Ipinapakita ang mga post na may etiketa na nickie. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na nickie. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Abril 5, 2012

CHAPTER ELEVEN


MAAGA pa lang ay pumunta na si Nicko sa bahay ng kanyang ama para makausap ito. Nilunok na niya ang lahat ng pride niya at siya na ang unang lalapit dito.
     Naabutan niya itong nagkakape sa garden. It’s now or never, Nicko. Huminga muna siya ng malalim bago lumapit dito.
     “Dad…” tawag niya sa pansin nito.
     Lumingon ito sa kanya at bagaman hindi ito nanatiling Seryoso ang mukha nito, kitang-kita naman niya ang pagkislap ng katuwaan sa mga mata nito. “What brought you here, hijo?” seryosong tanong nito.
     Umupo siya sa kaibayong silya at tumingin ng deretso dito. “I want to clear things up between us, dad.”
     “What do you mean?”
     “Dad, you know what I mean. Tayong dalawa na lang ang natitirang magkasama sa mundong ‘to, hindi dapat tayo nagkakagalit. Kung ano man ang mga naging kasalanan ko sa’yo, I’m so sorry. Sorry for being so stubborn. Ayoko lang kasi na parang robot lang ako na susunod-sunod sa lahat ng mga iu-utos mo. I have my own life, dad. You should learn how to live with that.
     “I respect you and I love you. Naiintindihan mo ba ko dad? I just don’t want to lose another loved one. Wala na nga si mommy pati ba naman ikaw mawawala din dahil lang sa samaan ng loob?” tuloy-tuloy na pagsasalita niya.
     Sa pagkagulat niya ay tumawa ito. Sa tinagal-tagal ng panahon ay ngayon lang uli niya ito narinig na tumawa ng gano’n. And honestly speaking, nakakagaan ‘yon ng loob. Pero sa tingin niya ay hindi ‘yon ang oras para tumawa ito.
     “Dad, be serious. Ang dami-dami kong sinabi tapos pagtatawanan mo lang ako?” frustrated na aniya.
     Tumikhim ito at huminga ng malalim bago muling tumingin sa kanya. “Sino ba naman kasi ang nagsuksok sa kukote mo na galit ako sa’yo?” namamanghang tanong nito.
     Napaisip siya. Saan nga ba niya nakuha ang ideyang galit ito sa kanya. “Hindi ko alam. Nararamdaman ko kasi na simula no’ng namatay si mommy, parang naging distant ka na eh. Puro trabaho na lang ang inaatupag mo. Tapos kung itrato mo ko, parang isa lang ako sa mga empleyado mo.”
     Iiling-iling na pumalatak ito. “I’m not mad at you, son. I never did and I never will. You’re my only son at mahal na mahal din kita. Kahit na ga’no pa katigas ang ulo mo, hindi mababawasan no’n ang pagmamahal ko para sa’yo. And about treating you differently after your mom died, I’m sorry. Hindi naman ‘yon ang intensiyon ko kung bakit naging gano’n ako sa’yo.
     “I just want you to learn. Gusto kong lumaki kang maging matatag at malakas. Not just physically but emotionally. I’m sorry for hurting you in the process. Alam mo namang hindi expressive ang daddy mo.”
     Saglit siyang hindi nakapagsalita at hinayaan ang utak niyang iproseso ang mga sinabi ng kanyang ama. Kapagkuwan ay tumayo siya at lumapit dito. Niyakap niya ito ng mahigpit. “I’m so sorry, dad. I really am. All this time pala ay katigasan ng ulo at pride lang ang pinairal ko. I’m sorry.”
     Tinapik nito ang braso niya. “It’s okay, son. I’m glad na lumaki kang matatag at matibay ang loob. I only want what’s best for you. And about deciding who you’ll marry---“
     “It’s okay, dad. Wala nang problema sa issue na ‘yan.” putol niya sa sasabihin pa nito.
     Inilayo siya nito dito at nagtatakang tiningnan siya. “What do you mean?”
     “I decided to marry Nickie.” deklara niya.
     Halatang natuwa ito sa ibinalita niya. “Really? Alam na ba niya ‘yan?”
     “Of course. Ang totoo niyan dad, kami na ulit. Wala yatang makakatanggi sa charm ko.” pagyayabang niya. Masaya siya na nakakausap na niya ng gano’n ang daddy niya. Na para bang magkaibigan lang silang nag-uusap ng kung ano-anong bagay.
     Tinawanan siya nito. “Buti hindi siya nauntog at kinalimutan ka.” pang-aasar nito sa kanya.
     “Ginamitan ko siya ng gayuma eh.”
     “Anong klaseng gayuma naman ang ginamit mo?”
     “Kiss and charm. Perfect combination ‘yon, dad. And very effective naman ‘yon in my case.”
     Tumango-tango ito. “Mukhang tinamaan ka talaga kay Nickie.”
     “Matindi, dad. Sa sobrang tindi nagawa kong magpaka-cheesy para lang sa kanya.” pag-amin niya.
     Pumalatak ito. “Wala na pala ang macho at suplado image mo eh. Titiklop ka rin pala sa charm ni Dominique.” patuloy na pang-aasar nito.
     “And because of that, I need your help.”
     “Anong klaseng tulong naman?”
     “I will propose to her. This time, I want to give her the best proposal she deserved.”
     “May naisip ka na bang idea?”
     Bumalik siya sa pagkakaupo. “Gusto ko sana sa birthday niya. Para double celebration na, kompleto pa ang mga taong malalapit sa’ming dalawa.”
     Tumango-tango ito. Mayamaya lang ang naging abala na silang mag-ama sa pagpa-plano kung pa’no siya magpo-propose kay Nickie.

EXCITED si Nickie sa magaganap na simpleng dinner party na inihanda ng kanyang mga magulang para sa twenty-second birthday niya.
     Ang gusto talaga ng mga ito ay gawing engrande ang party niya katulad ng taon-taon nilang ginagawa ngunit tumanggi siya. Sa pagkakataong ‘yon ay ang mga mahal lang niya sa buhay at malalapit sa kanya ang gusto niyang makasama. Not that she became anti-social, pero mas gusto niyang kunin ang pagkakataong ‘yon para personal na pasalamatan ang mga ito sa hindi pag-iwan at pagdamay sa kanya sa oras na kailangan niya ang mga ito.
     Isang simpleng sapphire blue na tube dress ang suot niya. Humahakab ‘yon sa balingkinitan niyang katawan at hanggang tuhod lang ang haba. Aaminin niyang na-miss niyang magsuot ng mga gano’ng klase ng mga damit. Hindi tulad noong engagement party nila ni Nicko, hindi na siya nangangati sa suot niyang dress.
     Isa pa sa mga inaabangan niya ay ang pagkikita nila ni Nicko. Bihira na silang magkita mula nang maging abala ito sa trabaho nito ngunit hindi naman ito pumapalya sa pagtawag sa kanya kapag may libreng oras ito. Kung minsan nga ay nakakatulugan pa nilang dalawa ang pag-uusap sa cellphone. Nangako naman ito na pupunta ito sa kaarawan niya.
     Sa huling pagkakataon ay pinasadahan niya ng tingin ang kanyang kabuuan sa salamin at nang makontento ay lumabas na siya ng kanyang silid. Pagbaba niya ay naghihintay na sa kanya ang mga magulang niya. Agad na nilapitan niya ang mga ito nang makababa siya.
     “How’s my most beautiful princess in the whole world?” nakangiting tanong ng kanyang ama pagkatapos niya itong yakapin.
     “Medyo kabado pero sobrang saya.” Masiglang sagot niya.
     “Halata nga eh. You’re glowing, hija.” tukso ng mommy niya.
     Nahihiyang nginitian niya ito. “Halata ba masyado, mom?”
     Sabay na tumawa ang mga magulang niya. “Malala ka na talaga, pinsan. In love na in love ka masyado.” tumatawang komento ni Mark na kapapasok lang ng front door. Hinarap nito ang mga magulang niya. “Let’s go? Handa na po ang personal driver ng royal family.” biro nito at bahagya pang yumukod sa kanila.
     Iiling-iling na nagpatiuna ng maglakad ang mga magulang niya. Umabrisite siya sa braso ni Mark. “Ang guwapo mo namang driver, pinsan.” puri niya dito.
     Pinitik nito ang tungki ng ilong niya. “Bolera ka talaga, Nickie.”
     “Totoo naman ang sinasabi ko. Bakit, nagdududa ka pa ba na guwapo ka? Sa tingin mo hahabulin ka ni Jam kung hindi ka guwapo?” panunudyo niya dito. Naikuwento nito sa kanya ang tungkol sa babaeng madalas mangulit dito. Ang tawag pa nga nito sa babae ay stalker. Hindi pa niya nakikilala si Jam pero excited siyang makilala ito. Ito lang kasi ang nakakapag-pawala ng poise ng pinsan niya.
     Sumimangot si Mark. “Don’t say bad words.” saway nito sa kanya.
     “Affected ka lang eh.” patuloy na pang-aasar niya dito.
     Inismiran lang siya nito ngunit hindi na sumagot. Tatawa-tawa siya habang tinitingnan ang mukha nito. Naging masaya at maingay ang biyahe nila dahil hindi niya tinigilan ang pang-aasar kay Mark. Tawa lang naman ng tawa ang mga magulang niya habang nakikinig sa kanilang mag-pinsan. Isa ‘yon sa talaga namang na-miss niya nang umalis siya sa kanila.
     Pagdating nila sa China town’s best restaurant ay si Miguel pa lang ang tao do’n kasama ang ama nito at ang daddy ni Nicko. Kumunot ang noo niya habang lumalapit sa kaibigan. “M, ‘asan si Nicko?” bulong niya dito.
     “Male-late daw siya ng dating. May tinatapos lang daw siyang trabaho.” sagot nito.
     Nadismaya siya sa isinagot nito sa kanya. Ang inasahan pa naman niya ay ibibigay nito sa kanya ang buong araw nito para sa espesyal na araw na ‘yon. Huminga siya ng malalim at inabala na lang ang kanyang sarili sa pag-estima sa mga bisita niyang nag-uumpisa nang magdatingan. Masaya siya dahil kompleto ang mga kaibigan niya doon. Sina Xander, Gale, Elle at maging si Mama Iveca ay dumating din.
     Sandaling nawala ang atensiyon niya sa paghihintay kay Nicko nang sa wakas ay mag-umpisa na ang party niya. Madaming inihandang sorpresa ang mga bisita niya para sa kanya. Maging ang mga magulang niya---sa unang pagkakataon---ay kumanta sa harap ng mga bisita. Manghang-mangha siya sa mga ito dahil ‘yon din ang unang pagkakataon na narinig niyang nag-duet ang mga ito. And she must admit, they’re great.
     Muling bumalik ang pag-aalala niya nang sa wakas ay mag-umpisa silang kumain. Sinubukan niyang tawagan ito ngunit out of coverage area ang cellphone nito. Nilapitan niya ang daddy ni Nicko. “Tito, bakit wala pa po si Nicko?” nag-aalalang tanong niya dito.
     He smiled sweetly and tap her head. “Don’t worry hija, dadating si Nicko. He’ll never miss your special day for the world.” pang-aalo nito sa kanya.
     Lumabi siya. “Ang akala ko kasi maghapon kaming magkakasama. Eh sabi po ni M, may tinatapos daw pong trabaho si Nicko eh.”
     The old man chuckled. “Don’t worry too much. Just enjoy your party. Hindi mo mamamalayan, nandito na pala siya.” Pinisil nito ang ilong niya. “Smile ka na Nickie, okay?”
     Pilit ang ngiting tumango siya pagkatapos ay bumalik na siya sa mesa nila. Lagot talaga sa kanya si Nicko kapag hindi ito dumating. Maghihintay siya hanggang sa matapos ang party niya. Bumalik na siya sa mesang inookupa nila at nag-umpisang kumain.
     Hindi pa niya napapangalahati ang kinakain niya ay biglang dumilim ang buong paligid. At bago pa siya makapag-react ay may humawak na sa isang kamay niya. Magsasalita na sana siya nang bigla siyang nakarinig ng tunog ng gitara.
     Napangiti siya. Isa na naman siguro ‘yon sa mga pakulo ng isa sa mga kaibigan niya o nang kung sino mang malapit sa kanya. Hinintay niyang magliwanag ulit at umayos siya ng upo. Alam niya ang kantang tinutugtog ng kung sino mang tumutugtog niyon.
     “You’re stuck on me with my laughing eyes, I can’t pretend though I try to hide. I like you, I like you… I think I felt my heart skip a beat, I'm standing here and I can hardly breathe. You got me yeah, you got meThe way you take my hand is just so sweet, and that crooked smile of yours. It knocks me off my feet.”
     Napanganga siya nang mula sa kuwarto kung saan inilalabas ang mga pagkain ay lumabas doon ang napaka-guwapong si Nicko. May hawak itong gitara habang kumakanta. Kung nasa ibang pagkakataon siguro ay malamang na pinagtawanan na niya ito dahil hindi bagay sa suot nito ang ginagawa nito.
     For Pete’s sake, the man is wearing a three piece black suit. Pero kahit gano’n, hindi man lang nabawasan ang kaguwapuhang taglay nito. Ang cute nga nito sa hitsura nito dahil para itong school boy na nanghaharana sa nililigawan nito.
     Unti-unti itong lumalapit sa kinaroroonan niya habang nakasunod dito ang spotlight na hindi niya alam kung saan nanggagaling. “Oh, I just can't get enough. How much do I need to fill me up? It feels so good, it must be love, It's everything that I've been dreaming ofI give up, I give in, I let go, let's begin, 'Cause no matter what I do. Oh, my heart is filled with you”
     Hindi niya alam kung papa’no magrereact nang pumunta ito sa gitna ng function room na ‘yon. Tahimik naman ang mga tao sa paligid at tutok na tutok sa pagkanta ng binata. Nang matapos ito sa pagkanta ay iniabot nito kay Miguel ang gitara nito at muling tumayo nang tuwid.
     Tumikhim pa ito at huminga ng malalim bago humarap sa mesang inookupa niya at ng mga magulang niya. Tagilid na ngiti nito nang tumingin sa kanya. “Ah… Well, I think I need to apologize for being late.”
     Tinaasan lang niya ito ng isang kilay ngunit hindi siya sumagot. Nagkamot ito ng ulo bago nagpatuloy. “Nag-practice kasi ako ng mabuti para sa surprise number na ‘to. Ayokong masira ang surprise birthday gift ko para sa’yo eh.”
     “Go straight to the point, man. Ang dami pang sinasabi eh.” tudyo ni Miguel dito.
     Nilingon nito ang kaibigan at binigyan ng matalim na tingin bago ibinalik ang tingin sa kanya. “Hindi ko na siguro kailangan pa ng speech since alam mo na naman ang lahat ng reasons why I love you, right? And God knows how lucky I feel dahil hindi ka tuluyang nawala sa’kin. Baka nabaliw na ko no’n.” tumawa ito pagkatapos sabihin ‘yon pero halata namang kinakabahan ito. Kung bakit? Hindi din niya alam.
     Nag-umpisa itong lumakad palapit sa kanya at nang makalapit ay inilahad nito ang isang kamay nito. Tinanggap naman niya ‘yon. Sinenyasan siya nitong tumayo na agad naman niyang sinunod. “Ano ba ‘to, Nicko?” bulong niya dito.
     Imbes na sumagot ay iginiya siya nito sa gitna. Mahigpit na hawak pa rin nito ang kamay niya nang humarap sila sa mga bisita. Kapagkuwan ay humarap ito sa kanya. “Gusto kong gawing witness ang lahat ng mga bisita mo dito para sa gagawin kong proposal.”
     “Ha?” naguguluhang tanong niya. “Anong proposal?”
     “Marriage proposal.” nakangiting sagot nito.
     “Pero hindi na naman kailangan ‘yon since you’re already my---“
     “That’s different.”
     “But still---“
     “One more word from you, Dominique at hahalikan na kita.” banta nito.
     Agad naman niyang itinikom ang bibig niya. Hindi dahil sa banta nito kundi dahil hindi siya ready na mahalikan sa harap ng maraming tao.
     Nagpatuloy na uli ito sa pagsasalita nang masigurong hindi na siya sisingit pa. “Iba ‘yong engagement na nangyari sa’tin before. It’s our parents who set that up at isang arrange marriage ang tingin ko do’n. This proposal that I’m making is on my own free will. Hindi ako inuutusan or whatsoever. Naiintindihan mo?”
     Tumango lang siya.
     “Okay.” saglit itong hindi nagsalita bago hinawakan ng mahigpit ang dalawang kamay niya kapagkuwan ay lumuhod ito sa harap niya. Narinig niya ang pagsinghap ng mga tao sa paligid at ang iba naman ay pumito pa. “Dominique Del Rosario, I don’t think I can live my life without you, so, can you please do me a favor of spending the rest of your life with me?”
     Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at sunod-sunod na tango ang isinagot niya dito. “Kailangan pa bang itanong ‘yan? Hindi na rin naman kita hahayaang makawala pa sa’kin no.” nakataas ang isang kilay na sabi niya dito.
     Natatawang tumayo ito at niyakap siya ng mahigpit. “I love you so much, baby.”
     “And I love you more, Nicko.” natatawa na ring sagot niya habang nag-uumpisang bumalong ang mga luha sa kanyang mga mata. Sobrang saya niya at ‘yon na ang pinaka-magandang regalong natanggap niya sa buong buhay niya.
     “’Asan na ang singsing, anak?” tanong ng daddy ni Nicko nang maghiwalay sila.
     Lalo siyang natawa nang ngumiwi si Nicko bago may kung anong dinukot sa bulsa ng pantalon nito. Ang dating engagement ring niya ang isinuot nito sa daliri niya pagkatapos ay hinawakan nito ang magkabilang pisngi niya at tinuyo ang mga luhang hindi pa rin tumitigil sa pagtulo.
     “Kiss… kiss.”
     “Well? They’re asking for a kiss. Are we going to grant their wish?” tanong ni Nicko sa kanya.
     Ngumisi siya. “Kailangan pa bang itanong ‘yan?” balik-tanong niya pagkatapos ay hinila niya ang kuwelyo ng suot nito at siya na ang naglapat ng labi niya sa labi nito. Wala na siyang pakialam kung maraming tao ang nanonood sa kanila. They’re going to get married anyway.
     Hinapit siya nito sa baywang at nakangiting tinugon ang halik na inumpisahan niya.

---WAKAS---

CHAPTER TEN


ABALA si Nickie sa pag-aayos ng mga gamit niya nang araw na ‘yon. Sinasabayan pa niya ang kantang tumutugtog sa laptop niya habang inilalagay sa malalaking bag at mga kahon ang mga ‘yon.
     Tatlong araw na ang nakararaan nang sa wakas ay magkaro’n siya ng lakas ng loob na puntahan ang mga magulang niya at makipag-usap sa mga ito. Nagkakuwentuhan pa sila ng matagal-tagal at nagbalitaan ng mga bagay na nangyari sa kanila nang mga araw na hindi sila magkakasama. Ang gusto pa nga ng mga ito ay doon na sila matulog ni Nicko nang gabing ‘yon. Sinabi na lang niya sa mga ito na babalik siya kinabukasan at may pasok pa ang binata sa opisina kaya hindi nila puwedeng pagbigyan ang mga ito.
     Wala sa sariling napangiti siya nang maalala si Nicko. It’s been three days since that little incident between them outside her parent’s house. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maintindihan kung ano ang nangyari at bigla na lang siyang hinalikan nito.
     Hindi naman sa nagrereklamo siya. Honestly, she loved it. Hindi naman ‘yon ang unang beses na nahalikan siya nito pero pakiramdam niya ay first kiss niya ‘yon. Well, technically, iyon ang first real kiss na namagitan sa kanila ni Nicko at masasabi niyang nakakaadik pala ang mga labi nito.
     Humagikgik siya sa pilyang ideya na pumasok sa isip niya. How she loved that man. Hindi niya alam kung anong gayuma ang ginawa nito sa kanya at hindi na mawala ang nararamdaman niya para dito. Kahit noon pa ay gano’n na siya kabaliw dito. Hindi nga lang niya sinasabi ‘yon dahil natatakot siya na baka layuan siya nito. At least ngayon, nagagawan niya ng paraan para ma-in love ito sa kanya. Malaking advantage ang pagiging slave nito para magawa niya ‘yon.
     Inilabas niya ang mga naipon niyang koleksiyon sa de kahoy na cabinet na ipinagawa niya. Ayaw kasi niya nang nadudumihan ang mga koleksiyon niya kaya niya naisipang ipagawa ang cabinet na ‘yon. Karamihan sa mga naipon niya ay mga palaka. Iba’t-ibang uri ng gamit, basta may mukha ng palaka ay iniipon niya.
     “Bakit ang dami mong palaka?” tanong ng baritonong tinig na nagpagulat sa kanya. Sapo ang dibdib na nilingon niya ang pinto at parang gustong tumalon ng puso niya palabas sa ribcage niyon nang masilayan ang guwapong mukha ni Nicko na nakasandal sa gilid ng pinto ng kuwarto niya habang nakahalukipkip. Halatang galing ito sa opisina.
     “’Wag ka ngang nanggugulat diyan. Baka atakihin ako sa puso nang wala sa oras eh.” pagtataray niya dito kahit na ang totoo ay gusto niya itong daluhungin ng yakap at pupugin ng halik ang buong mukha nito. “What are you doing here?”
     Nagkibit balikat ito at nagsimulang lumakad palapit sa kanya. “I’m here to help you pack your things. I’m your slave, remember?”
     “Oo nga pala. Okay, ikaw na ang mag-ayos ng mga ‘yan.” utos niya dito.
     Agad naman itong sumunod. Inililis nito ang manggas ng suot nitong long sleeves bago inumpisahang ayusin ang mga gamit niya. “Seriously, sa dinami-dami ng mga puwede mong i-collect, bakit si keroppi pa ang napili mo? Dati si pikachu na may hepa ang kinikolekta mo ngayon naman si keroppi.” tanong nito habang nakatuon ang atensiyon sa paglalagay ng mga gamit sa kahon.
     Nagkibit-balikat siya bago umupo sa gilid ng kama. “Nag-umpisa lang naman akong matuwa kay Kerokeroppi no’ng malaman kong takot si Les sa palaka eh. Natatandaan mo siya? ‘Yong classmate ko na kasama sa team ng tennis club?”
     Bigla itong tumigil sa ginagawa at hinarap siya. Nakasimangot ito. “Ano? Paki-ulit nga ang sinabi mo.”
     Kumunot ang noo niya. “Alin do’n?”
     “When did you start collecting these stupid frogs?”
     “Hey! Don’t call them stupid! Wala namang ginagawa sa’yo ang mga palakang ‘yan ah.” saway niya dito.
     “Dahil lang ayaw ng Lessander na ‘yon ng palaka, natuwa ka na? And just that? Nangolekta ka na ng mga ‘to?” patuloy na pagtatanong nito.
     “Ano bang problema mo? Bakit bigla ka na lang nagagalit?” naiinis na tanong niya. Kanina lang ay maganda naman ang mood nito pagkatapos ngayon ay magagalit ito nang hindi man lang niya alam ang dahilan?
     “Stop collecting this freaking frogs, understand? Itatapon mo na ang lahat ng mga ‘to.” Kumuha ito ng malaking plastic at inilagay doon ang mga gamit niyang makitaan nito ng mukha ng palaka. Hindi pa ito nakontento, kinalat pa nito ang mga gamit niyang naayos na niya at tiningnan kung may makikita pa itong mukha ng palaka do’n.
     “Bakit ba pinag-iinitan mo ‘yang mga palakang ‘yan? Inaano ka ba nila?” naningkit ang mga mata niya nang may maalala. “Sa mga palaka ka ba galit o sa dahilan kung bakit ako nangongolekta ng mga ‘yan? Nagseselos ka kay Les no?” panunudyo niya dito. Dumapa siya sa kama para makalapit siya dito. Ipinatong niya ang baba sa mga kamay niya habang nakatukod ang mga braso niya sa kama.
     Naiinis na lumingon ito sa kanya dahilan para magkalapit ang mga mukha nila. Nahigit niya ang hininga nang makipagtitigan ito sa kanya. “What if I am? Anong gagawin mo? Itatapon mo na ‘tong mga palakang ‘to?” naghahamong tanong nito.
     Hindi siya makasagot. Hindi dahil hindi niya alam ang isasagot kundi dahil masyadong malapit ang mukha nito sa kanya. Napakabilis ng kabog ng dibdib niya. Isang maling galaw lang niya ay may posibilidad na maglapat na ang mga labi nila. Napalunok siya.
     Mukhang naramdaman nito ang kabang nararamdaman niya dahil lalo pa nitong inilapit ang mukha sa kanya. “I’m asking you a question, honey.”
     Wala sa sariling napatango siya.
     Ngumiti ito ng malapad at dinampian ng masuyong halik ang labi niya bago ito lumayo sa kanya at itinuloy ang pag-aayos ng mga gamit niya. Ilang minuto rin siyang nakatunganga lang do’n at hindi makagalaw.
     What the hell just happened?
     Pumikit siya ng mariin at patihayang humiga sa kama. Hindi na niya pinansin si Nicko na abala pa rin sa ginagawa nito. Sinapo niya ang dibdib na hindi pa din tumitigil sa pagtibok ng mabilis. Shit na malagkit!
     Kinikilig talaga siya sa mga nangyayari sa kanila. Ang dati nang nararamdaman niya para sa binata ay lalong tumindi at lumalim. Well, hindi naman siguro masamang mag-assume na kahit papa’no ay may nararamdaman na rin ito para sa kanya kung ang mga kilos nito ang pagbabasehan.
     Napapiksi siya nang maramdaman ang pagpisil na ‘yon sa tungki ng ilong niya. Bumangon siya at umupo sa kama habang hinihimas ang nasaktang ilong. “Masakit ‘yon ha.” nakasimangot na reklamo niya.
     “Kasi naman wala na naman sa earth ang utak mo.” ani Nicko na umupo sa tabi niya. “Labas tayo mamaya.” biglang sabi nito mayamaya.
     Napalingon siya dito dahil sa sinabi nito. “Pakiulit nga.”
     Itinukod nito ang mga kamay sa kama at inilapit ang mukha sa kanya. “Ang sabi ko labas tayo mamaya.” ulit nito sa sinabi kanina sa mas malakas na boses.
     Inilapat niya ang isang palad sa mukha nito at inilayo ‘yon sa mukha niya dahil baka hindi siya makapagpigil at siya na ang humalik dito. “Narinig ko na.” tumayo siya at nakapamaywang na hinarap ito. “Saan naman tayo pupunta?”
     Nagkibit-balikat ito. “Kahit saan. Ikaw, saan mo ba gustong pumunta?”
     Saglit siyang nag-isip. Mayamaya ay nakangisi siya nang muli itong balingan. “Alam ko na kung saan tayo pupunta.”
     Kumunot ang noo nito. “Saan?”
     “Basta. Pero…” tiningnan niya ang suot nito. “Magpalit ka ng damit ha? ‘Yong casual lang. Hindi bagay ‘yan sa pupuntahan natin mamaya.”
     Naningkit ang mga mata nito. “Anong kalokohan ‘yan, Dominique?” tanong nito. Nasa anyo nito ang pagdududa.
     “Wala.” pagmamaang-maangan niya. “Kanina tinatanong mo ko tapos ngayon ganyan ang hitsura mo.” tinalikuran na niya ito. “Diyan ka na nga. Ayusin mo na ‘yang mga gamit ko tapos umuwi ka na sa bahay n’yo.”
     Ngunit bago siya tuluyang makalabas ng kanyang silid ay hinapit na siya nito sa baywang at niyakap mula sa likuran. Nahigit niya ang hininga at hindi nakapag-react sa ginawa nito. Bumalik sa alaala niya ang namagitan sa kanila sa labas ng bahay ng mga magulang niya pagkatapos niyang kausapin ang mga ito.
     “Hey! Lumayo ka muna sa’kin. Ang baho ko kaya.” aniya nang makabawi. Bigla niyang naalala na hindi pa nga pala siya naliligo dahil tinapos pa niya ang pag-aayos ng mga gamit niya.
     Ngunit imbes na lumayo ay lalo lang nitong hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya. “Hmmm…”
     Pinalo niya ang mga braso nitong nakayakap sa kanya. “Nicko, ano ba?” saway niya dito.
     “’Wag kang malikot. Hindi ka naman mabaho eh.” bulong nito sa tapat ng tainga niya. That simple gesture sent shiver down her spine. Nanlalambot na siya dahil sa nararamdaman niya.
     “Maliligo na muna ako. Sige na.”
     “Dito ka muna. Five minutes lang then I’ll go home na.”
     Hindi na siya nagsalita at hinayaan na lang ito sa gusto nito. Gusto rin naman niya ‘yon kaya hahayaan na lang niya na makulong siya sa mga bisig nito. Pumikit siya at ninamnam ang pakiramdam na makulong sa mga bisig ng lalaking minamahal.

“NA-MISS ko ‘to, Nickie. Promise.”
     Natawa si Nickie dahil sa sinabing ‘yon ni Nicko. Kasalukuyan silang nasa gitna ng field ng La Salle. Pagkatapos nilang bumili ng sandamakmak na pagkain ay doon na sila dumeretso. Mabuti na lang at pinapasok sila ng guard at may mga estudyante pang naroroon kaya hindi sila nahirapan.
     “Dahan-dahan naman. Mabulunan ka niyan sige ka.” humiga siya sa damuhan. “Sana kasama rin natin si M dito. Nakaka-miss ‘yong magkakasama tayong tatlo habang kumakain dito eh.”
       “Okay lang ‘yan. ‘Wag na si M at istorbo lang ‘yon sa date natin eh.”
     Nilingon niya ito at nginisihan. “Eh di inamin mo rin na date ‘to. Magde-deny ka pa kanina eh.”
     Nagkibit-balikat ito habang patuloy sa pagsubo ng carbonara na binili nila sa Red Ribbon. “Wala lang. Trip lang naman ‘yon eh.”
     Bumangon siya at inagaw ang kinakain nito. “’Wag mo kong ubusan. Ang takaw mo naman eh.”
     Umungol ito tanda ng pagpoprotesta. Nginuya muna nito ang nasa bibig at uminom ng tubig bago siya muling binalingan. “Ikaw naman kasi sabi ko sa’yo dagdagan natin ‘yong order eh. Tapos ngayon aagawan mo ko ng pagkain.” parang batang reklamo nito.
     Tinaasan niya ito ng isang kilay. “May reklamo ka do’n?”
     “Wala ‘no. Sino nagsabing nagrereklamo ako?” ngumiti ito ng matamis. “Sige lang kumain ka lang diyan. Damihan mo at nang tumaba ka naman.” udyok pa nito sa kanya.
     Natawa na lang siya. Ang cute talaga nito. Kung bakit ba kasi ngayon lang niya nakikita ang totoong ugali ni Nicko? Palagi kasi itong nagsusungit kapag nasa paligid siya. Mabibilang nga yata sa kamay ang mga pagkakataong nakita niya itong ngumiti ng masuyo sa kanya. Pero kahit gano’n ay wala namang nagbago. Mahal pa rin niya ito. Kahit yata maging kriminal pa ito ay mamahalin pa rin niya ito eh.
     Umisod siya palapit dito at iniumang ang paper plate na naglalaman ng carbonara. “’Ayan na po, subo na.”
     Inilayo lang nito ang mukha. “’Wag na. Sige na kainin mo na ‘yan.” tanggi nito.
     Lumabi siya. “Niloloko lang naman kita eh. ‘Eto naman nagtatampo agad.”
     Ngumiti ito at pinisil ang ilong niya. “Hindi naman ako nagtatampo eh. Kumain ka na lang, okay? Madami pa naman tayong pagkain dito eh.”
     Umingos lang siya at tinalikuran na ito. Kung ayaw nitong subuan niya ito, eh di ‘wag. Siya na lang ang kakain ng carbonara na ‘yon.
     Narinig niya ang pagbuntong hininga nito pagkatapos ay naramdaman na lang niya ang pagpulupot ng mga braso nito sa baywang niya. Ipinatong nito ang baba sa balikat niya. “Nagtampo na naman ang baby ko.”
     Huminga siya ng malalim dahil biglang nagkabikig sa lalamunan niya at bumilis na naman ang tibok ng puso niya. Hindi na talaga siya masasanay sa mga kakaibang nararamdaman niya para sa binata.
     “Hindi naman ako nagtatampo. Kakain lang ako.”
     “Sige lang kumain ka lang diyan. Dito lang ako.” bulong nito at ibinaon ang mukha sa leeg niya.
     “Pa’no kaya ako makakakain niyan kung andiyan ka?”
     “Naiilang ka?”
     Napakagat-labi siya dahil ramdam na ramdam niya ang mainit na hininga nito sa sensitibong parte ng leeg niya. “Oo.” pag-amin niya.
     Nag-angat ito ng mukha. “Bakit ka naiilang?”
     Bakit nga ba? “Basta. Naiilang ako.” kunwari ay pagtatapang-tapangan niya kahit na gusto na niyang lumubog sa kinauupuan niya. Pupusta siyang pulang-pula na ang mukha niya.
     Kinuha nito sa kanya ang hawak na paper plate pagkatapos ay pinilit siya nitong humarap dito. Tinitigan siya nito sa mga mata. “Bakit ka naiilang? Hindi kaya dahil may feelings ka rin para sa’kin?” panghuhula nito.
     Hindi siya nakasagot at nagbaba lang ng tingin pero mayamaya lang ay biglang bumalik ang tingin niya dito. “Rin?” kunot-noong tanong niya. “What do you mean ‘rin’?”
     “Ano sa palagay mo ang ibig sabihin niyon?”
     “Don’t tell me…”
     “What?” panghihimok nito.
     “Ako pa ba ang kailangang magsabi? Hindi ba dapat ikaw na ang nagsasabi niyon?” nakataas ang isang kilay na aniya.
     Bumuntong hininga ito. “Okay fine. I love you. Satisfied?”
     Natameme siya. So, tama pala ang hinala niya. May karapatan naman pala siya para mag-assume dahil may nararamdaman na rin ito para sa kanya. Parang gusto niyang magtatalon sa tuwa dahil sa nag-uumapaw na kaligayahang nararamdaman niya nang mga sandaling ‘yon.
     “Hey! Anong nangyari sa’yo? Gano’n na ba talaga ang epekto ng pagsasabi ng I love you ngayon?” natatarantang hinawakan nito ang mukha niya at pinunasan ang mga luhang hindi niya namalayang tumulo na pala. “Stop crying, Nickie.”
     Natatawang isinubsob niya ang mukha sa dibdib nito. Hindi pa siya nakontento at tuluyan na niyang pinakawalan ang damdamin niya. Niyakap niya ito ng mahigpit. “Bakit ngayon mo lang sinabi ‘yan?” garalgal ang tinig na tanong niya dito.
     Naramdaman niya ang pagpulupot ng braso nito sa katawan niya habang hinihimas ang likod niya. “Ang akala ko naman nararamdaman mo na ‘yon eh. Hindi ba halatang mahal kita? Hindi ko kasi alam kung pa’no sasabihin sa’yo kaya dinadaan ko na lang sa gawa.”
     “Siyempre hindi naman ako puwedeng mag-assume eh. Pa’no pala kung mali ako ng akala? Eh di napahiya ako at nasaktan.”
     “Okay. I’m sorry. Kasalanan ko. Hindi ko lang talaga alam kung pa’no ang gagawin ko eh. Hindi pa naman kasi ako nai-in love sa buong buhay ko. Ngayon pa lang.” nahihiyang sabi nito.
     Hanggang sa maghiwalay sila ay tatawa-tawa pa rin siya. “At least nasabi mo na, di ba? Wala namang nawala sa’yo no’ng sinabi mong mahal mo ko. Ang sweet nga eh.” pang-aasar niya dito.
     Namula ang pisngi nito. “Nasabi ko na ngang mahal kita pero ikaw hindi mo pa sinasabi sa’kin na mahal mo rin ako.”
     “Kailangan pa bang itanong ‘yan? Noon pa man mahal na kita kaya dapat alam mo na ‘yon eh.” aniya.
     Tiningnan siya nito sa mga mata na parang inaarok kung totoo nga ba ang sinabi niya. “You really love me? Kahit nasaktan kita noon?” paniniguro nito.
     Tumango siya. “Sa tingin mo ba kakausapin pa kita kung hindi kita mahal?” hinawakan niya ang T-shirt nito at hinila ito palapit sa kanya. “Kahit na ano pa siguro ang gawin mo talagang hindi na ko makakawala pa sa’yo. Kaya wala na kong magagawa kundi mahalin ka habang buhay.”
      Unti-unting lumawak ang ngiti sa mga labi nito at bago pa niya mahulaan ang susunod nitong gagawin ay niyakap na siya nito. “I love you, Dominique.” sigaw nito.
     Natawa siya. “You don’t have to shout, Nicko. Baka isipin nilang may kasama akong baliw.” pang-aasar niya dito kahit na nag-uumpisa na namang tumulo ang mga luha niya.
     Nang kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya ay ikinulong nito ang mukha niya sa mga kamay nito. “Kahit magmukha pa kong baliw habang buhay okay lang sa’kin. Basta malaman lang ng lahat kung ga’no kita kamahal.” punong-puno ng pagmamahal ang mga mata nitong nakatingin sa kanya.
     Hinampas niya ito sa braso. “Nakakainis ka naman. Pinapaiyak mo ko eh.”
     He chuckled. Tinuyo nito ang mga luha niya at pinakatitigan siya. “I love you, baby.”
     “I love you too, Nicko.” nakangiting sagot niya.
     And there, in the middle of the field. He gave her the sweetest kiss in the world.

CHAPTER NINE


MABILIS na nagdaan ang mga araw. Isang linggo na rin ang nakararaan nang muli silang magkita ni Nicko sa mall. Malaki nga ang pinagbago ng ugali nito na hindi niya alam kung pa’no nangyari. Dati ay ilag na ilag ito sa kanya at kailangan pa niya itong kulitin para lang pansinin siya nito ngunit ngayon ay ito na ang nangungulit sa kanya.
     Ang totoong dahilan niya kaya niya naisip na gawin itong slave ay dahil plano niyang paibigin ito. Tutal naman ay sinabi nito sa kanya na gagawin nito ang lahat para mapatunayan sa kanya na sinsero ito sa pakikipaglapit nito sa kanya. Sumagi na rin naman sa isip niya na masyadong risky ang ginagawa niya dahil wala namang kasiguruhan kung mamahalin nga siya nito bilang siya at hindi lang bilang isang kaibigan o nakababatang kapatid lang. Sana lang ay mapagtagumpayan niya ‘yon sa pagkakataong ‘yon.
     Sa nagdaang isang linggo ay napansin niyang masyado nitong dinidibdib ang ginagawa nito bilang slave niya. Maaga pa lang ay nagpupunta na ito sa apartment niya upang dalhan siya ng agahan. Kung tutuusin nga ay hindi na niya ito kailangan pang utusan dahil alam na nito kung ano ang mga dapat gawin. Pagkatapos nitong hugasan ang mga pinagkainan nila ay magpapaalam na ito sa kanya para pumasok sa opisina. Kapag tanghali naman ay magugulat na lang siya dahil dadating ito na may bitbit na tanghalian para sa kanila. Maging sa hapon ay gano’n din.
     Sa tingin nga niya ay nagiging OA na ito sa mga ginagawa nito. Hindi nga lang niya ito magawang sitahin dahil mukhang masaya naman ito sa ginagawa nito at aaminin niyang kinikilig siya. Masarap pala sa pakiramdam ang maalagaan ng isang Nicko Alvarez.
      Pagkatapos isara ang laptop niya ay lumabas na siya ng kuwarto. Agad na nanuot sa ilong niya ang mabangong amoy ng kaldereta. Napailing-iling siya ‘tsaka tumuloy na sa pagbaba. May ideya na siya kung sino ang nagluluto at kung pa’no ito nakapasok sa apartment niya.
     “Pa’no ka na naman nakapasok dito?” bungad na tanong niya dito. Tinaasan pa niya ito ng isang kilay para hindi halatang kinikilig na naman siya. Hindi niya maintindihan kung bakit magaan ang loob dito ng landlady nilang si Mama Iveca gayong ang pagkakakilala nila rito ay istrikto ito pagdating sa mga boarders nito.
     Ngunit si Nicko ay agad na nginitian nito nang una niyang ipakilala ang binata dito. Mabait si Mama Iveca at pangalawang ina na ang turing nila dito. Wala itong sariling pamilya kaya kung ituring sila nito ay parang mga tunay na anak na rin.
     “Hiniram ko kay Mama Iveca ‘yong spare key dito sa bahay mo.” nakangiting sagot nito nang humarap ito sa kanya. Nag-iwas siya ng tingin dahil biglang nagrigodon ang puso niya nang masilayan niya ang nakangiting mukha nito. Sanay na siya sa mga kakaibang tinging ibinibigay nito sa kanya pero iba pa rin ang epekto no’n sa pobreng puso niya.
     “Dapat hindi basta-basta nagtitiwala si Mama Iveca sa kung sino-sino. Pa’no kung mamamatay tao ka pala? Eh di namatay na ko ng wala sa oras.” patuloy pa rin siya sa pagtataray kahit na sa loob-loob niya ay gusto na niyang isuhestiyon dito na sa bahay na lang niya ito tumira para hindi na ito nahihirapan sa pagbiyahe araw-araw.
     Napakunot-noo siya. Doon ito titira? Talaga bang naisip niyang isuhestiyon dito ‘yon? That simple thought somehow excites her. Para na silang mag-asawa kung magsasama sila sa iisang bubong.
     Ipinilig niya ang kanyang ulo. Kung ano-ano na naman ang pumapasok na kalokohan sa isip niya. Malala na nga talaga siya at wala nang lunas pa ang kung ano man ang dumapong sakit sa kanya.
     Pinamaywangan siya nito. “Ibang tao ba ang tingin mo sa’kin?” nakataas ang isang kilay na tanong nito habang ang isang kamay nito ay may hawak pang sandok.
     He looked so adorable wearing her blue apron. Hindi nakabawas sa angking kaguwapuhan nito ang kasalukuyang hitsura nito ngayon. Sa palagay nga niya ay bagay pa ‘yon dito.
Husband material. kinikilig na komento ng malanding bahagi ng isip niya.
     Pinagtaasan rin niya ito ng isang kilay para pagtakpan ang totoong nadarama. “Bakit? Ano ba kita? Slave lang naman kita ah?”
     Itinaas nito ang kamay na may hawak na sandok at itinutok iyon sa kanya. “For your information, Miss Del Rosario, you’re my fiancé. Pumayag lang akong maging slave mo dahil gusto mo at may gusto akong patunayan sa’yo. Naiintindihan mo?” pagtataray na rin nito.
     Lihim siyang natigilan. Iyon ang unang beses na sinabi nito sa kanya na fiancé siya nito. Kahit minsan ay hindi nila napag-usapan ang mga nangyari sa nakaraan dahil nararamdaman pa rin niya ang pamilyar na lungkot kapag naaalala niya ang kinahinatnan nilang dalawa.
     “Fiancé? Hindi ba tapos na ‘yon? If I’m not mistaken, we’ve already talked about it two months ago.” naniningkit ang mga matang aniya.
     Hindi niya alam kung saan niya nakukuha ang lakas ng loob na sabihin pa ‘yon dito. Di ba dapat ay natutuwa siya dahil sa wakas ay kinokonsidera na nito ang lugar niya sa buhay nito noon? Dapat ay masaya siya dahil iniisip nito na fiancé pa rin siya nito kahit na dalawang buwan na niyang inalis ang titulong ‘yon sa kanya nang sabihin niya ritong ‘wag nang ituloy ang kanilang kasal?
     Pero ano ang nangyayari sa kanya at ang dami pa niyang tanong? Na kung ano-ano pa ang sinasabi niya dito? Ayaw na ba niyang maging asawa nito balang-araw? Hindi ba at ‘yon naman ang gusto niya?
     I want him to fall in love with me. Hindi lang ‘yong ico-consider niya na fiancé niya ko. Magkaiba ‘yon!
     Makontento ka na. Choosy ka pa eh.
     “And if I remember it correctly, ikaw lang ang tumapos sa kasunduang ‘yon. Pumayag ba ko?” hindi patatalong tanong nito.
     Hindi siya nakasagot doon. Wala nga naman itong sinabi na tapusin na nila ang kung anumang kasunduan ang napasukan nila noon ngunit hindi ba’t napilitan lang itong tanggapin ‘yon?
     Nagkibit-balikat siya. Hindi na lang siya magtatanong ng kung ano-ano pa dito. Makokontento na lang muna siya sa kung ano man ang ginagawa nito. Who knows? Maybe in the end, he will realize that he loves her more than anything else. “Eh di fiancé kung fiancé. ‘Di na nga aangal eh.” wika niya kapagkuwan ay naglakad na palapit sa pandalawahang mesa at umupo do’n.
     Nang mapansin niyang natahimik ay nilingon niya ito. Nakatingin ito sa kanya habang may nababasa siyang kung anong emosyon sa mga mata nito na hindi niya mapangalanan. “Hoy, kakain ba tayo o hindi?” nakataas ang isang kilay na tanong niya.
     Ipinilig nito ang ulo at nakangiting naglakad palapit sa kanya. “Kakain na po, mahal na prinsesa.” masiglang sagot nito. Nagulat siya nang bigla na lang siyang halikan nito sa tuktok ng ulo. At bago pa siya makahuma ay nakatalikod na ito at masayang naghahanda ng mga pagkain sa mesa.
     Nang makaupo ito sa bakanteng silya ay ito na rin ang naglagay ng mga pagkain sa plato niya katulad ng palagi nitong ginagawa. Sabay pa silang napalingon sa gawi ng front door nang marinig nila ang sunod-sunod na pagkatok.
     “Ako na.” aniya at tinungo ang pinto.
     Pagbukas niya ng pinto ay ang problemadong mukha ni Xander ang nabungaran niya. Natural lang na magulat siya dahil kung ano man ang kailangan nito sa kanya, ngayon pa lang ang pangalawang beses na magkakausap sila ng gano’n.
     “Puwedeng makaistorbo?” tanong nito sa alanganing tono.
      Saglit siyang nag-alinlangan dahil baka hinihintay siya ni Nicko ngunit nanaig ang pagiging mabuting kaibigan niya kaya pumayag na rin siya. Tumingin siya sa gawi ng kusina pagkatapos ay muli niyang ibinalik ang tingin dito at tumango.
     Lumabas siya ng bahay at tahimik na isinara ang pinto.

KUMUNOT ang noo ni Nicko nang ilang minute na ang nakararaan ay hindi pa rin bumabalik si Nickie. Sino kaya ang kumatok sa pinto at ang tagal nitong bumalik?
     Tumayo siya at sumilip sa sala ngunit wala namang tao doon. Lalo siyang nagtaka. Baka naman lumabas lang ito sandali. Ngunit hindi rin naman siya nakatiis at nagpasya siyang silipin na ito sa labas.
     Agad naman niya itong nakita sa labas. Hindi ito nag-iisa. Kasama nito ang lalaking nakita niyang kasama rin nito noong nakaraang linggo sa mall. Ngayon lang uli niya nakita ang lalaki at hindi niya inasahan ‘yon. Agad nag-init ang ulo niya lalo na nang ngumiti ang lalaki at yakapin si Nickie. Ginulo pa nito ang buhok ng dalaga pagkatapos.
     Pinigilan niya ang sariling sugurin ito at hamunin ng suntukan. Hindi siya gano’n. Huminga siya ng malalim bago humakbang palapit sa mga ito. “Dominique.” tawag niya dito sa kaswal na tinig.
     Sabay na lumingon ang mga ito sa kanya. Kitang-kita niya nang hawakan ni Nickie ang kamay ng lalaki at hilahin ito palapit sa kinatatayuan niya.
     Ano kaya ang ginagawa nito doon?
     “Nicko, this is Xander, kaibigan ko.” pakilala ni Nickie sa lalaking hawak pa rin nito ang kamay nang makalapit ang mga ito sa kanya. Tumingin ito sa lalaking tinawag nitong Xander. “Ran, si Nicko.”
     Inilahad ng lalaki ang kamay sa kanya. “Nice meeting you, pare.”
     Atas ng kagandahang-asal ay tinaggap niya ang pakikipag-kamay nito ngunit saglit lang ‘yon. Hinarap niya si Nickie. “Lalamig ang pagkain. Dalian mo.” aniya. Nagpaalam na siya sa mga ito at bumalik na sa loob.
     Nakahinga siya ng maayos ngayong alam na niyang kaibigan lang pala ito ng dalaga. Siguro ay may problema lang ito kaya kinailangan nito ng kausap.
     Selos ka na naman?
     Hindi no!
     Hmp! Denial king!
     Hindi naman nagtagal ay narinig din niya ang pagsara ng pinto at ang mga yabag patungo sa kusina. “Pasensiya ka na Nicko, kinailangan lang kasi ni Ran ng kausap eh.”
     Tumango siya at nag-umpisa nang kumain. “Kumain ka na diyan. Maaga akong uuwi ngayon para makapagpahinga ka.”
     Nag-angat ito ng tingin at ngumiti. “Okay.” sagot nito ‘tsaka ipinagpatuloy ang pagkain.

KINABUKASAN ay hindi mapakali si Nickie. Kanina pa niya hawak ang cellphone niya at nagdadalawang-isip kung tatawagan si Nicko o hindi.
     Umupo siya sa sofa at sumandal sa sandalan kapagkuwan ay pumikit siya. Ilang sandali rin siyang nag-internalize bago siya nakabuo ng desisyon. Huminga siya ng malalim bago hinanap ang numero ni Nicko sa phonebook niya. Hindi rin naman nagtagal at sinagot na nito ang tawag niya.
     “What’s up, honey?” tanong nito.
     “Nicko…” anas niya. Kinakabahan siya. Hindi niya alam kung pa’no sasabihin dito ang gusto niyang sabihin.
     “Nickie? May problema ba?” nahimigan niya ang pag-aalala sa tinig nito.
     “Puwede ka bang pumunta dito?” alanganing tanong niya. Ito ang gusto niyang makasama sa mga oras na ‘yon at wala nang iba.
     “May nangyari ba, Nickie? Sige. Hintayin mo ko. Papunta na ko diyan.” Iyon lang at nawala na ito sa kabilang linya.
     Muli siyang huminga ng malalim bago umakyat sa kanyang silid. Humiga muna siya sa  kanyang kama habang hinihintay na dumating si Nicko. Wala namang pinagkaiba kung sa ibang araw pa siya pupunta sa bahay nila. Sooner or later, kailangan na rin niyang bumalik sa mga magulang niya. Mas mapapadali nga lang ngayon dahil sa pesteng panaginip na ‘yon.
     Masama ang naging panaginip niya nang nagdaang gabi tungkol sa mga magulang niya. Nasangkot ang mga ito sa isang vehicular accident at hindi na nakaligtas pa. Hindi niya makakalimutan ang takot na naramdaman niya nang magising siya. Wala siyang ginawa magdamag kundi mag-iiyak.
     Kaya naman hindi na siya masyadong nakatulog dahil todo ang ginawa niyang pag-iisip kung pupuntahan na ba niya ang mga magulang niya.
      Magiging maayos din ang lahat. Naging mabuti silang mga magulang sa’yo. Alam mo sa sarili mo na mahal ka nila kahit na umalis ka sa poder nila. At siguradong matutuwa sila oras na bumalik ka sa piling nila. Gano’n ka nila kamahal.
     Napabangon siya nang makarinig ng sunod-sunod na katok sa pinto ng kanyang silid. Agad niyang binuksan ‘yon. Habol pa ni Nicko ang hininga nito habang nakalapat ang isang kamay sa pader sa tabi ng pinto.
     “Nicko…” tawag niya dito. Naawa naman siya dito at bahagyang na-guilty dahil alam niyang naabala niya ito sa oras ng trabaho nito.
     Itinaas nito ang isang kamay at ipinatong sa balikat niya. Nang makabawi ito ay nag-angat ito ng mukha at tiningnan siya. “Anong problema?” tanong nito. Mababakas pa rin sa guwapong mukha nito ang pag-aalala.
     Napangiwi siya. “Sorry kung naistorbo kita sa oras ng trabaho mo.” hingi niya ng paumanhin dito.
     “Wala ‘yon. Ano nangyari?” ulit nito sa tanong nito.
     Ilang saglit din siyang nag-alinlangan bago sinabi dito ang kailangan niya. “Ready na kong puntahan sina Mommy.”
     Saglit na tila naguluhan ito bago nag-sink in sa isip nito ang sinabi niya. Nagliwanag ang mukha nito. “Talaga? You mean ready ka nang umuwi sa inyo? Kahit ngayon na?” excited na tanong nito.
     Tumango siya. “Puwede mo ba kong samahan?”
     “Oo naman.” pumalatak ito. “Kinabahan naman ako sa’yo. Akala ko kung ano na ang nangyari sa’yo nang tumawag ka eh.” Pinisil nito ang ilong niya. “Sige na magbihis ka na. Hihintayin kita sa baba.”
     Nakakaramdam pa rin siya ng kaba sa nalalapit na pagkikita nilang muli ng mga magulang niya pero hindi na kasing-tindi ng kanina. Sana ay maayos na ang problema niya para bumalik na sa dati ang takbo ng lahat.
     Inumpisahan na niyang mag-ayos ng sarili para hindi masyadong maghintay ng matagal sa kanya si Nicko.

ANG KABANG naramdaman ni Nickie habang nasa biyahe sila ni Nicko ay lalong tumindi nang sa wakas ay marating nila ang pupuntahan.
     Nanatili siyang nakatayo sa tabi ng sasakyan habang nakatingin sa malaking bahay na tinirhan niya sa loob ng dalawampu’t-isang taon. Surely, she missed their house. And their parents, of course.
     Naramdaman niya ang pagtabi ni Nicko sa kanya. “Ready?” tanong nito.
     Tumango siya. It’s now or never. Hindi siya dapat kabahan dahil mga magulang naman niya ang kakaharapin niya. Alam niyang hindi siya sasaktan ng mga ito. Pinairal lang talaga niya ang katigasan lang talaga ang ulo niya.
     Ginagap nito ang kamay niya kaya napabaling siya dito. Sinalubong siya ng masuyong ngiti nito. “’Wag ka nang kabahan. Nandito lang ako sa tabi mo, okay?” paga-assure nito sa kanya.
     Dahil sa sinabi nito at sa ngiti nito ay nawala ang anumang kabang nararamdaman niya. Nakangiting tumango siya at nagpagiya dito papasok sa loob.
      Si Miel, isa sa mga kawaksi nila ang nagbukas sa kanila. Anak ito ng yaya niyang si Yaya Mela. Mas matanda lang ito sa kanya ng dalawang taon at kasundo niya ito.
      Nanlaki ang mga mata nito nang makita siya nito. “Ma’am Dominique!” masayang bati nito sa kanya. “Welcome home.”
      Ngiti lang ang naging sagot niya dito. Si Nicko na ang nagtanong dito kung nasaan ang mga magulang niya. Iginiya naman sila nito sa pool area kung saan nakatambay ang Mommy at Daddy niya.
     Agad lumingon ang mga ito nang tawagin ni Nicko ang pansin ng mga ito. Gulat na gulat ang ekspresiyon ng mga ito nang makita siya.
     “Dominique, anak.” anang Mommy niya at tumakbo palapit sa kanya. Agad siyang niyakap nito ng mahigpit.
     Hindi niya napigilan ang mga luha niya sa pagbalong nang maramdaman ang pamilyar na init na hatid ng yakap ng kanyang ina. Gumanti siya ng mahigpit ding yakap dito. “I missed you, Mommy.” garalgal ang tinig na sabi niya.
     “Oh god, I miss you more, baby.” umiiyak ring sagot nito.
      Nang ilayo siya nito sa katawan nito ay sunod niyang sinunggaban ng yakap ang daddy niyang hindi nila namalayang nakalapit na sa kanila. “I missed you, daddy. I’m sorry kung umalis ako at iniwan ko kayo. Sorry kung naging matigas ang ulo ko. Hindi ko po sinasadyang saktan kayo ni mommy sa pag-alis ko.”
     Hinagod nito ang buhok at likod niya. “It’s okay, sweetie. Ang importante ay bumalik ka na. ‘Yon lang ang mahalaga sa’min ng mommy mo.” halata sa boses nito ang pinipigilang emosyon.
     Nang makabawi at mahamig nila ang mga sarili nila ay hinawakan ng mga magulang niya ang magkabilang kamay niya. “Hindi ka na uli aalis, hija. Di ba? Hindi mo na uli kami iiwan ng daddy mo?” tanong ng mommy niya.
     Sunod-sunod ang ginawa niyang pag-iling. “Hindi na po. Hindi na po ako aalis. Hindi ko na po kayo iiwan.” paniniguro niya sa mga ito.
     Halatang Nakahinga na ng maluwang ang mga ito. “Walang nagbago, okay? Hindi ka man namin kadugo ng mommy mo, anak ka pa rin namin. At ‘yon ang tatandaan mo. Maliwanag?” anang daddy niya.
     Nakangiting tumango siya. Muli ay nagyakap silang tatlo. “I love you, mommy. I love you, daddy.” madamdaming sabi niya sa mga ito.
     “I love you too, baby.” magkapanabay na sabi ng mga ito.
     Hanggang sa makapasok sila sa loob ng bahay ay hindi na binitiwan ng mga ito ang kamay niya. Bigla niyang naalala si Nicko. Nakalimutan na niya ito dahil natuon na ang buong atensiyon niya sa mga magulang niya. “Sandali lang po. Hahanapin ko lang po si Nicko.” pasintabi niya sa mga ito.
     Naabutan niya itong nakasandal sa kotse nito paharap sa front door. Tinakbo niya ito at dinaluhong ng yakap. “I did it, Nicko. I did it. Naharap ko sila ng maayos.” masayang pagbabalita niya dito.
     Gumanti ito ng yakap. “And I’m proud for you, honey. Very proud.” bulong nito sa tapat ng tainga niya pagkatapos ay isinubsob nito ang mukha sa leeg niya.
     Bahagya siyang lumayo rito ngunit nananatiling nakapulupot ang mga braso niya sa leeg nito. “Thank you, Nicko. Thank you so much.”
     Ngumiti ito at hinapit siya sa baywang palapit ito. “Anything to make you happy, honey. Palagi lang akong nandito sa tabi mo, okay?”
     Masayang tumango siya. Inilapit niya ang kanyang mukha rito para bigyan ito ng halik sa pisngi ngunit imbes na sa pisngi nito maglanding ang labi niya ay lumapat ‘yon sa mga labi nito na labis na ikinagulat niya.