na kayanin ang lahat ng dagok na dumaan sa kanya. Purong Pilipino sina Choi at Terrence habang si Renzo ay may dugong Koreano rin katulad niya. Hindi siya iniwan ng mga ito kahit minsan. Sa lahat ng subukang pasukin ng mga ito ay isinasama siya ng mga ito hanggang sa mabuo ang Domino Band. Wala talaga silang plano na i-pursue ang pagbabanda. Pampalipas oras lamang nila noon iyon kapag wala silang magawa ngunit dahil na rin siguro sadyang nasa puso na nila ang musika ay naisipan na rin nilang subukan iyon.
     Kung saan-saang bar sila tumutugtog noon sa Korea at natutuwa naman sila kapag nagugustuhan ng mga tao ang mga performance nila. Hanggang sa magpasya ang pamilya ni Choi na bumalik ng Pilipinas upang doon na manatili dahil gusto raw ng mga ito na bumalik sa kinalakihang bansa ng mga ito. At dahil ayaw naming magpaiwan ni Terrence ay nagpaalam rin ito sa mga magulang nito sa sasama kay Choi para masubukan ang buhay sa Pilipinas.
     Nang umalis ang mga ito ay labis siyang nalungkot. Hindi lang nabuwag ang banda nila kundi nawalan pa siya ng dalawang kaibigan. Ang akala niya ay matatapos na doon ang kalungkutan niya dahil sa unti-unting pagkawala ng mga taong importante sa puso niya ngunit hindi pa pala. Six months later, Renzo told her that his family wants to return to the Philippines. Gusto na raw diumano ng mga ito na doon na mag-settle dahil karamihan sa mga negosyo ng mga ito ay doon naka-base.
     Hindi na niya alam kung ano ang gagawin niya noon. Sa isang iglap ay nag-iisa na lang siya. Wala na ang mga kaibigan niya, wala na rin siyang ina, at ang ama naman niya ay hindi pa rin niya malapitan. Bagaman hindi pumapalya ang pagsusulatan nila ng mga kaibigan niya ay hindi pa rin niya maiwasan ang malungkot dahil pakiramdam niya ay nag-iisa siya.
     Nagpakatatag pa rin siya. Kahit na pinanghihinaan siya ng loob ay pilit niyang tinulungan ang daddy niya na bumangon. Pinakita at ipinaintindi niya dito na hindi ito nag-iisa at hindi dapat ito mawalan ng pag-asa dahil nasa tabi pa siya nito. Tinulungan niya ito hanggang sa unti-unting bumalik ang dating sigla nito at tuluyan na itong naka-recover sa masalimuot na nangyari sa buhay nila.
     Bandang alas-singko ng hapon ay nag-ayos na siya. May gig sila ng gabing iyon at pupuntahan pa niya ang kanyang kaibigang si Renzo para makisabay dito.
     Bago siya umalis ay hinanap niya si Tita Rachel at nakita niya ito sa Garden sa likod bahay kasama ang asawa nitong si Tito Manny. Nilapitan niya ang mga ito. “Tito, Tita aalis po muna ako.” paalam niya.
     Nilingon siya ng mga ito. “Saan ka pupunta?” tanong ni Tito Manny.
     “May gig po kasi ako ngayong gabi eh. May practice pa po kami kaya kailangan ko na pong umalis.”
     Tumango-tango ang mga ito. Hinalikan niya sa pisngi si Tita Rachel at Tito Manny. At bago siya tuluyang umalis ay tinudyo pa niya ang mga ito. “Ang sweet n’yo pong dalawa. Kinikilig ako.” aniya at binuntunan pa ‘yon ng tawa. Narinig niyang tumawa ang dalawang matanda bago siya tuluyang nakalabas ng bahay.

KATATAPOS lang mag-shower ni Simon. Late na natapos ang kanilang practice game dahil nagkaroon pa sila ng meeting with their captain, Aly.
     “Gimik tayo.” yaya sa kanya ni Patrick. Simula nang makilala niya ito ay wala na itong ginawa kundi ang gumimik ng gumimik. Kateam-mate niya ito at isa sa kanyang itinuturing na pinakamalalapit na kaibigan. Kahit na walang alam ito kundi ang magpakasaya ay alam niyang nagrerebelde lang ito sa mga magulang nito. Ang sabi naman nito, sa ngayon ay nag-eenjoy naman ito sa football kaya hindi pa rin daw maituturing na wala itong ginagawa sa buhay nito.
     “Pass muna ako.” tanggi niya. Pagod pa siya at masakit ang katawan at wala din siya sa mood na lumabas ngayong gabi.
     “Bawal ang hindi sumama.” singit naman ni Anton. Isa pang party people ang isang ‘to. Ang depensa naman nito ay iyon na nga lang daw ang ginagawang libangan nito bukod sa football. Tinatawanan na lang nila ang mga ito.
     Miyembro siya ng Philippine Football Team na Red Pheonix. Hindi talaga siya mahilig sa naturang sport noon o sa kahit na anong sport. Pero nang minsang isama siya ng kanyang matalik na kaibigang si Neil sa practice ng mga kaibigan nito at maranasan niyang makipaglaro sa mga ito sa field ay nag-enjoy naman siya. Right there and then ay ipinasya niyang subukan na rin ang football, partly ay para magpa-impress sa kanyang ama. Baka sa pamamagitan niyon ay matuwa naman ito sa kanya kahit paano pero sa pagdaan ng mga araw ay natutunan na din niyang mahalin kung ano ang ginagawa niya. Kahit na parang wala lang sa daddy niya ang pagsali niya sa team ay inintindi niya iyon.
     Mahal niya ang football at isa ‘yon sa mga bagay na hinding-hindi niya iiwan kahit sa pagtanda niya. Napangiti siya ng pumasok ang magkapatid na Phil at James. Parehong bagsak ang mga balikat ng mga ito at mukhang pagod na pagod. May ideya na siya kung bakit gano’n ang hitsura ng mga ito. Malamang ay dinumog na naman ito ng napakaraming fans na nanonood sa kanila sa tuwing may training sila sa University of Makati.
     Iiling-iling na naglakad siya papunta sa kanyang locker at nagsimulang magbihis. Mas gusto niyang matulog kaysa sumama sa mga ito sa kung saang bar na naman magyaya ang mga ito. Isa pa ay namimiss na niya ang kanyang camera. Bihira lang naman kasi siyang tumanggap ng trabaho dahil abala rin siya sa mga trainings ng kanilang team. Walang nakakaalam ng kanyang trabaho bukod sa mga kaibigan niya at sa dalawa niyang kapatid. Madalas ay sa mga photoshoot sa modeling agency ng kaibigan niyang si Top siya nagkakaroon ng trabaho. Hindi pa naman niya totally ginagawang career iyon dahil nakafocus pa din siya sa football.
     “Guys, alis na ‘ko ha.” paalam niya sa mga ito. Akmang lalabas na siya nang hilahin siya ni Neil sa kuwelyo ng suot niyang T-shirt pabalik sa mga ito.
     “Hindi ka pa pwedeng umuwi. Gigimik pa nga tayo eh.” nakangising sabi nito.
     “Ayokong sumama. Tinatamad ako eh” giit niya.
     “Hindi ka aalis.” ani Aly sa matigas na tono. Kapag ganoon na ang tono ng boses nito ay wala ni isa man sa kanila ang nakakapalag.
     Bumuntong hininga lang siya bago itinaas ang dalawang kamay tanda ng pagsuko. Wala talaga siyang panalo kapag nagsimula na ang kanyang mga abnormal na mga kaibigan na pagtulungan siya.
     Hinintay niyang matapos magbihis ang mga ito at sabay-sabay na silang umalis sakay ng kani-kanilang kotse. And as usual ay sa kanya nakisabay sina Neil at Patrick dahil hindi raw dala ng mga ito ang kotse ng mga ito.
     Bumagsak sila sa isang bar and restaurant sa Makati. Mukhang palaging pumupunta doon ang iba sa mga kasama niya dahil kilala ng ibang staffs ang mga ito. Dumeretso sila sa bar counter habang ang iba ay naghanap ng pupwestuhan nila. Umorder siya ng isang bote ng beer at tinungga iyon.
     Kasalukuyang tumutugtog ang isang banda sa stage. Maganda sa pandinig ang malamyos na boses ng babaeng kumakanta. Nang makahanap ng pwesto ay lumipat na sila doon. Muli niyang itinuon ang kanyang pansin sa banda ngunit nanlaki ang mga mata niya nang makilala ang babaeng kumakanta. Si Nica.

DUMERETSO si Nica kasama ang mga bandmates niya sa bar counter pagkatapos ng kanilang set. Umorder siya ng vodka at inisang-lagok iyon bago hinarap ang kanyang mga kasama. “Nagugutom na ‘ko. Kain na tayo.” nakalabing ungot niya sa mga ito.
     “Bakit tumungga ka na agad ng vodka kung gutom ka. Adik ka no?” anang lead guitarist nilang si Choi, ang may-ari ng bar and restaurant na ‘yon. Bumaling ito sa ibang kasama nila. “Anong gusto ninyong kainin?” tanong nito.
     Nagkanya-kanya na ng bigay ang mga ito ng mga gustong kainin. Nang siya na ang magsasalita ay pinigilan siya ni Choi. “Alam ko na. Alam ko na. ‘Wag mo na sabihin.”
     “Good.” nakangiting sabi niya ‘tsaka pumunta sa mesang nakalaan para sa kanila. Sumabay na sa kanya sina Renzo, ang drummer nila at si Terrence, ang kanilang bassist. Pasalampak na umupo siya sa isa sa mga bakanteng silya at isinandal ang likod sa sandalan ng upuan. Kinuha niya sa bulsa ng suot niyang jeans ang kanyang cellphone at tinawagan ang ama. “Hello daddy.” aniya sa masayang tinig nang sagutin nito ang tawag niya.
     “Hi baby.” ganting bati nito. “Why are you still awake?” tanong nito.
     Tumawa siya. “Daddy, may gig kami eh. I’m with the band here at Kuya Choi’s bar.”
     “Sabihin mo kay Renzo na ihatid ka pauwi ha.” bilin nito. Sa mga kabanda niya ay kay Renzo ito pinakamalapit sa hindi niya malamang kadahilanan. Alam niyang isa sa malalapit na kaibigan ng mommy niya ang ina ni Renzo ngunit bihira naman niyang makitang magkausap ang mga ito noon sa Korea kapag nagkikita-kita sila.
     “Yes Dad. You don’t have to remind me kasi ihahatid talaga ako ni Renzo.” pagbibigay assurance niya dito. Ayaw niya na palaging nag-aalala sa kanya ang kanyang ama pero hindi niya ito mapigilan sa tuwing nagsasalita na ito ng sangkaterbang bilin at sermon sa kanya. Ginagawa lang naman daw nito ‘yon dahil mahal na mahal siya nito at alam naman niya ‘yon.
     “Good.” nag-iwan pa ito ng mga bilin sa kanya na dapat niyang gawin habang magkahiwalay sila at gano’n din ang ginawa niya dito. May tendency kasi ang daddy niya na kalimutan maging ang pagkain kapag masyado itong maraming ginagawa. “I’ll call you pagdating ko sa Korea.”
     “Okay Dad. Kapag nalaman ko na hindi mo inaalagaan ang sarili mo uuwi ako sa Korea kahit ayaw mo.” banta pa niya.
     Tumawa ito. “Opo.” sagot nito bago nagpaalam na at magpapahinga na daw ito.
     Tamang-tama namang dumating ang kanilang pagkain. Uumpisahan na lamang niyang kumain nang may marinig siyang tumawag sa kanyang pangalan. Nang lingunin niya kung sino ‘yon ay nagulat siya. Si Simon. Ano ang ginagawa nito doon?
     Tumayo siya at nagpasintabi sa kanyang mga kasama bago lumapit dito. “What are you doing here?” nagtatakang tanong niya.
     Ngumiti ito. “I’m with my friends. Nagkayayaan kasing gumimik eh.” nakangiting sagot nito.
     “Ah.” binalingan niya ang mga kabanda niya bago ibinalik ang tingin sa nakangiting si Simon. “Halika ipapakilala kita sa mga kaibigan ko.” yaya niya at hinila ito palapit sa kanilang mesa. “Guys I want you to meet Simon. Youngest son ni Tito Manny, ‘yong tinutuluyan kong bahay.” pagpapakilala niya.
     “’Eto naman ang mga pangit kong bandmates at kaibigan. Si Kuya Choi, si Terrence at si Renzo.” Isa-isa niyang itinuro ang mga ito sa binata. Tango lang ang isinagot ng mga kumag kay Simon. Napailing-iling na lang siya. Napakasuplado talaga ng mga ito kahit kalian. Muli niyang binalingan si Simon. “Sige na bumalik ka na sa mesa n’yo at baka hinahanap ka na do’n eh.” pagtataboy niya dito.
     “Ikaw naman ang ipapakilala ko sa kanila.” anito bago binalingan ang mga nasa mesa. “Pahiram muna ng Prinsesa n’yo ha. Ibabalik ko din agad.” paalam nito at hinila na siya palapit sa mesang inookupa nito. Madami itong kasama at lahat ay mga gwapong lalaki. Hindi naman siya madamot sa compliments lalo na at talaga namang walang itatapon sa mga ito pagdaitng sa kagwapuhan.
     “Guys.” pagkuha ni Simon sa atensyon ng mga ito at pumalakpak pa. Tumingin naman sa kanila ang lahat ng mga nasa mesa. Bigla siyang nakaramdam ng kaba. Bakit siya kinakabahan? Pinapakilala lang naman siya ni Simon sa mga kaibigan nito. It’s not as if he’s introducing her to them as his someone special. “This is Nica. Anak siya ng kaibigan ni Daddy from Korea and she’s staying at our house.” pagbibigay impormasyon nito.
     Nagkanya-kanyang pakilala ang mga ito sa kanya. Hindi niya alam kung sino ang una niyang kakamayan at halos hindi niya masundan kung sino ang nagsasalita dahil sabay-sabay ang mga ito. Ngumiti na lang siya at magiliw na hinarap ang mga ito. Nag-eenjoy siya sa kakulitan ng mga ito.
     “May boyfriend ka na Nica?” tanong ni Patrick.
     “Wala pa.” nakangiting sagot niya.
     “Back off Pat. She’s off limits.” ani Simon na nakatayo sa tabi niya.
     Nagulat siya sa sinabi nito. Bakit nito sinabi iyon? Napatingin na lang siya kay Patrick nang biglang tumawa ito maging ang ibang lalaki na nasa mesa ay nakitawa na rin. Inakbayan siya ni Simon at hinapit siya palapit dito. “Pasensya ka na sa mga kaibigan namin Nica at puro sira-ulo ang mga ‘yan.” nakasimangot na sabi nito sa kanya.
     Muntik na siyang pumiksi nang maramdaman ang tila kuryenteng dumaloy sa sistema niya nang dumaiti ang braso nito sa kanya. Ano ‘yon? Bakit may kuryente? Anong ibig sabihin no’n? Ano ba ang nangyayari sa kanya? Tumingin siya dito. Nakasimangot pa rin ito at parang wala na sa mood. “Halika na ibabalik na kita sa mga kabanda mo para makakain ka na.” anito at inalis ang braso nito na nakaakbay sa kanya. Nakaramdam siya ng di maipaliwanag na panghihinayang dahil sa paglayo nito sa kanya ngunit hindi naman nagtagal iyon dahil hinawakan nito ang kamay niya at pinagsalikop ang kanilang mga kamay.
     “Bye guys. Nice meeting you.” paalam niya sa mga kaibigan nito. Nang makabalik sila sa mesa ay nagpaalam din agad ito sa kanya. Bakit parang nag-iba ang mood nito? Anong nangyari dito?
     Nagkibit-balikat na lang siya bago sinaluhan ang mga kaibigan niya sa pagkain. Ilang sandali na lang naman at mag-uumpisa na rin ang kanilang second set kaya kailangan niyang bilisan ang pagkain.
     “Bawal uminom ng madami ha.” bilin ni Terrence nang magpaalam itong lalabas muna sandali para magsigarilyo.
     Hindi niya pinansin ito at tuloy-tuloy lang na kumain. Hindi naman siya mapipigilan ng mga ito kapag nasimulan na niya ang pag-inom.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento