NAIWAN sina Nica at
Simon sa condo unit ng binata pagkatapos ng selebrasyon.
Katakot-takot na pagbabanta pa ang
natanggap nito kay Renzo bago tuluyang umalis ang mga kaibigan niya. Ang loko
namang si Simon ay inasar pa ang kaibigan niya na hindi na siya nito isasauli
sa mga ito oras na mapag-solo sila doon.
Kailangan pa itong hilahin nina Choi para
lang umalis na ito. Tinatawanan naman nila ito at hanggang sa makalabas na ng
pintuan ay naglilitanya pa rin. Iiling-iling na ibinagsak niya ang kanyang
sarili sa sofa at pumikit. Nakakaramdam na siya ng pagod dahil sa walang humpay
na pakikipagkuwentuhan at pakikipagsayawan sa mga bisita niya.
Gusto pa nga ng mga ito na magkantahan
sila ngunit pinigilan na ito ng mga magulang ni Simon.
“Tired?” tanong ni Simon na hindi niya
namalayang nakalapit na sa kanya. Hinahaplos nito ang kanyang buhok.
“A little bit.” nahahapong sagot niya
habang nakapikit.
“Do you want to sleep muna? Maaga pa naman
eh.”
Umiling siya. “May surprise ka pa sa’kin
eh. Mamaya na ‘ko matutulog.”
He chuckled. “You love surprises, eh?”
pang-aasar nito.
“Honestly, ngayon ko lang nagustuhan ang
surprises. Thanks to you.”
Natawa ito. Pagkatapos ay tumayo ito kaya
dagli siyang napamulat ng mata. “Where are you going?”
“May aayusin lang ako. Magpahinga ka muna
dito.”
“Gusto mo tulungan kita?”
“’Wag na. I can manage. Magpahinga ka muna
diyan para may energy ka later for my very special gift for you.”
Hinayaan na lang niya ito. Pumikit na lang
uli siya at nagpahinga. Hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya. Nang
magising siya ay madilim at tahimik ang paligid. Bahagya siyang nakaramdam ng
kaba. Gaano ba siya katagal natulog? Iniwan ba siyang mag-isa ni Simon doon?
Tumayo siya at sinubukang maglakad ngunit
tumama ang kanyang tuhod sa center table. Napangiwi siya. Huhugutin na sana
niya ang kanyang cellphone sa bulsa niya upang gawing ilaw nang biglang bumukas
ang ilaw sa kusina. Naglakad siya papunta doon ngunit bago pa siya makapasok
doon ay biglang lumitaw si Simon. Nakangiti ito sa kanya.
Iba na ang suot nitong damit at lalo
yatang naging guwapo ito sa paningin niya. Nakasuot ito ng kulay asul na
long-sleeved polo na tinernuhan ng itim na slacks at leather shoes. Maayos ang
pagkakasuklay sa buhok nito.
“’Buti at gising ka na.”
“Akala ko iniwan mo na ‘ko. Bakit mo kasi
pinapatay ang ilaw? Ayan tuloy tumama ‘yong tuhod ko sa center table.”
nakalabing sumbat niya rito.
Agad na umungklo ito sa harap niya at
ininspeksiyon ang kanyang tuhod. Masuyong hinimas nito ‘yon.
Nailang naman siya sa ginagawa nito kaya
pinilit niya itong tumayo. “I’m okay.” muli niyang pinasadahan ito ng tingin.
“Ang guwapo mo naman.” puri niya.
“Thank you.”
Tiningnan niya ang sarili. Bigla siyang
Napangiwi. Pormal na pormal ang suot nito samantalang siya ay nakashorts at
T-shirt lang. Chuck taylor lang ang sapin niya sa paa at ang pinakamasaklap pa
ay sigurado siyang hindi maayos ang hitsura niya.
Bigla siyang napayuko. “Excuse me muna ha.
CR lang ako.” aniya at dali-daling lumayo dito. Nang makapasok sa banyo ay
naghilamos siya at sinuklay niya ang kanyang mahabang buhok. Itinali niya iyon.
Ngayon siya nagsisisi na hindi siya nagdala man lang ng kahit face powder para
nakapag retouch man lang siya.
Huminga siya ng malalim bago lumabas ng
banyo. Nagulat siya nang makita si Simon sa labas at nakasandal sa dingding na
animo hinihintay talaga siya. “You still look pretty. You don’t have to worry.”
anito habang nakatingin sa kanya ng deretso.
Nag-init ang mga pisngi niya at the same
time ay kinilig siya sa papuri nito. Bago pa siya makaisip ng sasabihin ay
hinawakan na nito ang isang kamay niya at hinila siya pabalik sa kusina.
Tumambad sa kanya ang isang single table na may dalawang silya. Nakaayos iyon
at may tatlong asul na rosas na nakalagay sa vase sa gitna ng mesa.
Tiningnan niya si Simon para sana
magtanong pero pinigilan siya nito. Iginiya siya nito palapit sa lamesa at
inalalayan siyang umupo. Umupo naman ito sa kaibayong silya at ipinagsalin siya
ng wine sa baso. Sinenyasan siya nitong simulan na ang pagkain.
Naiilang man siya dahil nararamdaman
niyang nakatingin ito sa kanya ay hindi na lang niya iyon pinansin. Idinaan
niya sa pagkain ang lahat ng tensiyon at kabang nararamdaman niya.
Nasa kalagitnaan sila ng pagkain nang
biglang may pumailanlang na malamyos na musika. Kung saan nanggagaling ‘yon ay
hindi niya alam. Tumingin siya kay Simon nang hawakan nito ang kamay niya. “May
I have this dance?”
Ilang sandali siyang hindi nakasagot bago
nakangiting tumango. Ngayon lang uli niya mararanasan ang maisayaw ng isang
lalaki pagkatapos ng maraming taon.
Inalalayan siya nitong makatayo bago siya
nito hinapit sa baywang. Isinandal naman niya ang kanyang ulo sa dibdib nito.
Napangiti siya dahil naririnig na niya ang pintig ng puso nito. Mabilis iyon.
Pupusta siya na kasimbilis niyon ang tibok ng puso niya na ito rin ang may
gawa.
Pumikit siya at ninamnam ang sarap ng
pakiramdam na makulong sa mga bisig ng lalaking mahal niya. Parang ang sarap
makulong doon habang-buhay.
“I love you Monica Lee.” bulong nito sa
tapat ng tainga niya kasabay ng paghigpit ng pagkakayakap nito sa kanya.
“I love you too.”
DAHIL sa sinabi ni
Nica ay dagling bumitiw dito si Simon.
Nakita niya ang pagkaaliw na nagsasayaw sa
mga mata nito. Halatang nagpipigil lang itong tumawa. “Sabihin mo nga uli.”
“Ang alin?” pagmamaang-maangan nito.
Kinagat pa nito ang ibabang labi nito para marahil pigilan ang pagtawa.
Namumula na ang mukha nito.
“’Yong sinabi mo. Ulitin mo.”
“Ayoko nga. Nasabi ko na eh. Kasalanan ko
ba kung hindi mo narinig?”
Hinapit niya ito sa baywang at inilapit
ang kanyang mukha dito. “Ulitin mo na. Please. I want to hear you say it
again.” pakiusap niya.
Sandaling hindi ito nakapagsalita
kapagkuwan ay bumuntong hininga. “I love you too Simon.” anito sa malambing na
tinig.
Dahil sa sobrang kasiyahang nararamdaman
niya ay binuhat niya ito at iniikot-ikot sa ere. Napasigaw ito at pumulupot ang
dalawang braso nito sa kanyang leeg. “Ibaba mo ‘ko Simon. Nahihilo ako.”
Ibinaba niya ito ngunit hindi niya ito tuluyang
binitiwan. “Mahal mo na talaga ako?” paniniguro niya.
“Oo nga. Ang kulit mo.” nakaingos na sagot
nito.
Niyakap niya ito ng mahigpit. Hindi niya
masukat ang kaligayahang nararamdaman niya sa mga oras na iyon. Pakiramdam niya
ay daig pa niya ang nanalo sa lotto dahil sa wakas ay sinabi na rin ni Nica ang
mga katagang matagal na niyang gustong marinig mula rito.
“Kailan mo pa narealize na mahal mo na
‘ko?”
“Importante pa ba iyon?”
“Syempre naman. Gusto kong malaman kung
paano ka nainlove sa’kin.”
“Nakalimutan ko na eh.”
Binitiwan niya ito at bumalik sa
kinauupuan. Narinig niya ang mahinang pagtawa nito bago lumapit sa kanya at
hinila ang manggas ng kanyang long-sleeved polo. “Galit ka?”
Hindi siya sumagot. Nilaro-laro niya ang
mga pagkain na nasa plato niya.
Umungklo ito sa gilid niya at niyakap ang
isang braso niya. “Sorry na. Sige na sasabihin ko na. Ikaw naman masyado kang
madaling magtampo.” nakalabing anito.
Tiningnan niya ito at unti-unti sumilay
ang isang matamis na ngiti sa kanyang labi. Ang cute nito sa hitsura nito
ngayon. Hindi na yata siya magsasawang pagmasdan ang magandang mukha nito.
Tumayo siya at inalalayan itong makatayo.
“Ang cute mo talaga. Para kang bata.”
Inirapan siya nito. “Ikaw diyan ang parang
bata eh. Patampo-tampo pang nalalaman.”
Inakbayan niya ito bago iginiya papunta sa
sala. Umupo sila sa sofa. “O, sige na kuwento na.” udyok niya.
Itinaas nito ang mga paa at ipinatong sa
center table bago isinandig ang ulo sa kanyang balikat. “Una pa lang kitang
nakita, crush na talaga kita. Ang guwapo mo naman kasi kaya sino ang hindi
magkakagusto sa’yo.
“Lalo pa kitang nakilala dahil madalas
tayong magkasamang lumalabas tapos ang sweet mo sa’kin. Noong una naisip ko na
hindi ako dapat magkagusto sa’yo kasi isip-bata ka. Tapos nainis pa ‘ko sa’yo
dahil na-offend ako no’ng ayaw mo pumasok sa shop ng mga pocketbooks. Pero
hindi rin naman kita natiis dahil hindi natapos ang araw na hindi tayo
nagkakabati.
“Noong kumain tayo ng isaw sa Hepa street,
akala ko biro lang iyong sinabi mo na liligawan mo ako. Parang hindi
kapani-paniwala eh. Tapos nagulat na lang ako kasi naging extra sweet ka
sa’kin. Palagi mo akong pinadadalhan ng kung ano-anong regalo. May flowers pa
ang teddy bears. Hindi mo lang alam sobrang kinikilig na ko no’n. I mean, sino
ba namang babae ang nasa tamang pag-iisip na hindi kikiligin kapag binigyan ng
mga gano’n.
“And then you said you love me. Nawindang
ang mundo ko. Hindi ko inaasahan na sasabihin mo ‘yon sa’kin at sa gitna pa ng
masinsinang pag-uusap natin tungkol sa problema mo sa daddy mo. Malay ko ba
naman kasi kung natutuwa ka lang sa’kin talaga. Hindi pa rin naman ako sigurado
sa nararamdaman ko. Oo nga crush kita pero hindi ko naman puwedeng sabihin na
mahal din kita kung ang alam ko ay crush lang ang nararamdaman ko para sa’yo.”
Habang nagkukuwento ito ay hinahaplos niya
ang buhok nito. Ang sarap pakinggan ng boses nito maging ng mga sinasabi nito.
No wonder madali nitong nasungkit ang puso niya. Effortless.
Nag-angat ito ng tingin at nagsalubong ang
kanilang mga mata. Nginitian niya ito. Gumanti naman ito ng ngiti. Bumaba sa
labi nito ang kanyang tingin.Mamula-mula iyon at parang kay sarap hagkan.
Bago pa niya mapigilan ang kanyang sarili
ay bumaba na ang mukha niya sa mukha nito at pinaglapat niya ang kanilang mga
labi.
PARANG kusang nagshut
down ang buong sistema ni Nica nang maglapat ang mga labi nila ni Simon.
Iyon ang unang beses niyang nahalikan at
pakiramdam niya ay daan-daang boltahe ang nabuhay sa buong pagkatao niya. Para
siyang isang babasaging kristal kung ituring nito. Napakasuyo ng paraan ng
pagkakahalik nito sa kanya.
Nang matapos ang halik na namagitan sa
kanila ay nakatingin lang ito sa kanya. Mayamaya ay naramdaman niya ang kamay
nito na hinahaplos ang kanyang pisngi. “Ganyan na ba talaga ang nagiging
reaksiyon ng mga babae ngayon kapag hinahalikan? Umiiyak?” pagbibiro nito.
Agad siyang napahawak sa kanyang pisngi
dahil sa sinabi nito. Basa nga iyon. Hindi man lang niya namalayan na umiiyak
na pala siya. “Sorry.” inilayo niya ang kanyang mukha at siya na ang kusang
nagpunas ng mga luha niya.
“Why are you crying?” nag-aalalang tanong
nito.
“I’m just happy that’s all.”
“Kung masaya ka bakit ka umiiyak?”
“Umiiyak ako kasi nga masaya ako.”
“’Wag ka na umiyak. Ayokong nakikita kang
umiiyak eh.” pang-aalo nito sa kanya. Umupo siya ng tuwid nang bigla niyang
naalala ang itatanong niya dapat dito. Hinarap niya ito. “Simon...”
“Hhmmm...”
“Pa’no kayo nagkabati ng daddy mo?”
nag-aalinlangang tanong niya dito.
Umupo na rin ito ng maayos at isinandal
ang sarili sa sandalan ng sofa. “No’ng araw din na ‘yon na kinausap kita,
hinintay ko si daddy para kausapin. Muntik pa nga akong umurong dahil kinabahan
ako pero pinilit kong lakasan ang loob ko. Hindi dapat ako matakot, iyon ang
sabi mo eh.
“Nang dumating si daddy at bago pa ko mawalan
ng lakas ng loob ay pumasok na ko sa kuwarto nila ni mommy. Akala ko nga no’ng
una ay itataboy niya ko. Buti na nga lang hindi niya ginawa eh.” bahagya pang
natawa ito bago ipinagpatuloy ang pagku-kuwento.
“Sinabi ko lahat sa kanya kung ano ang nararamdaman
ko. Habang nagsasabi ako sa kanya iyon, ikaw ang iniisip ko. Dahil sabi ko
naman sa’yo ikaw ang lakas ko para gawin iyon eh. And then, sa pagkagulat ko ay
ngumiti si daddy sa’kin. And take note, a genuine one. Tapos sinabi na niya
sa’kin ang mga dahilan niya.
“Gusto niya akong maging matatag. Ayaw
niyang lumaki akong mahina. Katulad ng sinabi nina Kuya sa’kin, ginawa rin ni
daddy sa kanila ang mga ginawang paninikis ni daddy sa’kin. Siguro raw ay may
kasalanan din siya dahil napasobra yata iyong ginawa niya sa’kin. Tapos
nag-sorry siya.
Sinabi ko na rin sa kanya na freelance
photographer ako. And then he told me, he’s proud of me. Grabe, kulang na lang
ay magtatalon ako sa tuwa nang sabihin niya sa’kin iyon. At last, narinig ko na
rin na sinabihan niya akong proud siya sa kung anuman ang naabot ko.” masayang
pagkukuwento nito.
Ipinaloob siya nito sa mga bisig nito at
hinimas-himas ang likod niya.
Isiniksik niya ang kanyang sarili rito.
“Simon...”
“Hmmm...”
“Masaya ako para sa’yo dahil maayos na
kayo ng daddy mo. Masaya rin ako na ikaw ang piniling mahalin ng puso ko. May
isa lang akong hihilingin sa’yo.”
“Ano iyon?”
“Huwag mo akong sasaktan ha?”
He chuckled. “Hindi po. I will never do
anything that can hurt you.”
“Promise?”
“I promise.”
Ang pangako nitong iyon ang panghahawakan
niya at pagkakatiwalaan niya na may magandang bukas na nag-aabang para sa
kanilang dalawa.
NAGISING si Nica
kinabukasan dahil sa silaw ng liwanag na nanggagaling sa labas ng bintana.
Ilang sandal rin ang nakaraan bago niya naimulat ang kanyang mga mata.
Akmang babangon siya nang maramdaman niya
ang isang bagay na nakapulupot sa kanyang bawyang. Ganoon na lang ang
pagpipigil niyang mapasinghap nang mapagtanto kung ano iyon. Braso ng isang
lalaki. Sisigaw na sana siya kung hindi lang niya nakita ang mukha ng lalaking
nakayakap sa kanya. Si Simon. Bigla niyang naalala ang mga nangyari nang
nagdaang araw.
Iyon na siguro ang maituturing niyang
pinaka-masayang kaarawan niya sa buong buhay niya. Ipinaramdam nito sa kanya na
kahit hindi niya kasama ang kanyang ama sa kasalukuyan ay hindi siya nag-iisa.
Ipinaramdam nito sa kanya na maraming taong nagmamahal sa kanya. Napangiti
siya. May nobyo na siya. Hindi na siya makapaghintay na masabi sa kanyang ama
ang magandang balita.
Tiyak na matutuwa ito para sa kanya kapag
nalaman nitong isa sa mga anak ng matalik nitong kaibigan ang nobyo niya.
Umayos siya ng pagkakahiga sa tabi ni
Simon ‘tsaka ibinalik ang kanyang tingin dito. Pinagmasdan niya ang guwapong
mukha nito. Hindi maipagkakaila ng kahit na sino na guwapo talaga ito. Ngunit
hindi lang iyon ang kagusto-gusto sa binata. Maalaga ito, mabait, maaalalahanin
at malambing. Kahit na minsan ay isip-bata ito kung umakto ay hindi naging
hadlang iyon para mahalin niya ito.
Bago pa niya mapigilan ang kanyang sarili
ay umangat na ang kanyang kamay ay hinaplos ang pisngi nito. Mukha itong anghel
na natutulog. Her angel.
Nagmulat ito ng mga mata at agad na
tumutok sa kanya ang mga mata nito.
“Good morning.” nakangiting pagbati niya
rito.
Saglit na natigilan ito. Mayamaya lang ay
nginitian na siya nito ng matamis. “Good morning, my princess.” ganting bati
nito at ginawaran siya nito ng isang matamis na halik.
Bumangon na siya at umupo sa kama. “Pa’no
tayo nakarating dito?” nagtatakang tanong niya.
“Binuhat kita. Nakatulog ka na kasi eh.
Hindi naman kita magising kasi alam kong pagod ka kaya hinayaan na lang kita na
matulog.” paliwanag nito.
“Eh bakit katabi kita?” nakataas ang isang
kilay na tanong niya.
“Ayaw mong bitiwan ang braso ko eh. Hindi
ko na rin namalayan na nakatulog ako.”
“Wala kang ginawang masama sa’kin?” nagdududang
tanong niya rito. Ang totoo ay inaasar lang niya ito. Ang guwapo-guwapo kasi
nito kahit na bagong gising.
Napakamot ito sa ulo. “Gustuhin ko man
hindi puwede. I respect you and I want you to be a virgin bride in the future.”
“Naks naman. Ang keso ni Simon.” patuloy
na pang-aasar niya.
Umismid lang ito bago bumangon at sumandal
sa headboard ng kama. “What do you want to do? Umuwi na o magbreakfast muna?”
“Breakfast muna tayo. Siguro naman may mga
stocks ka diyan di ba?”
Sukat sa sinabi niya ay ngumiwi ito. “Wala
akong stocks dito. Hindi naman kasi ako mahilig kumain dito sa unit. Kapag
nagkakampo ako dito ay sa labas ako kumakain.”
Pumalatak siya. “Masyado kang magastos
Simon Jimenez.” bumaba siya ng kama at nagtungo sa banyo ngnit bago pa siya
makapasok doon ay bigla siyang natigilan. Bumaling siya rito. “May spare ka
bang toothbrush?”
“Mayroon diyan sa loob.” sagot nito habang
inaayos ang kama.
Tumuloy na siya sa loob ng banyo at
sinimulang mag-ayos. Nang matapos siya ay ito naman ang pumasok doon. Habang
hinihintay niya ito ay nilibot niya ang buong unit. Malaki iyon. May tatlong
kuwarto at isang banyo. Very cozy ang loob ng unit ni Simon ngunit mararamdaman
doon ang isang homey feeling. Natutok ang kanyang mga mata sa tatlong picture
frame na nakapatong sa isang table na nakalagay sa isang bahagi ng sala.
Lumapit siya doon para tingnan iyon.
Ang isang frame ay ang picture nito kasama
ang dalawang kapatid nito. Bata pa ang mga ito sa litrato at sa tantiya niya ay
nasa sampu hanaggang labing-isang taong gulang lang ang mga ito. Ang isang
frame naman ay family picture ng mga ito. Larawan ang mga ito ng isang masayang
pamilya. Hindi mahahalata sa litrato na minsang naging malayo ang loob ni Simon
sa Daddy nito. Ang huling litrato ang nakapagpagulat sa kanya. Siya iyon Kuha
iyon sa bar kung saan kumakanta siya. Halatang stolen shot iyon dahil hindi
siya nakatingin sa camera. Nakilala niya ang damit na suot niya. Iyon ang araw
na muli nilang nakita ni Renzo si Cola.
Naramdaman niya ang pagpulupot ng mga
braso ni Simon sa baywang niya. Niyakap siya nito mula sa likuran.
“Bakit meron ka nito?” tanong niyang hindi
inaalis ang mga mata sa litrato. Parang may humaplos sa puso niya. Hindi niya
napansin ang mga iyon nang nagdaang gabi dahil abala sila sa selebrasyon ng
kanyang kaarawan.
“Tinawagan ako nina Kuya Chris nang gabing
iyan. Ang sabi niya sila raw ang naghatid sa’yo sa bar. Hindi mo alam na
pinanonood ka naming habang kumakanta ka. Hindi ko napigilan ang sarili kong
kuhanan ka ng litrato dahil ang ganda-ganda mo.” nakapatong ang baba nito sa
kanyang balikat nang sabihin iyon.
Hindi niya napigilan ang pagpatak ng luha
sa kanyang mga mata. Na-touch siya sa ginawa nito. Humarap siya rito at ginawaran
niya ito ng isang matamis na halik sa mga labi. “Thank you loving me Simon.”
aniya pagkatapos ng halik.
Pumalatak ito. “Umiiyak ka na naman. Sabi
ko sa’yo ‘wag kang iiyak eh.” reklamo nito. Naglabas ito ng panyo at pinunasan
ang kanyang basang pisngi.
“I can’t help it. Unti-unti ko kasing
nakikita ang mga pruweba na mahal na mahal mo ako eh.” sisinghot-singhot na
depensa niya.
“Hindi naman tayo mauubusan ng oras eh.
Araw-araw kong ipaparamdam sa’yo kung gaano kita kamahal at rest assured na
hindi ako magsasawa, okay?” hinawakan nito ang magkabilang pisngi niya ng mga
palad nito.
Nakangiting tumango siya. Hinawakan nito
ang kanyang kamay at iginiya na siya palabas ng unit.
Napakasaya niya. Pakiramdam niya ay siya
na ang pinakamasuwerteng babae sa buong mundo sa mga oras na iyon.
Sana hindi na matapos ‘to.